FR Diaries: Maralita. Bakla. Person with Disability. Dating Rebelde.


Hindi nakilala si Eric Simugan "Mimi," dahil lamang sa kanyang pagiging dating aktibista at rekruter ng New People's Army (NPA). Sa halip, naging tampok siya sa social media dahil sa pangungutya at pambubully na iniuugnay sa ilang pahina at publikasyong konektado sa National Democratic Mass Organization (NDMO) at CPP-NPA.
Sa halip na harapin ang kanyang mga pahayag at karanasan bilang dating rebelde, ang kanyang pisikal na anyo at paraan ng pagsasalita ang ginawa nilang katatawanan. Si Mimi ay may kondisyon sa labi at ngalangala na nakaaapekto sa kanyang pagsasalita. Ngunit sa halip na igalang ang kanyang pagsisikap na maibahagi ang sariling karanasan, ginawa itong dahilan ng ilan upang insultuhin at maliitin siya. Naging laman din si Mimi sa isang wanted poster na inilabas ng CPP-NPA, inilagay ang kanyang larawan, tinukoy bilang Erick Simogan, at nilagyan ng pabuyang ₱1.00. Isang halagang tila sadyang idinisenyo upang ipahiwatig na wala siyang halaga bilang tao.
Maralita si Mimi. Isa siyang bakla at bahagi ng LGBT community. Isa rin siyang taong may kapansanan. Mga sektor at uri itong madalas banggitin ng kilusan bilang mga grupong ipinagtatanggol nila laban sa diskriminasyon, pang-aapi, at pagsasamantala. Ngunit nang kumalas si Mimi at magsimulang magsalita tungkol sa kanyang mga karanasan, tila biglang nawala ang mga prinsipyong iyon. Sa halip na kilalanin ang kanyang dignidad at karapatang magpahayag, ang kanyang pisikal na kondisyon at paraan ng pagsasalita ang kanilang pinuntirya.
Matingkad na lumilitaw ang isang malaking kontradiksiyon. Hanggang saan umaabot ang sinasabing pagtatanggol ng kilusan sa mga marginalized sectors? Bakit nagiging katanggap-tanggap ang diskriminasyon kapag ang isang taong kabilang sa mga sektor na ito ay hindi na sumusunod sa kanilang pamantayang pampulitika? Sa ganitong pagtrato, lumalabas na may kondisyon ang pagkilala nila sa dignidad ng isang tao. Kailangan muna nitong manatiling kakampi at sumunod sa linya ng kilusan. Kapag kumalas, nagbago ng paninindigan, o nagsalita laban sa dating organisasyon, maaari na siyang maliitin, siraan, at yurakan.
Lalong lumilitaw ang kontradiksiyong ito kung isasaalang-alang ang tinatawag na Tres-Otso o mga tuntunin ng disiplina sa loob ng NPA, na nagtatakda rin ng paggalang sa kapwa at pagbabawal sa pagmumura o pang-aalipusta. Kung ipinagbabawal mismo sa kanilang hanay ang ganitong asal, bakit tila nagiging katanggap-tanggap ito kapag ang pinupuntirya ay isang dating kasamahan? Hindi maipagtatanggol ang pangungutya sa pamamagitan lamang ng pampulitikang pagkakaiba.
Hindi lamang ito pagkukulang sa pagtatanggol sa mga marginalized. Isa itong malinaw na kontradiksiyon sa kanilang ipinahahayag na prinsipyo. Sa halip na labanan ang diskriminasyon at pang-aapi, sila mismo ang nagiging bahagi nito kapag ang taong kanilang hinahamak ay hindi na pasok sa kanilang ideolohikal na pamantayan. Ang pangungutya kay Mimi ay nagpapakita kung paanong ang mga taong sinasabing ipinaglalaban ay maaari ring maging biktima ng pang-aapi mula sa mismong kilusang nag-aangking kumakatawan sa kanila. Epektibong nailalantad ang kawalan ng sinseridad sa prinsipyo ng pakikiisa sa mga membro ng marginalized.
Sa kanyang panayam, buong pagsisikap na ibinahagi ni Mimi ang kanyang pinagdaanan. Isinalaysay niya kung paano siya naging aktibista dahil sa paniniwalang makatutulong siya sa pagbabago ng lipunan, ngunit kalaunan ay humantong ang kanyang paglahok sa mga karanasang nagdulot ng matinding pinsala sa kanyang buhay at mga pangarap.
Ikinuwento rin niya ang mga death threat na natanggap niya, ang pagbibintang sa kanya bilang espiya, at ang umano'y panloloko at pang-aabuso sa kanyang mga kababayan. Para sa kanya, hindi pagtataksil ang pagsasalita tungkol sa mga bagay na kanyang nasaksihan at naranasan. Ang kanyang paglayo sa kilusan ay bunga ng mga karanasang hindi na niya kayang tanggapin at balewalain.
Sa kasalukuyan, ayon sa kanyang salaysay, ginagamit niya ang kanyang karanasan upang tumulong sa pagsusulong ng kapayapaan sa kanyang komunidad sa CALABARZON. Nais niyang maiwasan ng iba ang mga panganib at paghihirap na kanyang pinagdaanan. Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanyang kuwento, umaasa siyang makatulong na mamulat ang iba sa mga karanasang maaaring hindi nila nakikita o nauunawaan.
Ito ang kuwentong dapat pagtuunan ng pansin. Habang abala ang ilan sa pangungutya sa kanyang kondisyon, nananatiling hindi nasasagot ang mga karanasang inilalahad niya. Hindi kailanman katanggap-tanggap na gawing sandata ang kapansanan ng isang tao upang patahimikin o hiyain siya.
Hindi kailangang maging kaalyado ng isang kilusan ang isang maralita, bakla, o taong may kapansanan upang maging karapat-dapat sa paggalang. Hindi pag-aari ng anumang organisasyon ang mga sektor na sinasabi nitong kinakatawan. May sariling isip, karanasan, at pagpapasya ang mga taong kabilang dito. Hindi nawawala ang kanilang dignidad dahil lamang tumanggi silang sumunod sa isang ideolohiya. Ang paggalang sa karapatan ng mga marhinalisado ay hindi maaaring nakadepende sa kanilang katapatan sa isang kilusan.
Ang kwento ni Mimi ay higit pa sa kuwento ng isang dating rebelde na piniling lumayo sa armadong pakikibaka. Ipinakikita nito ang mapait na kontradiksiyon ng isang kilusang malakas magsalita tungkol sa pagtatanggol sa inaapi, ngunit hindi nag-aatubiling manghamak at mang-api kapag ang isang dating kasama ay nagkaroon ng sariling tinig.





Mga Komento