18 Kasapi ng NPA, Nasawi sa Madugong Engkwentro sa Negros Occidental; Mahigit 600 Sibilyan, Lumikas
- Jhenelyn Cruz

- 13 hours ago
- 3 min read

TOBOSO, NEGROS OCCIDENTAL — Labing-walong (18) pinaghihinalaang kasapi ng New People’s Army (NPA) ang nasawi sa isang malawakang engkwentro sa pagitan ng tropa ng Philippine Army at ng rebeldeng grupo sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental noong Abril 19, 2026 (Linggo).
Ayon sa mga inisyal na ulat, nagsimula ang labanan bandang 3:30 a.m. at tumagal hanggang alas-2:00 ng hapon, na umabot sa halos 10 oras na tuloy-tuloy na sagupaan. Nagsimula ang armadong sagupaan sa Sitio Tiguib, Brgy. Salamanca, Toboso at nagtapos sa Sitio Dawis, Brgy. Udtungan, Escalante City.
Iniulat na kasama sa mga nasawi ang ilang miyembro ng dating North Negros Front (NNF), kabilang na umano si Ka-Jhong o Arnel Tapang (kilala rin bilang Roger Fabillar), isang high-value target na may P1-milyong reward at wanted sa maraming kaso ng pagpatay sa northern Negros. Hindi pa opisyal na nakumpirma ng militar ang eksaktong pagkakakilanlan ng lahat ng nasawi, ngunit patuloy ang pag-validate ng bilang.
Sa kasagsagan ng labanan, higit 600 sibilyan ang napilitang lumikas upang matiyak ang kanilang kaligtasan. Tatlong evacuation sites ang binuksan sa mga apektadong lugar, karamihan ay sa mga paaralang elementarya. Sa Brgy. Udtongan, Escalante City, umabot sa 260 indibidwal mula sa Sitio Rancho at Sitio Dawis ang lumikas. Sa Sitio Tiguib, Brgy. Salamanca, Toboso, may 120 evacuees, habang 320 indibidwal mula sa Sitio Rancho at Sitio Dawis ng Brgy. San Jose, Toboso ang inilipat sa mga evacuation center. Patuloy ang pagbibigay ng tulong at monitoring ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga evacuees.
Bagamat patuloy ang mga operasyon ng militar laban sa natitirang NPA remnants sa Negros Island, may isang dating rebelde na nagpahiwatig ng kanyang pananaw sa pangyayari.
Ayon sa dating miyembro ng NPA na humiling na itago ang kanyang pagkakakilanlan, “Nakakalungkot na may nawalang buhay sa digmaang walang katuturan. Pero ang pagkamatay ng mga NPA sa Negros ay nagsisilbing hustisya sa kanilang mga biktima ng walang-pakundangang pagpatay sa mga sibilyan.”
Ang pahayag na ito ay sumasalamin sa patuloy na galit at takot ng maraming komunidad sa Negros dahil sa mga pagpatay na isinagawa ng NPA sa mga sibilyan.
Ayon sa naunang mga ulat, isa sa pinakahuling insidente ay ang pagpatay kay Rodulfo Fajardo, 72-anyos na dating Punong Barangay at Sangguniang Bayan member, noong Abril 12, 2026 sa Sitio JMA, Brgy. Payao, Binalbagan. Inakusahan siya ng NPA Romeo Nanta Command ng “land grabbing” at “ties with paramilitary forces” bago siya “meted revolutionary justice” ng kanilang tinatawag na people’s revolutionary court.
Noong Pebrero 2026 naman, pinatay din ng NPA ang 74-anyos na si Leonora “Leonor” Anguit sa Brgy. Tapi, Kabankalan City. Inakusahan siyang military informant at pinatay sa loob ng sariling bahay matapos akusahan ng “blood debt.” Inamin ng Armando Sumayang Jr. Command ng NPA ang responsibilidad at tinawag itong “revolutionary justice.”
Ayon sa Buklod Kapayapaan Federation Inc., ang pambansang pederasyon ng mga dating myembro ng CPP-NPA-NDFP, hindi bababa sa 43 kaso ng ganitong summary executions ang naitala sa Negros Island mula 2025, kasama ang mga matatanda at ordinaryong magsasaka na inakusahan nang walang due process.
Hanggang sa kasalukuyan, walang opisyal na pahayag mula sa panig ng NPA tungkol sa insidente. Patuloy naman ang pagtulong ng lokal na pamahalaan sa mga evacuees habang mino-monitor ang sitwasyon para sa posibleng pagbabalik ng mga residente sa kanilang mga tahanan.
Patuloy na subaybayan ang mga detalye hinggil sa insidenteng ito.




Comments