FR Diaries | Ang Agos at ang Pampang
- Xandro Marko Leandro Montero
- 19 minutes ago
- 4 min read

May panahon sa buhay ko na naniwala akong ang kasaysayan ay may iisang direksyon lamang. Kapag namulat ka sa kahirapan, sa kawalan ng hustisya, sa paulit-ulit na balita ng korapsyon, parang kusa kang itinutulak ng konsensya na pumili ng panig. Ganito ako noon sa hanay ng Kabataang Makabayan. Hindi ako naligaw at hindi rin ako napilit. Pinili ko iyon. Buo ang loob ko at malinaw ang paniniwala ko na ang armadong pakikibaka ang pinakamataas na anyo ng paglilingkod sa bayan.
Ngunit matapos maranasan ang buhay sa bundok at sa paglipas ng mga taon, di kalaunan ay natutunan ko ang isang bagay na hindi madaling tanggapin ng isang kabataang may romantisadong pananaw at ideolohiya. Ang mundo ay hindi palaging hinahati sa tama at mali lamang. May mga espasyong kulay grey na hindi nakikita kapag ang lente mo ay ideolohiya lamang.
Noong una, malinaw ang paliwanag sa amin. Ang estado ang ugat ng lahat ng kahirapan. Ang kahirapan ay disenyo. Ang militar ay instrumento ng panunupil. At ang rebolusyon, at ang armadong pakikibaka ang tanging sagot. Kapag paulit-ulit mong naririnig ang ganitong propaganda, unti-unting nagiging natural ito sa isip. Hindi ka na nagtatanong kung may iba pang paraan, dahil ang pagtatanong mismo ay itinuturing na kahinaan na kapuna-puna.
Madalas naming balikan ang Sigwa ng Unang Kuwarto noong panahon ni Ferdinand Marcos Sr. bilang patunay na ang kabataan ang tunay na tagapagpaandar ng kasaysayan. Totoo naman iyon sa isang yugto ng ating kasaysayan. Ngunit sa pagdaan ng panahon, napagtanto kong ang kasaysayan ay hindi maaaring gawing permanenteng hulmahan ng kasalukuyan. At hindi pwedeng buo-buong kopyahin ang karanasan ng ibang bansa, lahi, o yugto ng kasaysayan. Maaari kang humalaw ng aral, pero hindi pwedeng makulong ka sa espesipikong mga pangyayari. Si Mao mismo ang nagsabi nito sa mga akda niyang politiko-militar, sa kanyang Selected Works.
Ang konteksto noon ay diktadura. Ang espasyo para sa malayang pagkilos ay halos sarado. Ngayon, may mga depekto pa rin ang ating demokrasya, ngunit may mga puwang para sa partisipasyon, para sa reporma, para sa paniningil ng pananagutan sa loob ng umiiral na sistema. Ang tanong na dapat pagnilayan ay hindi kung may problema pa ba, kundi kung ang solusyon ba ay laging pagwasak.
Isa sa pinakamalalim kong pagbabago ng pananaw ay tungkol sa tinatawag nating pasismo. Habang nasa loob pa ako ng kilusan, malinaw ang turo sa amin na ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at ang mga kaugnay nitong programa ay purong panunupil. Wala raw itong ibang layunin kundi durugin ang rebolusyonaryong kilusan.
Ngunit nang ako ay sumuko at naging bahagi ng reintegration program bilang isang Former Rebel, iba ang aking nasaksihan. Nakita ko na ang whole of nation approach ay hindi lamang operasyong militar. May mga komunidad na unang pagkakataon lamang nakakita ng konkretong presensya ng gobyerno sa anyo ng kalsada, tulay, paaralan, health center, at suportang pangkabuhayan. May mga magsasakang dati naming kinakausap sa pulong na ngayon ay may alternatibong pagkakakitaan. May mga kabataang dati naming tinuturuan ng ideolohiya na ngayon ay may scholarship at mas malinaw na landas.
Sa bundok ko unang nakita kung paano nagiging bukas ang isip ng isang komunidad sa recruitment. Kapag walang serbisyo ang gobyerno, kapag walang oportunidad, kapag tila walang nakikinig, madaling pumasok ang mensahe ng armadong pakikibaka. Hindi dahil likas na marahas ang mga tao, kundi dahil naghahanap sila ng pag-asa. Kapag ang gobyerno ay hindi maramdaman, may ibang pupuno sa puwang na iyon.
Dito ko napagtanto na ang pinakamabisang panlaban sa insureksyon ay hindi lamang operasyong militar kundi maayos na pamamahala. Hindi ito simpleng propaganda ng gobyerno. Ito ay realidad na naranasan ko bilang dating Hukbo. Kapag may alternatibo ang tao, hindi na kailangang humawak ng armas. Kapag may serbisyong totoo at tuloy tuloy, nababawasan ang pangangailangan para sa rebolusyonaryong pangako.
Hindi ko sinasabing perpekto ang lahat. May mga pagkukulang at may mga pagkakataong nagkakaroon ng abuso at kurapsyon na dapat may managot. Ngunit hindi rin makatarungan na ipinta ang lahat ng hakbang kontra insureksyon bilang pasismo. May pagkakaiba ang panunupil sa pagpapanumbalik ng presensya ng pamahalaan sa mga lugar na matagal na napabayaan.
Habang mas tumatagal ako sa pagninilay, mas nauunawaan ko na ang digmaan labas sa romantisasyon ng propaganda. Sa papel, ang rebolusyon ay apoy ng katarungan. Sa aktwal, ito ay apoy na maaaring sumunog sa mga tahanan ng mismong mga taong nais mong ipagtanggol. Sa bawat engkwentro, hindi ideolohiya ang unang nasasaktan kundi tao. Magsasaka. Kabataan. Pamilya.
Mas madaling maniwala sa linyang ang tanging sagot ang digmang bayan. Ang absolutong sagot ay nagbibigay ng malinaw na direksyon at nagbibigay ng pakiramdam ng moral na kataasan. Ngunit ang mas mahirap na landas ay ang pagtanggap na ang pagbabago ay mabagal, minsan nakakainip, at puno ng kompromiso. Ang pagbuo ng institusyon, ang paghimok ng transparency, ang paglahok sa demokratikong proseso, ang pagpuna habang nakikilahok, ang pagre-reporma sa halip na pagwasak. Ito ang mas mahabang daan, ngunit maaaring ito ang mas matibay.

Bilang isang dating rebelde, hindi ko itinatanggi ang aking nakaraan. Bahagi iyon ng aking paghahanap ng katarungan. Ngunit ngayon, mas malinaw sa akin na ang tunay na pagbabago ay hindi lamang nasusukat sa lakas ng sigaw o tapang sa labanan. Nasusukat ito sa kakayahang magtayo ng mga istrukturang hindi kailangang bantayan ng baril.
Ang agos ng aktibismo ay malakas at nakakahatak. Ngunit may mga pagkakataong kailangan mong tumigil sa pampang at tanungin ang sarili kung saan ka talaga dinadala ng agos. Kung may paraan upang bawasan ang kahirapan, itaas ang kalidad ng pamamahala, at putulin ang siklo ng recruitment sa pamamagitan ng konkretong serbisyo at oportunidad, marahil iyon ang mas tahimik ngunit mas makabuluhang rebolusyon.
Hindi lahat ng pakikibaka ay kailangang armadong labanan. Minsan, ang pinakamahirap na laban ay ang piliing magtayo/mag-build (negation of negation) sa halip na manira, at magtiwala na ang kapayapaan na may katarungan ay mas pangmatagalan kaysa sa digmaang walang katiyakan ang wakas.






Comments