HINDI TAGAPAGTANGGOL NG KALIKASAN ANG NPA, TAGA-SINGIL LANG SILA NG REV TAX
- Word on the Street
- 4 oras ang nakalipas
- 2 (na) min nang nabasa

May kumakalat na post sa Facebook na ang esensya ay kaya raw hindi na dapat tayo magtaka kung bakit may mga nagrerebelde at sumasama sa armadong CPP-NPA — dahil sa pang-aabuso daw ng mga minahan at iba pang korporasyon sa ating kapaligiran at kalikasan. Magandang pakinggan. Nakakapag-isip nga rin naman. “Oo nga naman,” anang ibang netizens.
Pero bilang dating kumilos sa erya ng mga minahan, may masagwang katotohanan akong dapat i-share sa inyo.
Hindi totoong tagapagtanggol ng kalikasan ang NPA. At hindi rin totoong kinakalaban ng NPA ang mga korporasyon na iyan. Dahil kung totoo iyon, matagal nang napigilan ang mga minahang iyan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Napaerya ako dati sa lugar na may quarry. Isa sa mga unang Taktikal na Opensiba na nasamahan ko ay ang panununog ng kagamitan ng isang korporasyon. Nung una, tuwang-tuwa ako. “Ito na ‘yun,” kako sa sarili ko. Pagkakataon na upang patunayan sa lahat na totoo nga ang propaganda ng NPA.
Maraming kompanya ang nag-ooperate sa erya. Inatasan kaming mag-SI, maniktik, gumawa ng mga plano, magkrokis, at maghanap ng staging areas. Lahat ng operasyon ng minahan tinarget namin at ginawan ng plano.
Sa pulong kasama ang HO, doon na naging malinaw sa akin na may mas malalim pa palang dinamismo ang pamamarusa sa mga minahang sumisira sa kalikasan…
“Hindi lahat ng nagqua-quarry diyan ay target natin, mga kasama… Yan lamang hindi nagbabayad ng buwis ang siyang ating paparusahan!”
Nagulantang ako sa sinabi ng Kalihim ng Subrehiyon. Mayroon palang pamantayan sa pagprotekta ng kalikasan!
“…At pagkatapos nating sunugin ang kagamitan ng kompanya, mag-iiwan tayo ng isang iskwad upang ambusin ang magiging reaksyon ng kaaway!” dagdag pa niya.
“Oo, kailangan na nating mag-ambus! Dahil hindi na nagbabayad ng buwis ang dapat magbayad ng buwis!” pagsusog ng isa pang pampulitikang instruktor.
Hindi ko malilimutan ang pulong na iyon. Ito rin ang dahilan kung bakit nanghina ako at tuluyan nang sumuko, umalis sa kilusan.
Sa huli, ang totoong motibo ng NPA ay hindi ang pagprotekta sa kalikasan kundi ang pagkolekta ng “revolutionary tax.” Kapag tumangging magbayad ang isang kumpanya, doon sila nagiging target — hindi dahil sa kanilang pinsala sa kapaligiran, kundi dahil sa kanilang pagtanggi na sustentuhan ang armadong kilusan. Ito ang mapait na katotohanang kailangang malaman ng publiko upang hindi na sila malinlang ng magandang pakinggan pero huwad na propaganda. Ang tunay na pagtatanggol sa kalikasan ay hindi nanggagaling sa mga taong gumagamit ng dahas para kumita, kundi sa mga tunay na nagtatrabaho para sa maayos at legal na paraan ng pag-unlad.

