Aktibista ng grupong natdem sa UP Diliman, sinuspinde matapos masangkot umano sa kasong rape
- Cleve Sta. Ana
- 3 days ago
- 2 min read
Nasuspinde ang isang lider ng national democratic organization at isa sa mga kinatawan ng student council sa University of the Philippines matapos umano itong masangkot sa isang seryosong kasong kriminal na panggagahasa sa kapwa estudyante.
Noong Marso 4, 2026, naglabas ng Notice to the Public ang University of the Philippines University Student Council kaugnay ng preventive suspension ng College of Arts and Letters Student Council Representative na si Jobert Pillas. Ayon sa pahayag ng konseho, may kinakaharap na kasong kriminal si Pillas kaya pansamantala muna itong sinuspinde habang isinasagawa ang kaukulang proseso.
Si Pillas ay miyembro ng national democratic organization na National Network of Agrarian Reform Advocates Youth – UP Diliman at tumakbo bilang CAL Representative sa ilalim ng Laban Kabataan Coalition. Ang koalisyon ay binubuo ng iba’t ibang organisasyong pambasa-demokratiko (national democratic) sa loob ng pamantasan tulad ng Anakbayan, League of Filipino Students, Gabriela, Kabataan Partylist, at iba pa.
Hindi man tuwirang binanggit sa opisyal na anunsyo ang uri ng kaso, mabilis namang kumalat sa social media ang mga haka-haka tungkol dito. Sa isang post sa Reddit, sinabi ng isang netizen na kasong rape umano ang kinakaharap ng nasabing student leader.

Isang impormante ng Kontra Kwento ang nagkumpirma rin sa naturang impormasyon. Ayon sa kanya, unang nagsumbong ang biktima sa kaniyang mga kaibigan. Matapos malaman ang nangyari, agad umanong sinugod ng mga ito si Pillas at dinala sa kustodiya ng pulisya.
May mga lumabas ding post online na nagsasabing hindi ito ang unang pagkakataon na nadawit si Pillas sa kahalintulad na kontrobersiya. Ayon sa ilang netizen, noong nagsilbi umano itong presidente ng Polytechnic University of the Philippines Senior High School Student Council ay may kinaharap na rin itong kaparehong paratang.
Ang mga nasabing grupo ay dating bahagi rin ng Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP (STAND UP), isang alyansang nabuwag matapos malugmok sa sunod-sunod na alegasyon ng sexual harassment at sexual assault laban sa ilang miyembro nito—mga kasong kinasasangkutan din ng kapwa nila aktibista sa loob ng unibersidad.
Ayon sa ilang mga dating myembro ng mga national democratic organization, na kalaunay sumampa sa armadong New People’s Army, ang mga organisasyong ito ang naging daluyan ng rekrutment ng ilang mga kabataan mula sa pagiging aktibista tungo sa pagiging myembro ng Communist Party of the Philippines at NPA.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na detalye ang mga awtoridad hinggil sa kaso.




Comments