‘Usapin ng WPS, sinasamantala ng CPP sa pamamagitan ng PAMALAKAYA’ – MNBPFI
- Damian Santillana
- Oct 17
- 2 min read

Nagbabala ang Mata ng Bayan Pilipinas Federation Inc. (MNBPFI), isang pederasyon ng mga organisasyon na nagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran na nakabase sa Palawan, hinggil sa diumanong pagsasamantala ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) sa pamamagitan ng pambansa-demokratikong organisasyon nito na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o PAMALAKAYA.
Sa kanilang pinakahuling pahayag, ibinunyag ng MNBPFI na ang PAMALAKAYA, na sa unang tingin ay organisasyon ng mga mangingisda, ay isang instrumento ng CPP upang impluwensyahan ang mga mangingisda at komunidad, mapalaganap ang mga pambansa-demokratikong ideolohiya nito na nagsusulong ng armadong rebolusyon bilang isang porma ng pagbago ng lipunan, at pahinain ang tiwala ng mga mamamayan sa gobyerno.
“Sa pamamagitan ng PAMALAKAYA, pinapasok ng CPP ang mga pamayanang pangisdaan gamit ang mga lehitimong isyung pansektor tulad ng coastal reclamation, panghihimasok ng banyaga sa pangingisda, at alitan sa West Philippine Sea — ngunit hindi upang solusyunan, kundi upang gamitin ang mga ito bilang gatilyo ng galit laban sa pamahalaan,” saad sa pahayag ng MNBPFI.
Pinakatampok sa kasalukuyan ang paggamit ng CPP sa isyu ng West Philippine Sea sa pamamagitan ng pag-atake sa Armed Forces of the Philippines, paninira sa mga programang pangkaunlaran ng pamahalaan, at paghahantong ng galit ng mamamayan sa panawagan ng rebolusyon.
Kamakailan, tinuligsa ng Pamalakaya ang panukala ng AFP na ilipat ang pamamahala ng programang Tatag ng Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad (TIKAS) mula sa DPWH patungo sa DND o AFP. Binatikos din ng grupo ang paggamit ng pondo ng TIKAS sa mga pasilidad na nasa loob ng mga EDCA site tulad ng sa Balabac, Palawan, na umano’y “naglalagay sa panganib sa mga sibilyan” at nagpapakita ng “pagka-alipin” ng AFP sa mga banyagang kapangyarihan.
Bilang tugon, ipinaliwanag ng AFP at ng Department of National Defense na ang paglilipat ng programa ay magpapabilis sa pagpapatayo ng mga pasilidad, magtitiyak ng mas mataas na antas ng pananagutan, at magpapahusay sa bisa at transparency ng mga proyekto.
“Ang ganitong taktika ng paggamit sa isyu ng WPS ay malinaw na naglalayong pahinain ang tiwala ng mamamayan sa estado, sirain ang kredibilidad ng gobyerno, at maghasik ng hidwaan sa pagitan ng mga mangingisda at mga ahensya ng pamahalaan,” anila sa kanilang pahayag.
Nanawagan ang MNBPFI at Mata ng Bayan – Former Rebels In Empowerment for National Development and Solidarity sa mga Pilipino, laluna sa mga taga-Palawan, na maging mapanuri at huwag magpalinlang sa PAMALAKAYA at CPP.
“Ang laban para sa karapatan ng mga mangingisda ay laban din para sa katotohanan. Ngunit kailangang maging malinaw — ang tunay na kalaban ng mamamayan ay hindi ang gobyerno, kundi ang panlilinlang at ideolohiyang nagbubunga ng pagkawatak-watak."





Comments