Community farm ng mga FR at people’s org, planong gawing modelo ng sustainable agriculture
- Damian Santillana
- Oct 13
- 2 min read

LAAK, Davao de Oro — Isang bagong oportunidad ang binubuo para sa mga former rebel (FR) sa pamamagitan ng Community Farm Development Project sa bayan ng Laak, kung saan 30 miyembro ng Lawis Farmers Association at 20 opisyal ng Kalinaw Southeastern Mindanao Region (Kalinaw SEMR) ang direktang makikinabang, at mismong nagtatrabaho, sa komunal na sakahan.
Saklaw ng proyekto ang tatlong ektaryang lupa na tinatamnan ng gulay at mga halamang pakain sa hayop, habang bahagi nito ay ilalaan sa paghahayupan. Layunin ng sakahan na pagsamahin ang sustainable agriculture at diversified farming upang maging matatag at kapaki-pakinabang sa pangmatagalan.
Kabilang sa mga ipinatutupad na praktika ang terrace farming (paghahagdan-hagdan) para maiwasan ang pagguho ng lupa at mas maayos ang daloy ng tubig; pagtatanim ng fodder legumes sa bawat terrace upang suportahan ang istruktura, mapanatili ang sustansya ng lupa, at magsilbing pakain sa hayop; at gawa-gawang organikong pataba mula sa compost.
“Layunin talaga ng komunal na ito na magsilbing modelo sa ibang mga PO (people’s organization) hinggil sa sustainable agriculture,” ani Patricio Nadong, na kilala noon sa kilusan bilang Tay Chris. Siya ay dating kadre ng New People’s Army at ngayon ay aktibong kasapi ng Kalinaw SEMR, isang pederasyon ng mga dating rebelde na nagsusulong ng kapayapaan.
“Gusto nating maipakita sa kanila ang isang farm na hindi masyadong nakadepende sa mga komersyal at kemikal na inputs, self-sustaining, ibig sabihin doon na rin manggagaling, karamihan kung hindi man lahat, ng kailangan, at pangmatagalan dahil isinasaalang-alang ang kalusugan ng lupa.”
Aminado si Tay Chris na mas matrabaho ang ganitong sistema kumpara sa nakasanayang pagsasaka. “‘Yung ibang mga kasama halos ayaw nang mag-contour (terrace),” natatawa niyang kuwento. “Pero syempre kailangan talaga natin ang patuloy na edukasyon sa mga kasama kung gaano kahalaga ang ganitong mga praktika at teknolohiya. Kahit lumipas ang mahabang panahon, hanggang sa mga susunod na henerasyon, makikita natin ang ibubunga ng pagsisikap natin, kumpara sa karaniwang farming.”
Sa ngayon, kalakhan ay nasa yugto pa ng paghahanda ng lupa ang dalawang grupo, ngunit may mga naitanim na ring iba’t ibang gulay. Tinatantya nila kung aling mga binhi ang pinakamainam itanim batay sa kalidad ng lupa, bago tuluyang palawakin ang taniman at simulan ang bahagi para sa paghahayupan.
Layunin ng proyekto na magsilbi bilang modelo para sa iba pang people’s organizations na nagnanais magpatupad ng sustainable at diversified farming sa kani-kanilang komunidad.





Comments