FR DIARIES | Dianne: Life Under the Red Flag
- Mau Chaeyoung

- Sep 7
- 6 min read
Updated: Sep 8
Halos lahat ng bagong full-time na hukbo ay galing youth sector. Una, theory muna o mga Party Courses, sunod Basic Mass Intergration (BMI) sa mga Pink Area sa countryside, tapos pwedeng Tour of Duty (TOD) na sa mismong sonang guerilla, hanggang sa military training o Ka Roger Training Course (KRTC), at pagpapahayag na ng pag full-time.

Ako si Dianne, dating miyembro ng Anakbayan, at nag full-time ako sa hukbo. Na-recruit ako bilang aktibista sa edad na 14 years old pa lang at sumampa sa NPA nang mag-18 years old na. Sa aking mga natutunan, maraming salik para mag NPA, at ang pinaka-nakapag-hikayat sa akin ay ang mga napapanood kong videos tungkol sa buhay ng hukbo sa kanayunan.
Syempre, napaka-agitating. Sa mga napanuod ko, feel ko ay napaka-dalisay talaga ng organisasyon at ng pagre-rebolusyon. Gusto ko rin na maging parte at makapag-ambag sa pagsusulong nito. Bayani ang turing sa mga kasamang nag-aalay ng kanilang buhay para sa karapatan ng mamamayang Pilipino. Masyado kong na-romanticize ang buhay hukbo at na-excite ako kaya nag-desisyon ako na mag full-time. Nawala ang aking takot sa kamatayan at kahirapan.
Ngunit kalaunan, nagkaroon ng hamon ang aking mga pananaw. Mahirap din pala talaga na manghamig ng masa at maghanap ng baryo na magtataguyod para sa mga hukbo. Sa unang tatlo hanggang anim na buwan ay mas marami ang mga lakaran na naranasan ko kaysa sa panahon sa solidong nag-oorganisa kung saan nagtatayo kami ng organisasyon para sumuporta sa digmang bayan. Marami din naman talaga kaming nakakasalamuhang masa, pero karamihan ay hanggang hospitality at awa na lang ang pagtulong nila sa amin. Ayaw nilang magpa-organisa.
Papatinding digma
Sa aking karanasan, ang pinaka-maiksing lakad namin ay anim na oras, di pa kasama ang pahinga at pagkain. Sa pinaka-malala ay mahigit 26 hours, 20 hours yung buong lakaran at anim na oras naman ang buong pahinga. Partikular sa unit na kinapalooban ko, marami kasing most wanted lalo na yung aming commander kaya hinahabol talaga ng mga kasundaluhan. Sensitibo pa ang aking balat kaya palaging parang sinusunog ang aking paa dahil sa mga sugat at alipunga.
Lakaran pa lang ay may mga naiiwan ng baril at may mga nalulunod na mga kasama. Kaya kapag pahinga ay matindi rin ang pagtitipid at gutom. Nangyayari ito dahil marami talaga kaming iniiwasan na mga baryo na hindi namin mapagkakatiwalaan ang mga masa. May history kasi ang NPA unit namin ng maraming kaso na pinatay talaga ng masa ang hukbo at tinuro sa mga sundalo. Minsan ay masa pa mismo ang naglason sa mga dating kasama.
Noong una ay hindi ko ito ganoon ininda, dahil naniniwala ako na magkakaroon pa rin kami ng pag-asa at magagamit ko pa rin ang aking potensyal at determinasyon. Ngunit habang tumatagal ang aking panahon sa kilusan ay naging chronic na ang kahirapan, gutom, at mas matinding mga tensyon ang aming naranasan.
Noon may tinatawag pa kaming ‘peace time’ kung saan relatibong humuhupa pa ang operasyon at nakakakilos ng malaya ang mga kasama, pero noong huli ay ipinahayag ng pamunuan na hindi na ito mararanasan ng unit namin at maghanda na lang daw kami sa mas papatinding mga digma.
Totoo nga ito. Dahil sa huling kwarto ng huli kong taon sa NPA ay sunod-sunod na ang mga naranasan naming mga labanan. Out of frustration na pagbabahagi pa nga ng mga beteranong hukbo at Political Instructor (PI) ay hindi pa nila naranasan ang mga atrasan na naranasan namin noon. Marami sa aking mga karanasan ay bago lang din na karanasan sa aming unit. Dati kapag napalaban daw ay isa o dalawang linggo lang ay nakakapag-consolidate na at nasasalo kaagad ng masa ang unit. Pero sa amin, wala.
Bago pa man ang aming mga labanan ay mahigit dalawang buwan ng nakaranas ng matinding gutom ang aming unit. Sa mga karanasan ng matatandang kasama, napapalaban man sila ay hindi sila galing sa gutom o di kaya’y may mga baon na pagkain. Ngunit sa panahon na iyon ay maraming malubhang nagkasakit dahil mahigit dalawang buwan din kami na hindi nakakain ng kanin.
Noong nakakain naman kami ay may halong ‘kisa’ o tinadtad na hilaw na saging o kamote upang mapadami ang bigas. Noong unang mga buwan ng focused military operation ng AFP ay isang cup noodles pa ang aming takalan ng kanin. Ngunit noong tig- gutom na ay hanggang maliit na tasa na lang ng kape ang aming takalan kapag gusto talaga na ng purong kanin.
Asin
Sa mga panahon na ito, bilang bagong full time ay naranasan ko na mawalan ng asin. Ilang buwan din na wala kaming resupply ng asin at bigas. Sariling diskarte na lang talaga ng unit paano kami makaka-survive kahit na katabi lang namin ang maraming mga baryo.
Ang aming kanin ay tatlong maliliit na tipak ng balinghoy (kamoteng kahoy) at ang ulam namin ay talbos din ng kamote na sinabawan pero walang asin. Sobrang pagod at grabe ang gutom. Minsan kahit pik-iw (mga mura o maliliit na saging) ay pinapatos na namin dahil wala na rin talaga kami mapagkukunan ng supply.
Hindi na rin kami maka-asa sa mga kaingin ng masa dahil kaunti lang at paubos na ang mga pananim nito. Sa mas masamang kalagayan ay may mga nawala na sa amin at nahuling mga kasama, tapos dito pa kami sunod sunod na napalaban habang maraming may sakit at matindi ang gutom. Sa totoo lang, pagpasok ko pa lang sa unit hanggang sa mga sunod-sunod na labanan ay puro atrasan na lang talaga ang ginawa namin.
May mga katangian at kalakasan din naman ako kung kaya’t mabilis nakaka-angkop. Malakas ang aking pisikal na pangangatawan, maliksi, mabilis maglakad kung walang sugat, at may kakayahang magbuhat ng mabibigat kahit na babae ako at bagong full-time din. Pero sa mga panahon iyon ay nagasgas din ako.
Dahil sa mga unang labanan, dalawang baril na mahaba ang aking bitbit. Sa pangatlong labanan ay naiwanan ko na ang aking bag, kaya sa mga sumunod pang labanan ay ako na ang taga-bitbit ng bag ng matanda o di kaya ng bag ng aming gunner. Na obliga na ang bawat isa sa amin na gumawa ng mga bagay na unusual. Kahit mga kadre at matatanda ay napilitan nang gawin ang gawain noon na ginagawa lang ng mga karaniwang mandirigma.
Sa mga panahong may pagkakataon kaming kumuha ng supply, minsan one of the boys ako kasi sumasama ako. Taga-kuha din ako ng supply! Kasama ko ay mga katutubo, dahil ako yung pinaka-bata at may kakayahan, kailangan ko na rin tumulong dahil gutom na din naman ako.
Bagsak na morale
Ang pagkuha pa ng supply namin ay sa kabilang bundok pa kaya umaabot ng isang buong araw bago kami makabalik. Ang aking bitbit ay isang kawa (sako) na punong-puno ng saging, gulay, o niyog. Ito na rin kasi yung mga panahon na yung ibang malalakas na hukbo sa loob ay umaayaw na sa gawain at may sakit na.
Marami na din ang nagpapasaway. Kalahati ng bilang ng unit namin noong unang pumasok ako ay wala na, marami kasing namatay pero mas marami ang nag-awol. Sobrang sakit at malungkot dahil nasaksihan ko din ang pagkamatay ng mga dati kong kasama. Hindi pa sapat ang salaysay upang maibahagi lahat ng mapapait na karanasan ko sa hukbo.
Nakikita ko na sa mga mata ng bawat kasama ang lungkot at pagkabalisa. Ang kawalan ng pagkakaisa ng pamunuan at mga hukbo nito. Ang pagtalikod sa kani-kanilang responsibilidad at mga tungkulin. Napaka-depressing na unti-unti naglalaho ang aking mga pangarap sa loob ng pakikibaka. Lalo na ng mga nawalan ng buhay dahil lang sa mga maling desisyon ng unit. Bumagsak na ang morale ng hukbo.
Disconnect
Dito napagtanto ko na napakalayo ng aking mga tunay na karanasan sa ibinenta sa akin na mga ideya ng buhay ng NPA. Malayo sa katotohanan at tunay na prinsipyo na paglilingkod sa masa.
Ang pamumuhay pa lang sa hukbo at pilit na pag-survive ay matindi ng nakakapinsala sa masa. Dahil sa naging mga karanasan ko, para sa akin mas selfish na kung mananatili ako kahit na nawawala na ang esensya ng pakikibaka. Hindi na ito tungkol sa masa, kundi sa ego. May disconnect na.
Nagbalik-loob ako upang ilaan na lang ang aking buhay sa mga taong tunay na nangangailangan sa akin. Hindi lang sa aking pamilya pero ang means na totoong makatulong talaga sa iba.
Hindi cool maging Hukbo. Of course we tell different stories and experiences. Pero iisa lang ito sa konsepto ng paghihirap at pagsasakripisyo para sa hindi malaman o makitang dahilan hanggang sa kasalukuyan.
Hindi lang kasawian at pagkagapi ang aking naranasan sa NPA, kundi ang pag-abandona ng Partido sa mga mandirigma nito, gayon din ang masaklap na unti-unting hindi na pagtanggap ng masa sa kilusan.
Sa huli, hindi lahat ng katapangan at kamatayan ay maituturing na kagitingan, minsan isa na lang itong madilim na ala-ala o trahedya.



Comments