top of page

Tulong para sa Bagong Kinabukasan

  • Writer: Jay Dimaguiba
    Jay Dimaguiba
  • Oct 3
  • 5 min read

Isang panukalang batas ang nakahain ngayon upang palakasin pa ang tulong para sa mga former rebels at ang testimonya ng mga kagaya nina Ka Saya at Ka Star ang nagbibigay-linaw kung bakit ito mahalaga.


Ang pagbabalik-loob ng mga dating miyembro ng CPP-NPA ay hindi nagtatapos sa araw ng kanilang pagsuko kundi nagsisilbing simula ng panibagong laban, kabilang ang muling pagtindig mula sa trauma at paghahanap ng lugar sa lipunang matagal nilang iniwan.


Para sa kanila, ang dagdag na suporta mula sa pamahalaan ay hindi lamang magpapagaan ng araw-araw na pangangailangan kundi magsisiguro ring ang kanilang mga anak ay malayo sa impluwensiya ng armadong kilusan at may mas maayos na kinabukasan.


ree


Sa testimonya ni Ka Saya, isang dating rebelde na ngayon ay kasama na ang kanyang pamilya, malinaw ang mga pangunahing pangangailangan na nakikita niyang dapat tugunan. “Una, edukasyon. Mahalaga para sa mga former rebels—lalo na sa mga magsasaka at katutubo—na magkaroon ng mas mataas na access sa pag-aaral upang hindi na sila muling malinlang ng mga pangako ng CPP-NPA-NDFP,” aniya.


Para kay Ka Saya, ang edukasyon ay hindi lamang para sa mga anak, kundi para sa buong komunidad ng dating mga kasamahan upang tuluyan nang maputol ang siklo ng panlilinlang at rekrutment.



Dagdag pa niya, malaki rin ang pangangailangan sa mental health support. “Maraming FRs ang may trauma, kabilang na ang mga naging biktima ng karahasan at pang-aabuso. Napakalimitado ng libreng konsultasyon, at hindi rin abot-kaya ang gamutan at therapy,” paliwanag niya. Para kay Ka Saya, hindi kumpleto ang reintegration kung hindi natutugunan ang sugat ng kalooban.



Isang mahalagang usapin din ang tirahan. Sa kanyang paglalahad, sinabi niya: “Hindi lahat ng FRs ay may sariling bahay; marami pa rin ang nakikitira sa mga kampo ng AFP. Kung matutulungan silang makahanap ng maayos na tirahan, mababawasan ang diskriminasyon at mas magiging madali ang kanilang muling pag-angkop sa lipunan.”



Para kay Ka Saya, kung madaragdagan ang ayuda, malinaw kung saan ito dapat mapunta. “Unang-una, para sa edukasyon ng mga anak at pag-iipon para sa kanilang kinabukasan. Ikalawa, para makapaglaan ng pondo para sa counseling at therapy laban sa trauma at depresyon. Sa ganitong paraan, hindi lang pangkabuhayan ang natutulungan, kundi pati ang paghilom ng kaisipan.”



Ipinahayag din niya ang malaking epekto ng dagdag na suporta sa susunod na henerasyon. “Makakatapos ng pag-aaral ang mga anak ng FRs at hindi na sila magiging biktima ng propaganda ng CPP-NPA-NDFP.



Magkakaroon din ng mas maraming oportunidad para sa kabuhayan, tulad ng negosyo, trabaho, at iba pang pagkakakitaan. Higit sa lahat, tataas ang dignidad ng bawat pamilya, at magkakaroon ng pag-asa ang susunod na henerasyon.”



Kung tatanungin kung sapat na ang kasalukuyang ayuda, malinaw ang kanyang sagot: “Hindi pa sapat ang kasalukuyang ayuda. Mayroon pa ring mga komunidad na maraming pangangailangan na hindi natutugunan, gaya ng mas malawak na suporta sa mental health, higher education, at pangmatagalang programa sa reintegration. Kailangan ng mas komprehensibong plano para matiyak na tuloy-tuloy ang pagbabalik ng mga FRs sa normal na pamumuhay.”



ree


Hindi nalalayo ang pananaw ni Ka Star, isa ring dating rebelde na ngayon ay nagsusumikap para sa kanyang pamilya. “Ang pangarap ko para sa pamilya ko ay magkaroon kami ng maayos na tirahan at makapagtapos sa pag-aaral ang aking mga anak. Nais kong mabigyan sila ng magandang kinabukasan at magabayan nang tama upang hindi sila maligaw ng landas,” sabi niya.



Kinikilala ni Ka Star ang mga ginagawa ng gobyerno, ngunit tulad ni Ka Saya, ramdam din niya ang kakulangan. “Nakikita ko na walang sawa ang gobyerno sa paggabay sa amin at sa paghahanap ng paraan upang mapaayos ang aming kalagayan.



Gayunpaman, ramdam ko pa rin ang kakulangan, lalo na’t tatlo ang anak kong nag-aaral. Talagang kinakapos kami,” aniya. Ang kanyang panawagan ay malinaw: “Sana ay patuloy kaming matulungan sa pamamagitan ng maayos na pabahay at edukasyon para sa mga anak ko. Hindi ko natapos ang aking pag-aaral, kaya pangarap kong mapagtapos ang mga anak ko upang hindi sila matulad sa akin.”



Sa kanyang mensahe sa gobyerno, sinabi ni Ka Star: “Sana ay mabigyan kami ng tirahan at suportang pang-edukasyon para hindi maligaw ng landas ang mga anak ko.” At sa kanyang dating mga kasama, idinagdag niya: “May panahon pa para bumaba at makasama ninyo ang inyong pamilya. Bigyan ninyo ng pagkakataon ang inyong mga anak na magkaroon ng magandang kinabukasan.”



Hindi rin nakalimutan ni Ka Star ang mensahe para sa iba pang sektor ng lipunan. “Para sa kabataang naliligaw ng landas, tulungan sana kayong mabigyan ng trabaho ng gobyerno upang hindi kayo mailigaw pa. Para sa mga magsasaka, huwag kayong magpaloko sa NPA, ginagamit lang nila kayo para sa kanilang propaganda. Para sa mga manggagawa, kung may problema kayo sa inyong pinagtatrabahuhan, idulog ninyo sa gobyerno at huwag kayong padadala sa panlilinlang ng NPA.”



Dagdag pa niya, “Sa nakikita ko, kulang pa ang trabaho para sa mga pamilya. Dapat mas palakasin pa ng gobyerno ang pagbibigay ng hanapbuhay, lalo na’t mataas ang presyo ng bilihin at hirap ang mga magulang sa pagpapaaral ng anak. Hiling ko rin na mabigyan ng sariling lupa ang mga katulad naming Former Rebels upang makapagsimula muli, makapagtayo ng sariling kabuhayan, at magabayan nang maayos ang aming mga anak tungo sa isang mas maunlad at mapayapang kinabukasan.”



Ang mga salaysay nina Ka Saya at Ka Star ay kaagapay ng mga opisyal na datos na inilabas ng pamahalaan. Noong unang kalahati ng 2024, iniulat ng NTF-ELCAC na 16,551 dating miyembro at tagasuporta ng NPA ang nakinabang sa programa ng reintegrasyon, kabilang ang libu-libong nakatanggap ng livelihood projects at reintegration assistance. Sa ilalim naman ng E-CLIP, 1,690 dating rebelde ang nakatanggap ng benepisyo hanggang Abril 2025, kabilang ang 1,037 dating kasapi ng NPA at 653 Militia ng Bayan. Ayon sa DOLE, halos 10,000 dating rebelde ang nakinabang sa livelihood programs sa Mindanao. Sa kabilang dako, 2,772 dating rebelde na ang nag-apply ng amnestiya sa National Amnesty Commission mula Marso 2024 hanggang Mayo 2025.



Mahalagang paalala ang kanilang mensahe sa pamahalaan at sa kanilang dating mga kasamahan. “Maraming salamat sa patuloy na pagkilala sa aming mga pangangailangan. Nawa’y magpatuloy at mas palakasin pa ang mga programang sa pangangailangan ng mga FRs at kanilang pamilya,” ani Ka Saya. Dagdag pa niya, “Ang mga hakbang ng gobyerno ay maaaring hindi perpekto, ngunit malinaw ang kanilang kagustuhan na makinig at tugunan ang aming mga panawagan. Kung ang CPP ay dumaan sa mga tinatawag nilang kilusang pagwawasto, ganoon din ang pamahalaan—may kakayahan itong magbago at umunlad.”



Sa huli, ipinapakita ng testimonya nina Ka Saya at Ka Star na ang pagwawakas ng armadong tunggalian ay higit pa sa pagbabalik-loob. Ito ay nangangailangan ng tuloy-tuloy na suporta upang matiyak na ang mga dating rebelde ay magiging ganap na bahagi ng lipunan, at na ang kanilang mga pamilya ay magkakaroon ng pagkakataong makabangon at magtagumpay. Sa kanilang mga tinig, malinaw ang panawagan: ang mas malawak at mas matatag na ayuda ay hindi lamang para sa kanila, kundi para sa kapayapaan at kinabukasan ng buong bansa.


 
 
 

Comments


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page