FR Agenda: Mga Hamon sa Ekonomiya ng Pagbabalik-Loob
- Damian Santillana
- Aug 3
- 4 min read
Updated: Aug 9
Paano nakakatulong — at saan pa puwedeng humusay — ang livelihood support para sa mga dating rebelde
(Unang bahagi ng serye)
Taong 2019 nang matanggap ni Mitch Delaroso, dating myembro ng Guerilla Front 2 ng New People’s Army sa Davao del Norte, ang pangkabuhayang ayuda mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP). Matagal na niyang pangarap na makapagtayo ng sariling salon, at ang kapital na natanggap nya mula sa E-CLIP ay isang pagkakataong hindi na nya pakakawalan pa.

“Mula 2019 hanggang 2021 home service muna ako dahil sa pandemic,” aniya. “Alanganin at kakaunti pa lang talaga ang customers noon dahil sa lockdown. Pagka-2021 nakapagbukas ako ng salon, maski marami pang kulang.”
Hindi nailagak ni Mitch ang buong livelihood assistance mula sa E-CLIP pangkapital sa salon dahil nakunan nya rin ito ng mga panggastos para sa kanyang pamilya. "May mga panahon na nagsabay-sabay na ang lahat—may mga kapamilyang nagkasakit, tapos bills pa, tapos may utang pa. Pero nanindigan ako na hindi ko gagastusin yung kapital para sa salon ko kasi naisip ko na ‘yun talaga ‘yung magbibigay kaginhawaan sa’min ‘pag naglaon.”
Nang mabuksan ni Mitch ang salon, kulang-kulang pa ito. Pero dahil sa pagsusumikap, mula sa kanyang kita ay nabili nya rin ang mga kulang na kagamitan. “Sa ngayon ay nagte-train ako ng anim na staff ko, kasi hopefully, makapagtatayo kami ng third branch namin next year,” masaya nyang sinabi.
Para sa mga people's organization
Maliban sa programang E-CLIP para sa mga indibidwal na FR, may mga programa rin ang iba’t ibang mga ahensya ng gobyerno at local government units para sa mga people’s organization (PO) na binubuo ng mga FR at mga dating masa ng kilusan.
Isang halimbawa ng matagumpay na kolektibong inisyatiba ng mga dating rebelde ay ang Kindling Action for Peace Progress and Inclusive Advocacy (KAPPIA) Cagayan Cooperative. Napagkalooban sila ng 25-taong usufruct sa 8.5 ektaryang lupain, kung saan nagtatanim sila ng saging, gabi, at kamote. Ang ani mula rito ay pinoproseso nila para maging banana, taro, at camote chips gamit ang natutunan nila sa mga livelihood trainings.
“Dalawang beses din kaming nabigo noon sa pagpupundar ng livelihood para sa mga kasapi namin,” ani Rizalyn Grace Dy, secretary general ng KAPPIA Incorporated. “Ilang beses kaming sinubukang paghiwa-hiwalayin, napagbintangan na corrupt, napàgbintangan na naging goons ng politiko. Pero bilang organisado na mga lider, nanatili kami sa aming paninindigan na makapagbigay ng kagalingan sa mga kasama na labas sa armadong tunggalian.”
Hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang chips production ng kooperatiba at nakapagtitinda sa tulong ng Kadiwa program at lokal na pamahalaan.

Aminado naman si Rizalyn, na kasalukuyan ding Head ng Committee on Economic and Livelihood Initiatives ng Buklod Kapayapaan, na sa pangkalahatan, marami pang kailangang paunlarin upang masiguro ang tagumpay ng mga livelihood projects para sa mga FR. Ang Buklod Kapayapaan ang pambansang pederasyon ng mga former rebel at people's organization.
"Hindi sasapat ang mga proyekto lang. Kailangan din ng pag-capacitare sa mga FR at kanilang organisasyon tulad financial management o business development para lumago talaga ang kanilang mga proyekto," sabi niya. "Dagdag pa rito, kailangan ding tutukan ang mga dating base ng NPA dahil dito gustong bumalik at magrekober ang kilusan."
Dating base ng kilusan
Para sa mga erya na dating base ng kilusan, nabibigyan ang mga komunidad, sa pamamagitan ng kanilang mga PO, ng mga proyektong pangkabuhayan na akma sa kanilang kalagayan.
Isa ang SULA o Su-op Luy-a Association sa mga PO na ito. Pero di tulad nina Mitch at ng KAPPIA, hindi sila gaanong pinalad. Inorganisa sa San Isidro, Davao del Norte, tatlong ulit silang nabigo sa kanilang sinimulang produksyon. Una’y pininsala ng matinding init ang kanilang maisan. Sa ikalawang pagkakataon naman ay nalugi ang kanilang palaisdaan, at sa ikatlo ay naimpeksyon ang pinatutubo nilang mga kabute (mushroom culture).
"Pero hindi naman talaga sadyang 'bigo,'" paliwanag ni Lyn Perez, secretary ng SULA. "May kinita naman. Yun nga lang, hindi namin na-rolling ng natapos ang suporta ng gobyerno."
“Pero malaking tulong na rin ‘yung tatlong harvest namin ng mais at tilapia,” ani Rolito Perez, Chairman ng SULA. “May naibukod din kaming pondo mula sa benta namin ng mais na ngayo’y pinapa-lending namin sa mga kasapi ng organisasyon.”’
Dagdag ni Lyn, bagamat malaking tulong ang pagbibigay ng mga kasangkapang pamproduksyon ng gobyerno, nananatiling mababa ang bilihan ng kanilang produkto sa merkado. “Hindi natutumbasan ng napakababang presyo ng mga produkto ang hirap at panahong inilalaan ng mga magsasaka sa pagtatanim,” aniya.
Ang payo ni Mitch sa kapwa FR, lalo sa mga hinihintay pa ang kanilang E-CLIP package, kailangan ang disiplina at buo ang loob. “Nag-focus talaga ko sa goal ko at determinado ako. Kahit gusto ko nang sumuko, sinakap ko talagang panghawakan ‘yung kapital na ipinagkaloob sa akin at maitayo ‘yung pangarap kong salon.”
Gayon din ang payo ni Rizalyn ng KAPPIA. Aniya, kailangan ang disiplina sa sarili, pag-angkop sa kakayahan ng bawat isa, at pagtupad sa napagkaisahan ng samahan. “Ang aming oryentasyon sa mga miyembro ay huwag sayangin ang bawat sentimo ng pondo na ipinagkatiwala sa samahan.”
Habang kinikilala ng mga former rebel at kanilang mga organisasyon ang malaking tulong, ipinapakita rin ng kanilang karanasan na may ilang puwang na kailangang punuan upang mas marami pang tagumpay ang maulit.





Comments