Dating kadre ng CPP, binasag ang pahayag na “lumalago” ang NPA, baseng masa
- Jay Dimaguiba
- Jul 21
- 2 min read
MANILA—Noong Hulyo 18, iginiit ng Communist Party of the Philippines (CPP) na patuloy umanong “tinatanggap” ng mga magsasaka ang New People’s Army, patunay na "lumalago" baseng masa nito.

“Inatasan ng Partido ang mga yunit ng NPA na magsagawa ng malawak at masinsing gawaing-masa sa hanay ng magsasaka… saan man sila magtungo, mainit silang tinatanggap ng naghihirap na magsasaka na nais lumaban para ipagtanggol ang kanilang karapatan at kabuhayan,” ayon sa CPP.
Ngunit para kay Agnes “Lola” Lopez Reano, dating political officer ng Bicol Regional Party Committee na kumalas sa kilusan, “hindi totoo” ang larawang iginuguhit ng Partido.
“Hindi totoo na welcome ang CPP-NPA-NDFP sa mga komunidad. Sadyang ipinipilit lang nito ang kanilang mga sarili at hindi makapalag ang masa dahil sa panlilinlang, intimidasyon, at pananakot,” ani Lola.
Panahon ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto nang mahuli at tuluyang sumuko si Lola. Mahabang proseso rin ang kanyang ginugol upang buuin ang desisyong patuloy na pagsilbihan ang masa na labas sa konteksto ng "digmang bayan."
“Wala na rin talagang nakikitang konkretong batayan ang taumbayan sa konsepto ng CPP-NPA na ‘pagsilbihan ang bayan,’” giit niya.
Sa Bicol kung saan minsang kumilos si Lola, iniulat ng Police Regional Office na umabot sa 132 kasapi ng NPA ang kusang loob na sumuko sa pulisya at militar sa rehiyon sa unang anim na buwan ng 2025.
“Wala nang moral na kalamangan ang CPP-NPA-NDFP; hayag na maraming sumusuko at lumalaban sa kanila,” diin ni Lola, na kasalukuyang tumutulong sa program
Sa halip na tulong, pangingikil ang naaalala ng mga magsasaka, dagdag ni Lola:
“Marami nang ipinangako ang kilusan: reporma sa lupa, edukasyon, proteksyon… pero nauwi lang sa pangungumpiska ng ‘rebolusyunaryong buwis.’ Dahil dito, hindi na naniniwala ang masa sa amin kahit anong panghahamig ang gawin.”
Isinabuhay pa niya ang matagal nang pagod ng komunidad:
“Nasusunog ang kanilang bahay, napeperwisyo ang kabuhayan. Para sa masa, ang NPA ang delubyo, hindi pag-asa.”
Nang balikan ni Lola ang sariling karanasan sa Lupi, Camarines Sur, sabi nya, “Harap-harapan kaming tinanggihan ng masa; pinagsaraduhan ng bintana at pinto, para kaming ipis na gustong ipagtabuyan.”
“Matagal na rin kaming naniwalang rebolusyon ang daan, ngunit mas lumaki ang pagkakamali kaysa sa naitulong sa kabuhayan ng masa… Walang halaga ang propaganda ng CPP-NPA dahil hindi ramdam ng tao ang kapayapaan at kaunlaran sa piling nila.”
Dagdag ni Lola, nagising na ang mga karaniwang mamamayan sa pagmamayabang ng CPP-NPA na sila ’y “minamahal ng masa.” Aniya, sa kulturang ipinaiiral ng kilusan; ang walang taning na sakripisyo, karaniwang nauuwi sa pagkawatak-watak ng pamilya at pagwasak ng kinabukasan ng bawat mandirigmang sumasapi rito.
“Walang malasakit ang kilusan sa sarili nitong mga kasapi,” mariin nyang diin.
Masakit na aral para sa kaniyang yunit ang samu’t saring inhustisya at pinsalang sila mismo ang nakapagdulot sa mga komunidad na dapat sana’y kanilang “pinaglilingkuran.”
“Doon ko naunawaan na hindi sapat ang mga panata sa ideolohiya kung walang tunay na pagmamalasakit sa tao,” patuloy niya. “Walang saysay ang propaganda ng CPP-NPA kung hindi naman nararamdaman ng masa ang kapayapaan at pag-unlad.”
Sa huli, ito ang aral na binahagi ni Lola Agnes: “Kung walang takot, walang armadong pakikibaka, at walang kasinungalingan. Makakamtan natin ang landas ng tunay na pagbabago at pag-unlad.”





Comments