Anakbayan: Kalaban ng Kalaban, Kalaban din ng Kakampi
- Mau Chaeyoung

- Oct 1
- 3 min read
Updated: Oct 2

Tinuligsa ng Anakbayan ang pahayag ni Akbayan Rep. Perci Cendaña na nagsabing “magbebenepisyo si impeached Vice President Sara Duterte sa ‘Marcos Resign’ na panawagan.” Sa madaling salita, para sa Akbayan, ang pagtutok sa impeachment o resignation ni Marcos ay hindi awtomatikong solusyon, bagkus ay nagbubukas ng panibagong problema.
Inatake ito ng Anakbayan. Sa pahayag ni Mhing Gomez, Anakbayan National Chairperson, iginiit niyang, “hindi kailangan pumili sa pagitan nina Marcos at Duterte. Pareho silang dapat paalisin dahil sistema ang nais nating baguhin.”
Sa unang tingin, maaaring tunog prinsipyo ang ganitong pahayag. Subalit sa masusing pagsusuri, malinaw na ito’y pagsalungat sa mismong linya ng MAKABAYAN Bloc na kanilang kahanay. Ang resulta: kaguluhan, hindi pagkakaisa, at paglalantad na mismong sa loob ng hanay nila, walang malinaw na direksyon.
Maingat na posisyon
Ang lumalalang kaguluhan sa hanay ng pambansa-demokratikong kilusan ay muling lumutang nitong Setyembre 21, kasabay ng mga pagkilos sa paggunita ng Martial Law at pagkundena sa maanomalyang flood control projects.
Bago pa man ang pagkilos na ito ay kapansin-pansin na inilabas na ang linya ng MAKABAYAN Bloc, partikular sa ipinahayag ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, na malinaw na tumutok lamang sa pagpapanagot sa mga korap at hindi sa “Marcos Resign” na panawagan. Ito’y isang sadyang maingat na posisyon, dahil hindi maikakaila na may implikasyon ang anumang panawagan ng pagpapatalsik kay Pangulong Marcos Jr. lalo na’t awtomatikong si Vice President Sara Duterte ang papalit.
Dito mas ipinapakita ang tunay na oryentasyon ng Anakbayan: pagiging ultra-leftist at extremist. Sa halip na palakasin ang nagkakaisang tinig ng taong bayan laban sa katiwalian at pang-aabuso ng kapangyarihan, mas pinipili nilang atakihin kahit ang kapwa nila biktima. Para silang asong ulol na kahit sino, kinakagat—basta’t hindi umaayon sa kanilang dogmatikong linya ng armadong pakikibaka.
Ipinapakita ng kaguluhang ito, maging sa loob man o sa labas ng kanilang mga hanay ang malinaw na kawalan ng pagkakaisa sa political line ng Anakbayan at ng mismong Makabayan Bloc. Sa halip na magtaguyod ng iisang direksyon, lantad ang kanilang pagkakawatak-watak. Ito ay hindi lamang simpleng usapin ng taktika, kundi malinaw na patunay ng pagbabalat-kayo ng mga tinatawag ng mga former rebels na “legal organizations” ng CPP-NPA-NDFP.
Hindi rin ito usapin ng retorika. Sa maraming pagkakataon, ipinakita ng Anakbayan at ng iba pang legal fronts ng CPP-NPA-NDFP na wala silang pasensya sa mga organisasyong hindi sumusunod sa kanilang radikal na linya. Kahit mga ordinaryong mamamayang lumalaban para sa sariling karapatan ay nagiging target ng kanilang kundenasyon kung hindi nakapailalim sa agenda ng pambasa-demokratikong rebolusyon. Ang ganitong pag-uugali ay malinaw na sumasalungat sa diwa ng tunay na demokrasya, kung saan dapat may lugar ang iba’t ibang pananaw at pamamaraan ng pakikibaka.
Istorikong pagkakahati
Kung babalikan ang kasaysayan, hindi bago ang ganitong asal. Mula pa noong dekada ’70 hanggang ’90s, nahati na ang mga kilusan dahil sa “purging” at internal na away na dulot ng iba’t ibang paglihis gaya ng ultra-left na tendensiya.
Sa halip na palakasin ang kilusan para sa masa, biniyak nila ito at ginawang mahina, hanggang sa tuluyang bumaba ang kredibilidad nila sa mata ng taumbayan. Ngayon, inuulit lamang ng Anakbayan ang parehong pagkakamali.
Kaya hindi nakapagtataka bakit patuloy silang nakikita bilang hadlang, hindi katuwang, sa pagsusulong ng reporma at hustisya. Sa halip na makatulong sa pagsulong ng sistematikong kapayapaan, sila ang nagiging sagabal. Ang kanilang pilit na pagtataguyod ng karahasan at marahas na pakikibaka ay hindi nakapaglulutas ng problema, kundi lalo lamang nagpapalalim ng hidwaan.
Ang ganitong tindig ay malinaw na kontra-mamamayan. Sapagkat kung tunay nilang nais ang pagbabago, dapat ay pinapalakas nila ang malapad na alyansa at nakikibaka nang may malinaw na direksyon, hindi ang patuloy na paglikha ng away kahit sa loob ng kanilang hanay.
Kalaban din ng mamamayan
Ang totoo: ang Anakbayan at iba pang CPP-NPA legal front ay hindi lamang kalaban ng gobyerno, kun'di kalaban din ng mamamayan. Sapagkat sa kanilang patuloy na pagpapalaganap ng ekstremismo at diskurso ng marahas na rebolusyon, tinatanggal nila ang puwang para sa isang makabuluhan, inklusibo, at mapayapang pagbabago.
Kung kaya’t dapat maging malinaw sa publiko: ang Anakbayan, at ang kabuuan ng national democratic organizations na kaalyado nila, ay hindi mga kakampi sa laban para sa tunay na kapayapaan at katarungan. Sila ay hadlang. At habang hindi ito kinikilala at tinatapatan ng tamang impormasyon, kritika, at tunay na kilusan ng mamamayan, mananatiling bukas ang pinto para patuloy nilang linlangin ang kabataan at masa upang sirain ang nagkakaisang tinig ng sambayanang Pilipino.





Comments