top of page

"HINDI MATALO-TALO", ang walang balak manalo

  • Word on the Street
  • 3 araw ang nakalipas
  • 4 (na) min nang nabasa

Word on the Street is Kontra-Kwento’s letter to the editor. Send yours to kontrakwento@gmail.com

Itim-puting cartoon: pusang may megaphone sa tabi ng bagsak na koponan; scoreboard 50 taon, WALANG BALAK MANALO. Prompted & AI-Rendered

Sa bawat enkwentrong nangabuwal ang mga NPA, ang lagi nating maririnig na sagot pangkonsuelo at pangpataas moral sa kanilang pwersa ay ang islogang, "NPA, hindi matalo-talo". Masaya na sila rito na para bang ito ang sukatan ng kawastuhan ng kanilang armadong pakikibaka.


Mula nang sinambit ito ni Wilma Tiamzon nang sila ay madakip sa Cebu mahigit isang dekada na nang nakalipas, naging islogan na ito ng pambansa-demokratikong kilusan. Para sa mga kapanalig nila, pagsasalarawan ito ng katatagan at rebolusyonaryong determinasyon. Pero sa likod ng kayabangang ito ay ang talunan at fatalistic na kaisipan - nagbubunyag ng isang kilusan na inabandona na ang mismong layuning magtagumpay.


Ang lohika ng islogang ito ay naging bato na pamukpok sa ulo mismo ng CPP-NPA-NDFP. Ang islogang "Di matalo-talo" ay hindi lengwahe ng kilusang nagpupunyaging manalo. Ito ang lenggwahe ng isang kilusan na nagbubulid ng mga dahilan at alibi kung bakit hindi nito kailanman magagawang manalo.


Matapos ang mahigit kalahating siglo ng armadong pakikibaka, nabigo ang kilusan na makamit ang alinman sa mga estratehikong layunin nito.


Hindi nito nakuha ang kapangyarihang pampulitika, hanggang makapagpanalo lang ito ng Partylist na sa ngayo'y paliit ng paliit na rin ang bilang. Kung meron man itong maitayong organo ng pampulitikang kapangyarihan sa kanayunan ay, sa kalakhan at sa karamihan, hanggang antas barangay lang at hindi pa ito nagtatagal.


Hindi pa rin nito naitatag ang mga makauring kilusan na masasabing totoong abot ang antas pambansa, kaya hindi ito naging inspirasyon ng pag-aalsa sa buong bansa. Wala na itong nagsasariling pagkilos, ang pagkilos nito'y nakabatay na lang sa pulitikang kinukumpasan ng mga pulitikong burges. Hindi na nito kayang magmobilisa kung hindi manghakot, artipisyal ang nabubuo nitong mga pagkilos.


At ang katotohanan, patuloy na nanghihingalo na ang lakas nito, impluwensya, at presensya sa teritoryo. Dismantled na ang mga baseng gerilya, bulto-bulto na ang mga nagsisuko, at ang natira'y mangilan-ngilang mga straggler unit ng lagalag na hukbo na wala nang ibang pinagkakaabalahan kundi ang tumakbo at magtago. Nahaharap sa katotohanang ito, ang kilusan ay nakatuon na lang sa mga taktikal na target at layunin. Hindi na benchmark ang pagtatagumpay; tanging ang araw-araw na survival na lang ang nagiging success stories nito.


Ang survival ay hindi ang rebolusyon. Ang isang rebolusyonaryong kilusan na sinusukat na lang ang tagumpay sa patuloy nitong existence, imbes na ang pag-unlad nito tungong tagumpay, ay hindi na isang rebolusyonaryong pwersa. Para na lang itong isang NGO na nagsusumikap para sa pagpapatuloy ng mga "projects" nito. Ang pakikibaka mismo ang nagiging layunin, hindi na ang kung anong gustong makamit ng pakikibaka. Pinagpapatuloy na lang ng CPP-NPA-NDFP ang digmang bayan hindi dahil ito'y tumutungo sa pagkamit ng adhikain, dahil ang pagtigil nito ay pag-amin ng kabiguan at kamalian ng linyang bulag nilang sinusunod.


Dito nagiging mapanganib ang islogang, "NPA, hindi matalo-talo". Binubuo nito ang isang kaisipan kung saan ang mga kabataang walang kamuwang-muwang na rekrut ay tinuturuan na ang walang katapusang sakripisyo at ang pagtanggap sa kamatayan ay marangal anuman ang resulta. Ang bawat kaswalti at kamatayan ay nagiging simbolo, ang pagiging martir ay syang nagiging paraan ng serve the people. Para na silang teroristang kulto gaya ng ISIS, na ang tinuturo ay ang pagpapakamatay ay ticket sa paraiso. Ang bawat nalalagas at nawalang henerasyon ng kabataan ay nabibigyang-katwiran bilang kontribusyon sa isang walang saysay at walang katapusang pakikibaka na hindi kailanman nakakarating sa patutunguhan nitong tagumpay.


Human tragedy ang nangyayari, hindi lang pulitikal. Ang kabataan ay hinihikayat na iwanan ang kanilang mga pamilya, talikuran ang mga oportunidad, at isugal ang kanilang buhay para sa isang layunin na walang maituturing na makatotohanang landas tungo sa tagumpay. Sinasabihan sila na sila ay bahagi ng isang hindi maiiwasang proseso sa kasaysayan, kahit na paulit-ulit na nabibigo ang kilusan na makamit ang mga layunin nito. Parang siklo, paikot ikot, pabalik-balik. Lumilipas ang mahabang panahon at tumatanda ang mga pinuno. May papalit na bagong rekrut sa mga nabuwal na kasama. Gayunpaman, ang ipinangakong tagumpay ay nananatiling hanggang pangarap lang. Ang tanging minimintina ng kilusan ay ang nakaraan, hindi na ito nagmamartsa tungo sa kinabukasan.


Ang CPP-NPA-NDF na walang malinaw na direksyon kung pano manalo, ngunit tumatangging tumigil sa pakikipaglaban ay hindi nagpapakita ng rebolusyonaryong determinasyon. Ipinapakita nito ang estratehikong pagkabangkarote. Ang kasaysayan ay puno ng mga halimbawa ng mga kilusang kumilala kung kailan nagbago ang mga kalagayan, pumipihit na sitwasyon at nag-adjust nang naaayon. Sa kabaligtaran, ang CPP-NPA-NDF na naggigiit na ipagpatuloy ang bigong estratehiya dekada-dekada ay hindi nagpapakita ng tamang rebolusyonaryong kaisipan; ito ay nagpapakita ng bankaroteng dogmatismo.


Samakatuwid, ang islogang "Hindi matalo-talo" ay nagpapakita ng higit pa sa nais ng mga tagapagtaguyod nito. Hindi ito isang deklarasyon ng lakas. Ito ay isang pag-amin na ang tagumpay ay hindi na inaasahan. Hindi matatalo, pero hindi rin naman mananalo. Ang katatagan ang ipinalit sa tagumpay, ang pagtitiyaga ay knilala na bilang achievement, at simbolismo, gaya ng martyrdom, ay tinatanggap na bilang resulta. Kaya ang aktibismo sa ngayon ay payak na lipservicing, sloganeering at performative activism na lang.

Sa huli, ang tanong ay simple: Ano ang layunin ng isang rebolusyon na hindi kailanman nagnanais na manalo?


Kung ang sagot ay ang patuloy na pag-iral lamang, kung gayon ang pakikidigma ay naging isang layunin na mismo — isang walang hanggang siklo ng sakripisyo na pinapatibay ng baluktot na ideolohiya at dogmatismo. At kapag ang buhay ng mga kabataan ay paulit-ulit na iniaalay sa altar ng digmaang walang pag-asang magtagumpay, ang islogang "Hindi matalo-talo" ay hindi na makapagbibigay-inspirasyon. Nagsisimula itong magtunog chant ng isang cheering squad ng talunang koponan, o nagiging mga titik sa lapida ng isang kilusan na matagal nang naligaw sa kanyang patutunguhan.



Lope Nagusara

Mga Komento


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page