OP-ED | Dekonstruksyon ng “Huwad na Kapayapaan”: Ang Panlilinlang ng CPP-NPA-NDF
- Mau Chaeyoung

- Jul 26
- 2 min read
Sa harap ng patuloy na pag-uudyok ng Communist Party of the Philippines–New People's Army–National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP) ng digmang bayan, kailangang malakas na ipahayag ng taumbayan ang katotohanan: ang tunay na sagka sa kapayapaan ay ang patuloy na paghahasik ng karahasan ng armadong kilusan.

Ang tinutuligsa ng CPP bilang “huwad na kapayapaan” ay hindi lamang atake laban sa gobyerno. Ito ay malaking bigwas at dungis sa mismong tagumpay ng mga ordinaryong Pilipino, isang pagtanggi sa mga komunidad na nagpasya nang huminto sa karahasan at yakapin ang kaunlarang bunga ng pagkakaisa.
Ang National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) ay hindi itinakda upang pagtakpan ang kahirapan ng mamamayan. Sa halip, ito ay konkretong pagkilala sa mga sistemikong problema ng lipunan na kailangang tugunan sa pamamagitan ng whole-of-nation approach.
Kinamumuhian ito ng CPP-NPA-NDFP dahil inilalantad rin nito ang sistematikong panlilinlang ng “rebolusyonaryong kilusan” sa mamamayan—lalo na sa mga katutubo at magsasaka—na pilit nilang hinahatak pabalik sa armadong kilusang itinatakwil na ng masa.
Sa ilalim ng programang "Kapayapaan at Kaunlaran," binibigyang-lakas ang mga komunidad upang muling tumindig, umasa-sa-sarili, at iwaksi ang pagka-alipin sa kilusan. Ang tunay na kapayapaan ay hindi isang abstraktong konsepto kundi isang materyal at kolektibong hangarin ng mga taong sawang-sawa na sa karahasan.
Itinuturo ng CPP na ang mga sundalo at militar ang “sumasakop” sa mga baryo. Ngunit ang masang Pilipino ay nagtatakda ng pakiki-isa sa kasundaluhan bilang proteksyon laban mismo sa armadong kilusan. Ang karahasan at panlilinlang ng CPP-NPA-NDF mismo ang nagtutulak sa taumbaryo na boluntaryong makiisa sa mga sundalo at programa ng pamahalaan.
Sawa na ang mga baryo sa pananakot, sapilitang kontribusyon, at paninira ng CPP. Ang mismong mga dating pinuno at kasapi ng kilusan ay nagsiwalat ng mga mapanlinlang at mararahas na taktika ng organisasyon. Hindi ito itinakda ng estado kundi ito ay tugon sa testimonya ng mga nakaranas mismo ng panlilinlang.
Ang mga kabiguang patuloy na nararanasan ng CPP-NPA-NDFP sa kanilang mga organisasyon ay hindi dahil sa “state repression.” Ito ay dahil sa mataas na inisyatiba at pagkakaisa ng masa, at ang kanilang mahigpit na pagtakwil sa muling pagbangon ng mga organisasyon ng Partido. Hindi ito matanggap ng CPP, kaya’t ibinubunton nila ang sisi sa mga dati nitong myembro na piniling lumaya at kumalas, at kumampi sa pasya ng mamamayan.
Hindi bulag ang masa. Alam nila kung sino ang tunay na biktima at kung sino ang lumalabag sa kanilang karapatan. Ang mga tinutukoy ng CPP bilang “biktima” ay mga kilalang armado, may kaso, at bahagi ng isang organisasyong may malinaw na layuning pabagsakin ang gobyerno gamit ang dahas. Ang tunay na biktima ay ang mga mamamayang nasa kanayunan—ginagawang taga-suporta at tagapasan ng mga iniwang gulo ng CPP-NPA.
Ang dapat itakwil ng sambayanang Pilipino ay ang kilusang gumagamit ng mga lehitimong isyu ng mamamayan upang palakasin ang kanilang kampanya sa pagrerekrut at muling pagpapalakas para sa pansariling kapakinabangan.
Ang digmaang inilulunsad ng CPP-NPA-NDF, ay ang totoong huwad na landas tungo sa kapayapaan. Lalong hindi ito ang sagot sa kahirapan. Ito ang sagka sa kapayapaan, kalayaan, at kaunlaran. Totoong ang pagsulong ng tunay na kapayapaan ay hindi ang simpleng pagkampi lamang sa estado, kundi pagpanig sa dignidad, karapatang pantao, at pagkakaisa ng sambayanan.





Comments