‘Ibayong kasigasigan para sa pagpapanatili ng kapayapaan’ – Kalinaw SEMR 2nd Assembly
- Damian Santillana
- Oct 29
- 2 min read

MAWAB, DAVAO DE ORO—Galak at pananabik ang mababakas sa mukha ng bawat former rebel (FR) na dumalo sa ikalawang asembliya ng Kalinaw Southeastern Mindanao Incorporated (Kalinaw SEMR), isang pederasyon ng mga dating rebelde na ngayo’y nagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran. Ang pagtitipon ay matagumpay na ginanap sa Camp General Manuel T. Yan Sr., Mawab, Davao de Oro, nitong ika-23 at 24 ng Oktubre.
Mahigit 120 delegado mula sa sampung kasaping panlalawigang pederasyon at people’s organization mula sa Davao City, South Bukidnon, Davao Occidental, Davao Oriental, Davao del Sur, Davao del Norte, Davao de Oro at Agusan del Sur ang dumalo sa pagtitipon.
Ilan sa mga pangunahing layunin ng programa ang pagtalakay at pagtitibay ng mga mungkahing susog sa Constitution and By-Laws ng organisasyon, eleksyon ng bagong Executive Committee, at pagbubuo ng mga resolusyon at pagpaplano para sa Dalawang Taong Plano at Programa.

Sa eleksyon, nahalal si Ida Marie Lubgoban bilang bagong pangulo ng Kalinaw SEMR.
“Malugod kong tinatanggap ang tungkulin bilang bagong presidente ng Kalinaw,” ani Lubgoban, “Sisikapin kong mamuno sa pamamagitan ng pagiging isang huwaran at inaanyayahan ko kayong lahat na makibahagi sa ating kolektibong misyon.”
Hinikayat din ni Arian Jane Ramos, ang nakaraang presidente ng Kalinaw SEMR at ngayo’y bahagi na ng advisory council, ang mga kasapi na patatagin pa ang pagkakaisa.
“Kailangan nating magsikap na patuloy pang patatagin ang ating organisasyon, sa harap ng mga eksternal o internal na pagsubok,” ani Ramos. “Sapagkat pinagkaisa tayo ng iisang mithiin: ang patuloy na paglingkuran ang sambayanan, ngunit hindi na sa pamamagitan ng armadong pakikibaka, kundi sa pamamagitan na ng mapayapa at legal na pakikibaka.”

Sa magakahiwalay na bidyo, nagpaabot naman ng mensahe ng pagkakaisa sina Secretary Carlito G. Galvez, Jr. ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) at Undersecretary Ernesto Torres Jr., Executive Director ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Dumalo rin sa ikalawang araw ng asembliya sina Colonel Vince James D. Bantilan, Chief of Staff ng 10th Infantry Division, Philippine Army, at G. Sheldon Porras, Provincial Coordinator for Sustainable Livelihood Program upang i-representa ang Regional Director ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region XI na si Dir. Rhuelo D. Aradanas, Ph.D.





Comments