FR DIARIES | ‘Wala na ang bukid. Dagat na.’
- Damian Santillana
- 13 oras ang nakalipas
- 6 (na) min nang nabasa

Sa Bulakan, dati, tuwing sumisikat pa lang ang araw ay nagpapainit kami at naglalakad-lakad sa bukid. Sa loob ng walong taong hindi ako nakabisita sa kanila dahil sa pamumundok, madalas ay kinakamusta ko na lang sa pinsan ko tuwing tumatawag ako sa kanila kung ano na ang kalagayan ng bukid doon.
Pero sabi niya, “Wala nang bukid. Dagat na.”
Hindi ko ‘yun ma-imagine. Hindi tanaw ang baybayin ng dagat mula sa bukid ng mga kamag-anak ko sa Bulacan, malayu-layo pa, at kailanma’y hindi ako napadpad doon dahil masukal daw.
Hanggang sa, noong nakaraang pasko, ay nakabisita rin ako sa kanila.
Sa bahay pa lang ng pinsan ko, kita na ang mga pagbabago. Wala na ang mga puno ng mangga sa likurang lote nila. Pinatay ng tubig alat. Maputik na at hindi ka na makapaglalabas ng papag tulad ng dati kung gusto mong magsiesta. Pati sa harapang bakuran nila, nagmistulan nang fishpond ang kanilang hardin. Napakaraming maaaring pamugaran ng lamok.
“Iniwan ‘yan ng baha noong nakaraang bagyo,” anila. Tuwing bumabaha, kahit tapos na ang ulan at mainit na’y may baha pa rin, napakatagal matuyo.
At nang maglakad-lakad ako papunta sa palayan, para magpainit tulad ng dati, tunay ngang wala na ang bukid.

Taong 2019 nagsimulang itayo ng San Miguel Corporation ang New Manila International Airport sa baybayin ng Bulakan, Bulacan, ang munisipyo kung saan nakatira mismo ang mga kamag-anak ko. Sa taon ding ito nagsimulang mapilitang tumigil sa pagtatanim ng mga palay ang mga magsasakang kapitbahay ng pinsan ko.
Bakit?
Ayon sa mga residente, naapektuhan ng malawakang pagtatambak para sa airport ang dating daluyan ng tubig sa lugar. Naniniwala silang nagmistula itong harang: tuwing bumabaha, nahahaluan ng tubig-dagat ang tubig na pumapasok sa mga sakahan, ngunit hindi na ito madaling makadaloy pabalik sa Manila Bay kapag tumila na ang ulan. Ang naiiwang tubig-alat ang unti-unting pumapatay sa lupa at kabuhayan ng mga magsasaka. Hindi lamang palay kundi maging mga puno ng mangga, niyog at iba pang pananim ang nangamatay.
Maliban dito, sabi ng pinsan ko, unti-unti ring lumulubog ang mga kalupaan sa paligid nito, dahilan para umakyat ang shoreline. Kung noon ay ang tubig sa dating palayan lang ang matagal bumaba, ngayong buwan ay matagal na rin bago mawala ang baha mula sa loob mismo ng bahay ng pinsan ko. Ang mga dating hindi binabaha ay binabaha na. Papasok nang papasok ang shoreline. At marami ang naniniwala na ang Bulakan at maging ang mga karatig na bayan, maging sa Pampanga, ay unti-unti nang mawawala sa mapa.
Itinatanggi ito ng San Miguel Corporation. Ayon sa kompanya, walang pangunahing ilog na hinarangan ng proyekto at nananatiling bukas ang mga daluyan ng tubig sa paligid ng airport. Ngunit para sa mga residenteng nakasaksi sa pagbabago ng kanilang kapaligiran, ang mga nakalubog na palayan at namatay na pananim ay mga katotohanang hindi maipapaliwanag ng simpleng pagtanggi lamang.
From ‘Climate Resiliency’ to ‘climate refugees’
Isa sa mga tanyag na katangian nating mga Pilipino ay ang resiliency o ang pagiging matatag, laluna sa panahon ng kalamidad. Batid na ng mga tao kung paano sinasamantala ng mga burukrata kapitalistang sangkot sa anomalya ng flood control ang katangian nating ito, sa puntong hindi na tayo natutuwa tuwing pinupuri ang katatagan natin. Hindi natin kakailanganing maging resilient dahil in the first place ay hindi naman natin ito kailangang pagdusahan kung nagagamit lang sana ang buwis na binabayad natin sa pagtugon sa problema ng baha. Sa halip, nasanay na tayo sa pag-angat ng mga gamit natin, sa pag-akyat ng mga gamit sa second floor at paggamit ng bangka, saka hihintaying mawala na ulit ang baha.
Pero may mga lugar na nanatili na ang baha.
Di-kalayuan kung saan nakatira ang mga kamag-anak ko sa Bulakan, wala na ang mga dating bahay doon. Nagsilipat na ang mga nakatira. Katulad ng iba, hinintay din nila noon na mawala ang baha. Pero ang baha ay nanatili na bilang dagat.
Pumitik sa isip ko ang terminong “climate refugee.” (Kalaunan, nakita ko ang mas tumpak na termino—climate-displaced persons). Wala pa akong personal na kilalang ganoon, kasi nga, mas pinipili nating mga Pilipino ang magtiis at maghintay na mawala ang baha kaysa lumipat ng tirahan. Maging iyong mga pilit na ni-relocate ng gobyerno at binawalang bumalik sa kanilang dating tirahan ay nagsibalikan rin, kahit binabaha pa rin ang mga lugar na iyon, dahil naroon ang kanilang kabuhayan.
Kaya talagang nakakaalarma ang kalagayan ng Bulakan—kung saan ang mga taong matiisin o resilient ay talagang wala nang mapagpilian at kusa nang umalis dahil maging ang kanilang kabuhayan ay pinatay na ng dagat.
Pagkatapos ng realization na ito ay medyo madilim na ang sunod na naging train of thought ko.
Naisip ko, paano kung sa patuloy na paglubog ng bayan at pag-usog paloob ng baybayin, ay parami nang parami ang magsilipat ng tirahan? Paano kung makita ng mga gahaman ang kanilang paglikas bilang isang oportunidad upang kamkamin ang mga maiiwang lupa—mga lupang kaya nilang tambakan, iahon mula sa tubig at linangin muli dahil taglay nila ang kapital at kapangyarihang wala sa ordinaryong residente? Sadya kayang hinihintay lang nilang mag-alisan ang mga tao?
Bilang dating rebelde, alam ko kung paano ito ipapaliwanag ng mga iniwan kong organisasyon sa kilusan. Matalas nilang ililista ang mga datos at kwento ng ordinaryong mamamayan at sasabihing kinasasangkapan ng mga korporasyon at kapitalista ang climate change bilang panibagong paraan ng land-grabbing.
At alam kong may mga ama, ina, magsasaka, kabataan, at mga kamag-anak ko na kung maririnig ang mga paliwanag na iyon ay posibleng magalit at bumaling sa simplistikong eksplanasyon na digmang bayan lamang ang sagot sa lahat ng ito.
‘Weaponization’ ng climate change
Taong 2013, anim na libong mga residente ng Sicogon Island ang napilitang lumikas dahil sa bagyong Yolanda.
Bago pa man ang bagyo, matagal nang may alitan sa lupa sa pagitan ng mga naninirahan doon at lokal na panginoong may lupa na Sicogon Development Corporation (SIDECO). Noong 1994, isinailalim ang 334 ektaryang lupa ng SIDECO sa CARP at ipinamahagi sa mahigit 200 agrarian reform beneficiaries (ARBs). Taong 2004, nagpetisyon ang SIDECO na hindi na ipamigay ang lupa dahil ito ay para umano sa turismo at ang mga ARBs ay hindi naman mga magsasaka kundi mga mangingisda. Dito na nagsimula ang isang mahabang labanang ligal, na pinaigting pa nang makipagpares ang SIDECO sa Ayala.
Noong una ay hindi nagtagumpay ang SIDECO sa mga tangka nitong pagpapaalis sa mga ARBs, hanggang sa dumating ang bagyo. Winasak ng bagyong Yolanda ang isla. Napilitang magsilikas ang mga residente.
Ayon sa mga residente, nang subukan nilang bumalik nang lumipas na ang bagyo, ginamit ang kanilang pagiging bulnerable at gutom upang sulsulan sila na hindi na bumalik. Ang mga hindi nagpadala ay tinakot at sinira ang anumang tinangka nilang itayo muli. Natuloy ang pagtatayo ng Ayala at SIDECO ng mga hotel, resort at island airport.
Hmmm.
Huhulaan ko, ang kapabayaan at krisis sa flood control na patuloy pang lumalala sa nakatatakot na tulin ay magreresulta na ngayon sa dalawa, imbis na isa lang, na tugon mula sa mga may kapangyarihan.
Una at ang naririndi na nating pakinggan ay ang walang kamatayang mga pangako na iimbestigahan ito at aayusin na talagang talaga ito.
Ang ikalawa, na ispekulasyon ko lamang, ay isang mabulaklak na bersyon ng “wala na tayong magagawa.” Sasabihin sa mga tao na natural, permanente at hindi na maiiwasan ang kanilang kalagayan. Susundan ito ng mga teknikal na paliwanag, testimonya ng mga eksperto at pansamantalang ayuda para sa mga mapipilitang lumipat. Sa bandang huli, ang relokasyon ang ipakikitang tanging makatwirang sagot, nang hindi muna ganap na sinisiyasat kung aling mga desisyon sa imprastraktura, paggamit ng lupa at flood control ang nagpalala sa kanilang panganib.
Ito ang pinangangambahan kong mangyayari sa Bulakan. Hindi na lamang isang sinasadyang pagpapabaya, kundi isang sinasadyang pag-abandona ng estado sa isang problema na maaari naman nilang matugunan, pero hindi nila gagawin sapagkat ang problema mismo ay pumapabor sa may kapital.
At hindi lamang ito sa Bulakan maaaring mangyari. Kung nilisan ng mga magsasaka ang lupang pinatay ng tubig, sa hinaharap ay hindi malabong sa mga panig ng Luzon at Mindanao ay lilisanin din ng mga magsasaka at katutubo ang lupa nilang papatayin ng kawalan ng tubig. Dahil sa data centers.
May termino ang mga environmentalist dito—"weaponization" of climate change.
Nakakatakot? Talagang nakakatakot, kung iisipin nating wala tayong kapangyarihan. Nakakatakot din para sa aking isang dating rebelde na isiping isang isyu ulit ito upang may mga kabataan at mamamayan na namang babaling sa armadong kilusan upang maresolba ang tunggaliang ito.
Pero nakalimutan kong sabihin na may good ending ang sitwasyon sa Sicogon Island.
Nagwagi ang mga ARBs laban sa SIDECO at Ayala. Naipamahaging muli ang lupa, at tuluyan nang nagsara ang mga hotel at resort. Pinagpaplanuhan ngayon ng lokal na pamahalaan at mga mamamayan kung paano magsusulong ng turismo na pinangungunahan mismo ng komunidad at hindi ng isang korporasyon.
Kaya, Bulakan, hindi ka dapat mawalan ng pag-asa.





Mga Komento