"NAGING PUTA KA NA NG MILITAR."
- Arian Jane Ramos
- Oct 26
- 2 min read

Iyan ang mantsang idinidikit nila sa noo mo kapag ikaw ay bumitiw.
Kapag nadakip ka. Kapag nagsuko ka ng armas.
Kapag nagpahinga ka.
Kapag nagtanong ka kung tama pa bang ituloy ang gerilyang pakikibaka ni Mao Zedong—ang doktrinang nakaugat sa Marxismo-Leninismo, na inaral mo, sinapuso mo, at unti-unting sinakal ang iyong kalayaan.
Kapag pinili mong magtanong kaysa manahimik.
Kapag hindi mo na masikmura ang pagkubli ng kabuktutan sa likod ng “rebolusyon.”
Sa isang iglap, binura nila ang iyong mga taon ng sakripisyo—
At ikaw ay naging traydor, tuta, puta ng militar.
Ngunit hindi nila kailanman kayang burahin ang katotohanan:
Hindi kami naging puta ng militar.
Kami ay naging puta sa diktadura ng Partido Komunista.
Ibinenta namin ang aming sarili sa isang ideolohiyang hindi kailanman nagmahal,
Isinugal ang aming kabataan sa ngalan ng digmang bayan,
Iniwan ang mga anak sa mga estranghero, sinuway ang mga magulang,
Isinuko ang sariling pangalan kapalit ng isang alyas—
Habang unti-unting ninanakaw ng kilusan ang aming kalayaan,
isa-isang patak ng dugo, isang dasal, isang gabi ng gutom.
Sa bawat putok ng baril, ipinangalan nila sa rebolusyon ang aming pagkawasak.
Sa bawat bangkay ng kasama, ipinangalan nila sa masa ang aming pagkalimot.
At sa bawat pagduda, ipinangalan nila sa “kaaway” ang aming paglaya.
Ngayon, hindi na kami alipin ng ilusyon.
Hindi na kami tauhan ng isang partidong nagpakain sa amin ng mga pangakong nabubulok.
Kami ay mga buhay na patunay,
Na walang tunay na kalayaan sa loob ng isang kilusang binuo sa takot at panlilinlang.
At kahit lumaya kami mula sa diktadura ng Partido,
hindi kami tumiwalag sa bayan.
Hindi kami tumalikod sa masa.
Patuloy kaming naglilingkod sa sambayanang Pilipino,
Hindi na bilang mga aninong nakatago sa bundok,
Kundi bilang mga mamamayang mulat, may pangalan, may boses, at may paninindigan.
Kaya kung tawagin ninyo kaming puta ng militar,
Tandaan ninyo:
Mas matindi kaming inabuso, at itinapon ng kilusang sinamba namin noon.
At ngayong kami’y malaya na,
Hindi na kami tahimik. Hindi na kami takot.
Kami ang rebolusyong bumangon mula sa pagkakadena.
Kami ang mga anak ng bayan na patuloy na naglilingkod,
Sa paraang tunay, makatao, at makabansa.
At hindi kailanman kami magpapakaputa sa kasalukuyang bulok at kurap na sistema ng gobyerno.
Kung nilabanan namin ang isang mapanlinlang na kilusan noon,
Lalabanan din namin ang anumang uri ng pang-aapi at katiwalian ngayon.
P.S. Kung sino ka man, hindi mo ako maririnig na sasabihan kitang “Ptang Ina Mo.” Dahil hindi ko kailangang bumaba sa antas ng panlalait mo para ipaglaban ang katotohanan.





Comments