𝐌𝐚𝐬 𝐋𝐚𝐥𝐨𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐲𝐚 𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐦𝐚𝐡𝐚𝐥𝐚𝐚𝐧 𝐧𝐚 𝐌𝐚𝐠𝐛𝐢𝐠𝐚𝐲 𝐧𝐠 𝐌𝐚𝐬 𝐀𝐜𝐜𝐞𝐬𝐬𝐢𝐛𝐥𝐞 𝐚𝐭 𝐃𝐞-𝐤𝐚𝐥𝐢𝐝𝐚𝐝 𝐧𝐚 𝐄𝐝𝐮𝐤𝐚𝐬𝐲𝐨𝐧
- Arian Jane Ramos
- 2 araw ang nakalipas
- 3 (na) min nang nabasa

May isang aral na hindi dapat balewalain. Kung nagawang makapagpatayo ng CPP-NPA ng dalawampu’t isang (21) Salugpongan school buildings sa liblib na kabundukan ng Talaingod, mas lalong kayang gawin ng isang demokratikong Estado ang pagtatayo ng mas marami, mas ligtas, at mas de-kalidad na mga paaralan. Ang tanong ay hindi kung kaya ba ng pamahalaan. Ang tanong ay kung gaano ito magiging prayoridad.
Sa loob ng maraming taon, ang mga paaralan sa kabundukan ay hindi lamang naging lugar ng pagkatuto. Higit na naging bahagi sila ng tunggalian ng mga ideya at impluwensiya. Para sa maraming batang lumaki sa gitna ng armadong sigalot, ang pangarap noon ay maging kumander ng NPA at humawak ng M16 o AK-47. Hindi dahil iyon ang likas nilang pinili, kundi dahil iyon ang mundong kanilang kinagisnan.
Ngunit maaaring baguhin ang mga pangarap na iyon.
Kapag ang Estado ang unang naghahatid ng edukasyon, guro, aklat, silid-aralan, at oportunidad, ang pangarap ng isang bata ay nagbabago. Ang batang minsang nangarap humawak ng armas ay maaaring mangarap na maging guro, inhinyero, nars, abogado, doktor, kawal, o lider ng kanyang komunidad.
Sa Sitio Nalubas, Brgy. Palma Gil, Talaingod, Davao del Norte, nakapaghatid tayo ng mga school armchairs at iba pang kagamitang pang-edukasyon. Dating lugar ito kung saan naitayo ang isa sa mga Salugpongan schools. Ngayon, mahalagang tiyakin na ang mga komunidad na minsang naging sentro ng tunggalian ay maging sentro naman ng pagkatuto, pag-unlad, at pag-asa.
Hindi rin dapat ipagsawalang-bahala na patuloy umanong nagsisikap ang CPP-NPA na muling palawakin ang impluwensiya nito sa ilang komunidad sa pamamagitan ng kanilang mga legal front organizations. Ang pinakamabisang tugon dito ay hindi lamang pagpapatupad ng batas. Mas mahalaga ang patuloy na presensya ng Estado sa pamamagitan ng edukasyon, serbisyong pangkalusugan, kabuhayan, imprastraktura, at mabuting pamamahala.
Dito dapat higit na magtuon ng pansin ang DepEd Philippines. Ang mga dating lugar ng tunggalian ay hindi dapat maiwan sa usapin ng kalidad ng edukasyon. Kailangang tiyakin na may sapat na mga guro, silid-aralan, aklat, learning materials, at tuluy-tuloy na suporta sa mga batang katutubo. Kapag nararamdaman ng komunidad ang Estado sa loob ng silid-aralan, unti-unting nawawalan ng puwang ang mga ideolohiyang umaasa sa kawalan ng serbisyo at oportunidad.
Maraming salamat sa JCI Kadayawan sa pamamagitan ng Project Salumayag, sa 60th Infantry "Mediator" Battalion sa pangunguna ni Col. Jesus Rosete, sa Philippine Army Officers Candidate School (PAOCS) sa pangunguna ni Col. Harold Cabunoc, at sa lahat ng mga taong naging bahagi ng misyong ito.
Ngunit hindi rito nagtatapos ang ating pananagutan.
Marami pang mga sitio sa Talaingod ang nangangailangan ng mga paaralan, school furniture, aklat, school supplies, at mga gurong handang maglingkod sa mga liblib na komunidad. Ang bawat donasyon ay hindi lamang tulong sa isang bata. Isa itong pamumuhunan sa kapayapaan.
Sa huli, ang tunay na laban ay hindi kung sino ang unang nakapagpatayo ng paaralan. Ang tunay na laban ay kung sino ang patuloy na makapagbibigay sa bawat batang Pilipino ng de-kalidad na edukasyon, pag-asa, at pagkakataong mangarap. Sapagkat ang pinakamatibay na depensa laban sa insurhensiya ay hindi lamang ang presensya ng sundalo sa kabundukan. Ito ay ang presensya ng Estado sa bawat silid-aralan. Kapag ang aklat ang naging sandata ng isang bata, unti-unting nawawalan ng puwang ang karahasan, at doon nagsisimula ang tunay at pangmatagalang kapayapaan.
Lagi’t lagi ay para sa kabataang lumad.
Paragas ki!



Mga Komento