Mandirigma ng BHB sa Eastern Samar, nasawi sa sagupaan
- Jay Dimaguiba
- Jun 16
- 2 min read
Updated: Jul 1

Borongan City, Eastern Samar — Isa na namang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (New People's Army o NPA) ang nasawi sa sagupaan laban sa tropa ng 78th Infantry Battalion, Philippine Army noong Hunyo 14, 2025 sa Sito Bagong Bario, Barangay Pinanag-an Borongan City, Eastern Samar.
Napatay ang rebeldeng si Joemar Discar, kilala sa mga koda na Guimo at Bobby. Si Bobby ay isang mandirigma ng Platoon Apoy sa ilalim ng Sub-Regional Committee (SRC) Sesame ng Eastern Visayas Regional Party Committee.
Narekober sa pinangyarihan ang matataas na kalibreng armas at iba pang kagamitang pandigma.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang mga dating kasamahan ni Discar sa mga naulila nyang pamilya. Ayon kay Rialyn “Ka Lorie” Basada, kalihim noon ng Sub-Regional Committee ng Sesame, “Isa si Bobby sa mga nag-asikaso ng supply nang manganak ako sa gubat noon. Taong 2022 siya pumasok sa kilusan. Nung humihina na ang Sesame, gusto na sana niyang umuwi. Ilang beses na rin siyang nag-empake, pero napigilan. Kasama sana namin siya sa pagsuko, pero dinala siya ng isang kasama sa Basey, Samar.”
Ayon naman kay Dino Bachicha, commanding officer ng Sub-Regional Sentro De Grabidad ng SRC Sesame, “Malaki ang epekto ng pagkasawi ni Joemar Discar sa nalalabi pang mga kasamahan sa Sesame. Sa malubhang pagkalagas ng kanilang hanay, tiyak na mas mababa pa ang kanilang moral ngayon. Lalo na’t hindi na rin nila kayang dalhin ang labi ng kanilang kasamahan.”
Dagdag ni Basada, “Nakokonsensya ako na hindi ko siya natulungan na makauwi sa kanila. Kaya nananawagan ako sa mga dating kasamahan — umuwi na kayo habang may pagkakataon pa. Huwag ninyong hayaan na sapitin ninyo ang sinapit ni Bobby na pinagkaitang bumalik sa normal na buhay.”
Ultimatum at panawagan
Samantala, sa isang pahayag, nagbigay si Brigadier General Noel A. Vestuir, commander ng 802nd Infantry Brigade, ng kanyang ultimatum sa mga natitirang rebelde. "Seryoso kami nang ilabas namin ang ultimatum para sa kanila na talikuran na ang armadong pakikibaka—at ngayon pa lamang ito nagsisimula,” aniya.
"Hahalughugin namin ang kagubatan sa Eastern Samar upang tugisin kayo. Sobra na. Matagal nang nagdurusa ang ating mga kababayan sa inyong panlilinlang at pang-aabuso. Kaya habang may pagkakataon pa, sumuko na kayo," saad ni BGen. Vestuir.
Nanawagan naman ang Buklod Kapayapaan, ang pambansang pederasyon ng mga dating rebelde sa mga natitira pang kumikilos na kasapi ng CPP-NPA-NDFP. “Wala nang lugar ang ideolohiyang may iisang layunin lamang—ang sirain ang gobyerno habang ginagamit ang mga maralita bilang kasangkapan. Sa pagbabalik-loob sa pamahalaan, mas nararanasan ngayong ng mga dating rebelde at ng kanilang mga pamilya ang oportunidad na maging makabuluhang bahagi ng kapayapaan, seguridad, at pag-unlad kaysa noong nasa loob pa ng kilusan.”
Saad pa ni Basada, “Welcome kayo sa gobyerno. Naghihintay ang inyong mga pamilya sa inyong tunay na tahanan. Magtiwala kayo sa gobyerno. Aalalayan kayo ng pamahalaan para makapagsarili at magkaroon ng bagong buhay.”





Comments