top of page

Estudyante, Nasawi sa Engkwentro sa Mindoro

  • Writer: Bong Valbuena
    Bong Valbuena
  • Jan 5
  • 2 min read

OCCIDENTAL MINDORO—Nakuha ng mga awtoridad ang bangkay ng isang kabataang estudyante matapos ang serye ng mga engkwentro sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Mamara, Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro, Enero 1.




Kinilala ang nasawi na si Jerlyn Rose Doydora, isang estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at dating opisyal ng Kabataan Partylist, na noo’y kasama ang isang yunit ng NPA sa Mindoro. Kinumpirma rin na may isa pang kabataang na napahiwalay sa kanilang yunit sa gitna ng engkwentro at nananatiling nawawala.


Ayon sa impormasyong inilabas ng mga awtoridad, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng ulat mula sa mga residente hinggil sa presensya ng armadong grupo sa lugar. Nauwi ito sa magkakasunod na engkwentro. Matapos ang insidente, isinailalim sa clearing at securing operations ang lugar.


Natagpuan ang labi ni Doydora sa pinangyarihan, na umano’y iniwan habang umatras ang kanyang mga kasamahan. Ilan sa mga narekober sa lugar ay mga improvised explosive device (IED), backpacks, subersibong dokumento, at iba pang kagamitang pandigma.


Samantala, iginiit ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP)–Mindoro na ang insidente ay naganap umano sa gitna ng isang deklaradong ceasefire. Sa isang pahayag, sinabi ng kanilang tagapagsalita na nadamay ang mga kabataan sa umano’y pag-atake ng pwersa ng estado at iginiit na hindi agad nailabas ang bangkay dahil sa presensya ng mga awtoridad sa paligid ng lugar.


Mariing pinabulaanan ng isang dating rebelde na dating kumilos sa Mindoro ang naturang pahayag. Ayon kay Ka Rose, opisyal ng KADRE-MIMAROPA at dating opisyal ng Island Committee ng kilusan, ang mga deklarasyon ng ceasefire ay hindi awtomatikong naipapatupad sa antas ng mga yunit sa kanayunan.


“Sa aktwal na kalagayan sa loob ng kilusan, nananatiling armado ang mga yunit at laging may inaasahang engkwentro,” aniya. Dagdag pa niya, may mga pagkakataong ang hindi agarang paglabas ng mga labi ay nagiging bahagi ng pagkontrol sa naratibo ng insidente.


Sa hiwalay na pahayag, kinondena ng KADRE-MIMAROPA ang patuloy na paggamit ng kabataan sa armadong tunggalian.


“Ang sinapit ni Jerlyn Rose Doydora ay hindi kabayanihan kundi isang trahedya ng radikalisasyon,” ayon sa grupo. “Isang kabataang inilayo sa pamilya at edukasyon, isinabak sa armadong labanan, at iniwan sa gitna ng karahasan.”


Kinumpirma naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakikipag-ugnayan na ito sa pamilya ng nasawi upang matiyak ang maayos at marangal na paghawak sa mga labi, alinsunod sa umiiral na mga pamamaraan.


Patuloy ang beripikasyon ng mga awtoridad sa kalagayan ng nawawalang kabataan habang sinusubaybayan ang sitwasyon sa Abra de Ilog. Muling binuhay ng insidente ang diskurso hinggil sa epekto ng armadong tunggalian sa kabataan at sa mga komunidad sa kanayunan.


Comments


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page