Deradicalization Program para sa 27 Former Rebels, matagumpay na nailunsad
- Jay Dimaguiba
- Jun 20
- 2 min read
Updated: Jul 1

ASUNCION, DAVAO DEL NORTE–Matagumpay na ginanap ang sampung-araw na Deradicalization Program ng 27 dating rebelde sa Balay Panaghiusa, Halfway House for Former Rebels sa Barangay Doña Andrea, Asuncion, Davao Del Norte mula ika-9 hanggang ika-18 ng Hunyo, 2025.
Layunin ng programa na tulungan ang mga former rebels na makabalik sa kanilang mga dating pamumuhay bilang mga sibilyan sa piling ng kanilang pamilya.
Mabuti ang naging epekto ng deradicalization program o derad sa mga lumahok na former rebels ayon kay Brian T. Miguel, Social Welfare Officer II ng Davao del Norte Provincial Social Welfare Development Office (PSWDO) na isa sa mga pangunahing organisador ng programa.
“Lubusan na nilang itinatakwil ang pagiging NPA nila at nagbalik na ang kanilang loob sa gobyerno,” ani Miguel. “Gusto na lang nila ngayong mamuhay nang mapayapa kapiling ang kanilang pamilya.”
“Nakatulong ang derad sa amin para kwestyunin ang mga paniniwalang ikinintal sa amin ng doktrina ng Partido sa loob ng mahabang panahon,” pahayag naman ni alias Pogi, isang dating kumander at kadre ng Southern Mindanao Region. “Kinuwestiyon nito ang armadong pakikibaka at binuksan ang aming isipan sa posibilidad na maaari rin naming makamit ang panlipunang pagbabago sa pamamagitan ng ligal na pakikibaka. Itinuro nito sa amin na handang makipagtulungan ang gobyerno upang masolusyonan ang mga problema sa lipunan na syang dahilan ng pagrerebelde namin noon—na maibibigay naman pala ng pamahalaan ang interes ng mga magsasaka, lumad, at ng mga former rebels at kanilang mga pamilya.”
Hindi rin mahirap ang naging pagtuturo sa mga kalahok ayon sa isang instruktor na si Maximo Andales Catarata Sr., mas kilala bilang si Datu Makatindog at dating Kalihim ng Guerilla Front 3 ng NPA.
“Mismong ang mga kalahok ay nagbibigay ng mga halimbawa at mga karanasan kaya’t madali na lang ang pagpadaloy ng diskusyon,” ani Catarata. “Sila mismo nakita nila ang mga kamalian sa loob ng kilusan at mga dahilan ng naging pagkabigo nito.”
Magpapatuloy pa sa loob ng tatlong buwan ang mga psychosocial activities at livelihood training para sa mga kalahok na former rebels bilang bahagi ng programa habang pinoproseso ang kanilang ECLIP.





Comments