ANALISIS | Anakbayan, nanawagan sa kabataan na tumungo sa kanayunan

Sa isang malaking mobilisasyon ng mga pambansa-demokratikong organisasyon bilang paggunita sa martial law ni Marcos, nanawagan si Mhing Gomez, national chairperson ng Anakbayan, sa mga kabataan na “huwag lamang manatiling aktibista” sa kalunsuran at tumungo sa kanayunan, kung saan aniya ay higit na kailangan ang kanilang presensya at pagkilos.
Kasabay nito, hinimok niya silang sundan ang yapak nina Alyssa Alano, Maureen Santuyo at Enrique Dayandante, na kanyang tinawag na mga “martir” ng Anakbayan at mga bayani ng pambansang demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba.
Sa pagtatapos ng pahayag, tumugon ang mga aktibista sa pamamagitan ng chant: “Sagot, sagot, sagot sa kahirapan! Digmang bayan!”
Kapag pinagsama, ang panawagang tumungo sa kanayunan, ang pagtukoy sa mga “martir” bilang huwaran, at ang pagsigaw ng “digmang bayan” ay nagbubukas ng mahalagang tanong kung anong uri ng pagkilos ang hinihikayat ng Anakbyaan ang kabataang Pilipino?
Huwaran
Pwedeng sabihin na ang pagtungo sa kanayunan ay maaaring mangahulugan ng community immersion, boluntaryong paglilingkod, pananaliksik, o pakikilahok sa mga usapin ng magsasaka at katutubo. Ngunit sa lenggwahe ng pambansa demokratikong rebolusyon, ang “pagtungo sa kanayunan” ay walang ibang kahulugan kundi ang pagsapi sa armadong pakikibaka ng New People’s Army. Para sa mga pambansa-demokratikong aktibista, ang mga katagang ito ay shorthand o tayutay sa pagsampa sa NPA.
Isa pa, hindi maaaring ihiwalay ang panawagan ni Gomez sa pagtukoy sa mga huwarang dapat umanong sundan ng kabataan. Ang tatlong tao na kanyang nabanggit ay pawang umanib sa NPA at napatay sa mga armadong engwkwentro sa pagitan ng grupo at mga pwersa ng kasundalohan.
Kapag hinihikayat ang isang kabataan na tularan ang mga taong namatay bilang bahagi ng armadong pakikibaka, tila hindi nito kinukonsidera ang mga kaakibat na sakripisyo, panganib, at posibleng kamatayan. Masasabi bang sa kinakaharap, kung bigla mang mawala si Gomez sa mainstream na aktibismo, sya ba’y “tumungo na rin sa kanayunan?” O ang kanyang pagpapanatili sa syudad ay pagpapatunay na ang “pagtungo sa kanayunan” ay para lamang sa mga miyembro, at hindi para sa mga lider na katulad niya?
Mahalaga rito ang eksaktong ibig sabihin ng “sundan ang kanilang yapak.” Aling bahagi ng buhay ng mga pinangalanan ang hinihikayat na tularan? Ang kanilang adbokasiya, gawaing pangkomunidad, o paglahok sa rebolusyonaryong pakikibaka?
Hindi awtomatikong napapatunayan ng pagtawag sa isang tao na “martir” na siya ay naging combatant. Kailangang malinaw at beripikado ang naging papel ng bawat pinangalanan bago gamitin ang kanilang mga buhay bilang patunay ng isang landas mula sa legal na aktibismo tungo sa NPA.
Gayunman, may bigat ang paggamit sa mga namatay bilang mga huwaran. Sa ganitong pagsasalaysay, ang kanilang buhay at pagkamatay ay nagiging batayan ng panawagang magpatuloy ang susunod na henerasyon. Mahalagang maunawaan ng mga kabataang nakikinig kung anong sakripisyo at anong uri ng pagkilos ang inaasahan sa kanila.
Sagot sa kahirapan
Mahalaga ang chant na ito dahil malinaw nitong pinag-uugnay ang isang tunay na problema ng lipunan, ang kahirapan, sa isang partikular na revolutionary response: “digmang bayan.”
Sa gayon, ang pahayag ni Gomez ay lumalampas sa panawagan laban sa kasalukuyang administrasyon o sa mga problemang kinakaharap ng kabataan. Inilalagay nito ang mga problemang iyon sa loob ng mas malawak na proyekto ng pambansang demokrasya, sosyalismo at komunismo. Sa ganitong framing, ang galit at pagkadismaya ng kabataan ay hindi lamang inilalabas sa isang protesta. Itinutulak ang mga ito tungo sa mas malawak na rebolusyonaryong proyekto. Kasabay nito, mahalagang itanong kung bakit kailangang tawagin ang mga kabataan mula sa kalunsuran upang tumungo sa kanayunan.
Kung ang layunin ay simpleng paglilingkod sa mga komunidad, bakit kailangang gamitin bilang halimbawa ang mga kabataang namatay sa armadong pakikibaka? Kung ang layunin ay ordinaryong activism, bakit kailangang sabihin sa mga kabataan na huwag lamang manatiling aktibista? At kung ang ipinapanawagan ay solusyon sa kahirapan, bakit ang sagot na ipinapasigaw sa crowd ay “digmang bayan”?
Marapat na maging mapagmatyag at mapanuri ang mga kabataan sa landas na kanilang tatahakin. Kung iaalay ang buhay para sa kinabukasan, tiyaking may malinaw na patutunguhan ang sakripisyong iyon at may tunay na mapanghahawakan. Sapagkat sa huli, hindi pangako ang magtatakda ng kahihinatnan, kundi ang resulta. Sa dulo ng landas, ang tanong ay kung ang buhay na inialay ay hahantong sa kalayaan o tanging sa kamatayan.





Mga Komento