top of page

“Is This Normal?”: ROTC ayaw, NPA gusto?

  • Larawan ng writer: Jhenelyn Cruz
    Jhenelyn Cruz
  • 4 minuto ang nakalipas
  • 4 (na) min nang nabasa

Ang pangyayari sa Kalinga State University noong Agosto 14 ay naglantad ng malalim na kontradiksyon sa pagitan ng naratibo ng mga nat-dem activist na nagmumula sa labas at ng lokal at katutubong realidad ng mga Cordilleran.


Sa kanyang post, inilatag ni Joaquin Buenaflor ang klasikong pagbasa sa sitwasyon: ang simpleng presensya ng PNP at AFP sa youth consultation at courtesy call ay awtomatiko nang “surveillance,” “intimidation,” at “militarization” ng espasyo ng kabataan. Para sa kanya, ang unibersidad ay dapat manatiling “safe space” na malaya sa armadong tauhan.


Ang paulit-ulit niyang tanong—“Is this normal?”—ay hindi tunay na pagtatanong kundi isang rhetorical tool na nag-a-assert ng moral ascendancy. May armado, kaya may pananakot. May pananakot, kaya may paglabag sa malayang pagpapahayag—diumano.

Ang ganitong pagsusuri ay labis na pinasimple at nagbubura sa konteksto at sa mga boses ng mga taga-roon.


Una, kailangang linawin ang mismong katotohanan tungkol sa sinasabing “armadong tauhan.” Bukod sa ROTC instructor na si LTC Dantog, walang aktibong military personnel na naroroon sa aktibidad. Ang inakala ng marami na mga “sundalo” ay pawang mga estudyante ring miyembro ng ROTC na nakasuot ng unipormeng kahawig ng sa Philippine Army.


Mahalagang usapin ang pagkakamaling ito sa pagkakakilanlan. Ang ipinakalat na imahe ng isang “militarized campus” ay nakasalalay sa maling pagbasa sa biswal na aspeto lamang. Kapag hindi tumpak ang mismong batayan ng paratang, nawawalan din ng kongkretong saligan ang moral na galit na itinayo rito. Kakulangan ba ito sa kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan (KPKK), o sadyang pagbaluktot sa katotohanan?

Pangalawa, hanggang sa kasalukuyan, wala ni isang konkretong dokumentasyon na may estudyanteng pinigilan, tinakot, o pinatahimik sa mismong dialogue. Sa argumento ng “chilling effect,” ginawang sapat na ebidensya ang presensya lamang ng sinasabing armadong tauhan. Pabilog ang ganitong pangangatwiran: may armado, kaya may intimidation; may intimidation, kaya mali ang kanilang presensya.


Kapag ang tinutukoy na “armado” ay mga ROTC cadet, lalo pang humihina ang argumento. Kung gayon, repression din ba ang presensya ng mga armadong security guard sa mga paaralan?


Higit sa lahat, binubura ng ganitong framing ang lokal na ahensya at ang mismong karakter ng okasyon. Maraming taga-Kalinga ang direktang tumutol sa ganitong pagsusuri. Isa sa pinakamalinaw na pahayag ay ito:


“Ang tawag po dyan ay STAKEHOLDERS CONVERGENCE. At d naman automatic na kayo ang hinahanap dyan. Interesado din ang mga sundalo na makatulong dahil sila ang inatasan ng pamahalaan at konstitusyon para sa kapayapaan at seguridad ng bansa. Katulong nyo sila at gobyerno kayo kaya wag nyo masamain. Maging masaya kayo.”


Ito ay pagtatanggol sa pananaw na stakeholders din ang security forces—may mandato, may interes sa pagpapaunlad ng kabataan, at may lehitimong papel sa kapayapaan. Ang pagtanggi sa kanila bilang “katulong” ay isang anyo ng pagbubukod, lalo na sa konteksto ng lehitimong pangamba hinggil sa terror grooming.


Dagdag pa rito ang mas lokal at konkretong obserbasyon:


“Yes po normal na normal sa Kalinga ang presensya ng mga kapulisan at kasundaluhan kahit saan lalo sa mga schools. Madami na din mga graduates ng KSU na MIU na ngayon kaya lalong normal yan duun ang kanilang presence.”


Sa Kalinga, hindi dayuhan sa campus ang PNP at AFP. Marami sa kanilang hanay ang produkto mismo ng Kalinga State University. Ang kanilang presensya ay pagpapatuloy ng ugnayang umiiral na sa loob ng komunidad. Samantala, ang progressive narrative na nagmumula sa labas ay nagtatangkang baguhin ang kahulugan ng “normal” at ituring ang lokal na pananaw bilang produkto lamang ng “brainwashing.”



May selective blindness din sa ganitong uri ng aktibismo. Mabilis itong mag-akusa laban sa presensya ng estado ngunit bihirang magbigay ng pantay na pansin sa iba pang anyo ng pressure at recruitment na matagal nang bahagi ng political landscape sa Cordillera. Kapag may progressive youth group o partylist, ang default na hinala ay “recruitment.” Kapag may military presence, ang default na hinala ng mga aktibista ay “red-tagging.” Parehong may pinaghuhugutang kasaysayan. Ngunit ang moral absolutism ng panawagang “AFP/PNP out of campuses” ay tumatangging harapin ang komplikasyon ng sitwasyon.


Ang panawagan ni Rep. Renee Co para sa pampublikong paghingi ng tawad mula sa 5th Infantry Division dahil sa pag-post nito ng litrato at pagtawag sa okasyon bilang isang “convergence” ay pagpapatuloy ng ganoong balikong framing. Kapag ang militar ay nag-post ng litrato at inilarawan ang pagtitipon bilang sama-samang pagsisikap para sa youth development, tinatawag itong “hijacking” at “media manipulation.” Ngunit kapag ang Kabataan Partylist ang nag-frame sa event bilang isang purong youth consultation na nasira ng presensya ng mga armadong tauhan, itinuturing naman itong lehitimong protesta.


Malinaw ang double standard: ang kanilang narrative lamang ang may karapatang mag-frame sa pangyayari, habang ang estado ang inaasahang magpuna at magbawi sa sarili nitong paglalarawan. Lalo pang humihina ang panawagang ito kung ang “armadong presensya” na kanilang inirereklamo ay binubuo, sa malaking bahagi, ng mga ROTC cadet.

Oo, may lehitimong usapin tungkol sa academic freedom at labis na securitization. May mga pagkakataong nagiging instrumento ng pressure ang presensya ng mga armadong tauhan. Ngunit ang solusyon ay transparency sa security protocols, konkretong ebidensya ng interference kung mayroon man, at paggalang sa lokal na konteksto.


Ang post ni Buenaflor at ang panawagan ni Co para sa apology ay maaaring maging epektibong wika ng pagpapakilos para sa kanilang political base. Ngunit bilang pagsusuri sa realidad ng Kalinga, mahina ito, selective, at nakasisira sa posibilidad ng tunay na diyalogo. Ang Cordillera ay hindi isang blankong tabla na maaaring sulatan ng moral categories na nagmumula sa Maynila, sa UP, o sa isang partidong may sariling politikal na agenda.


Marahil, dito rin nagmumula ang tindi ng reaksyon ng mga legal front. Kapag ang presensya ng security forces—o maging ng ROTC—ay nagiging hadlang sa mas malayang paggalaw at posibleng recruitment activities sa loob ng campus at iba pang youth spaces, ang natural na tugon ay i-frame ito bilang “militarization” at “intimidation.”

Sa ganitong pagbasa, ang kanilang galit ay hindi lamang tungkol sa sinasabing paglabag sa academic freedom. Maaari rin itong maiugnay sa naudlot na access sa mga espasyo ng kabataan para sa pampolitikang pagpapakilos.



Mga Komento


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page