top of page

IMBESTIGASYON | Sa loob ng makinaryang politikal ng mga organisasyong ND sa PUP

Larawan ng writer: Bong Valbuena
Bong Valbuena
7 minuto ang nakalipas
8 (na) min nang nabasa


Sa likod ng kontrobersiya ni JP Azusano, nabubuklat ang mas malaking usapin: paano nagiging makapangyarihang puwersa sa student councils ang mga national democratic na mga organisasyon, paano nila napangangalagaan ang impluwensiya ng kanilang hanay, at ano ang sinasabi ng mga dating CPP organizers tungkol sa lihim na organisasyong kumikilos sa likod ng legal na student movement?


Ang student regent na hindi student



Noong Hulyo 10, 2026, nahalal si John Paul “JP” Azusano bilang ika-20 Student Regent ng Polytechnic University of the Philippines (PUP).


Sa sumunod na mahigit tatlong buwan, kumilos siya bilang pinakamataas na kinatawan ng mga estudyante sa Board of Regents. Bilang Student Regent, nakibahagi siya sa mga kampanya sa loob at labas ng unibersidad, nagsalita sa mga pagkilos, nakipag-ugnayan sa iba pang student organizations at mga personalidad sa labas ng PUP, at patuloy na kumatawan sa interes ng mga estudyante.


Pero may isang problema: hindi pala siya naka-enrol sa pamantasan.


Pagsapit ng Oktubre 25, o mahigit tatlong buwa, at sa gitna ng lumalakas na tanong mula sa mga estudyante tungkol sa kanyang enrollment status, inamin ni Azusano sa isang special meeting ng Alyansa ng Nagkakaisang Konseho ng Polyteknikong Unibersidad ng Pilipinas o ANAK-PUP na hindi siya naka-enrol para sa unang semestre ng Academic Year 2026–2027. Kinabukasan, naiulat na isinailalim siya sa preventive suspension habang iniimbestigahan ang kanyang eligibility.


Ayon sa Article VIII, Section 4 ng Konstitusyon ng ANAK-PUP, kailangang bona fide na estudyante ng PUP at halal na pangulo ng student council ang mga kasapi ng executive committee nito.


Kalaunan ay bumaba rin si Azusano sa puwesto.


Hindi maliit na detalye ang enrollment. Ang Student Regent ay hindi lamang tagapagsalita sa mga rally o lider ng isang student organization. Bilang kinatawan sa Board of Regents, nakaupo siya sa pinakamataas na policymaking body ng unibersidad at nagdadala roon ng interes ng libu-libong estudyante.


Paano nakapanatili sa puwesto nang ilang buwan ang Student Regent na hindi pala naka-enroll? At kung di pa ito nabuking, may plano kaya si Azusano na bumaba sa pwesto?


Sa sariling website ng SAMASA PUP, inilalarawan pa si Azusano bilang presidente ng PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral simula Nobyembre 2025 at kalauna'y ika-20 Student Regent matapos makakuha ng 24 first-choice votes.


Kung hindi lumabas ang kanyang student status bilang pampublikong kontrobersiya, walang nakikitang indikasyon sa kanyang mga kilos bilang Student Regent na kusa siyang naghahanda nang bumaba.


History repeats itself?



Mas lalong nagiging mahirap ipaliwanag ang nangyari dahil hindi ito unang beses na naharap ang PUP sa halos kaparehong problema.


Noong Setyembre 2017, nauwi sa matinding banggaan ng PUP administration at mga militanteng student organization ang pagpapatalsik kay Student Regent Karl Paulie Anareta.


Inakusahan noon ng mga aktibista ang administrasyon ng “tyrannical and Marcosian” policies at political repression. Ipininta nila ang pagtanggal kay Anareta bilang bahagi ng umano'y mas malawak na opensiba laban sa student movement.


Ngunit may ibang paliwanag ang administrasyon.


Ayon noon kay PUP President Emmanuel de Guzman, paso na ang termino ni Anareta at, higit dito, hindi siya nag-enroll sa dalawang magkasunod na semestre. Nang parehong humarap sa Board of Regents sina Anareta at Elijah San Fernando noong Setyembre 25, sinabi ni De Guzman na nagpasya ang Board na hindi maaaring manatili si Anareta dahil hindi na siya kasalukuyang naka-enroll at ang pagpapatuloy niya sa posisyon ay lalabag sa Republic Act No. 8292.


Mariing tinutulan iyon noon ng ANAK-PUP at ng mga kaalyadong student activists ng mga organisasyong ND. Para sa kanila, ang tunay na dahilan ng pagpapatalsik kay Anareta ay ang kanyang pagiging bahagi ng oposisyon sa mga plano ng administrasyon.


Pero sa parehong insidente, hindi na dapat usapin pa ng "enrolled ba o hindi," dahil maliwanag pa sa sikat ng araw na ito ang batayang rekisito. Sa totoo lang, hindi na dapat maghintay pa ng tsismis, anonymous posts at public pressure bago alamin kung enrolled ang pinakamataas na student representative ng unibersidad.


Sa kaso ni Azusano, isang opisyal na proseso lamang ang nagsimulang kumilos matapos maging kontrobersiya ang kanyang enrollment status. Noong Oktubre 25, inamin niya ang pagiging hindi enrolled, at saka lamang siya isinailalim sa preventive suspension habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.


Dahil ang totoong usapin ay ang pampulitikang pwersa sa likod ni Azusano at Anareta na dahilan kung bakit nakakalusot ang ganitong galawan sa student politics sa loob ng unibersidad.


Ang pampulitikang makinarya sa likod ng student regency ng PUP



Mas matalas na tingnan na sina Azusano at Anareta ay bahagi ng isang malawak at organisadong political bloc sa loob ng PUP.


Sa sarili nitong website, inilalarawan ng Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan o SAMASA PUP ang sarili bilang isang matagal nang militanteng student alliance. Inilalahad nito ang sariling kasaysayan ng mga kampanya, mga student leader at mga organisasyong kumikilos sa loob ng unibersidad. Noong 2026, aktibo nitong itinampok ang mga kampanya sa campus, kabilang ang mga pagkilos na pinangunahan ng Student Regent at iba't ibang konseho at organisasyon.


Sa network na ito nakapaloob o kaalyado ang mga organisasyong bahagi ng mas malawak na National Democratic movement tulad ng Anakbayan, League of Filipino Students, Kabataan Partylist at iba pang sectoral formations.


Ganito nagiging mahalagang puwersa ang isang organisadong political bloc sa kampus, Hindi lamang ito nakaasa sa isang kandidato, kundi sa pagbuo ng mga pormasyon, pagpapatakbo ng mga personalidad, paglikha ng alyansa at patuloy na paghawak sa mga posisyon.


Kapag magkakaugnay na organisasyon ang may malakas na presensiya sa iba't ibang konseho, student formations at political campaigns, lumalawak ang kanilang kakayahang magtakda ng mga usapin at impluwensiyahan ang pampolitikang direksiyon ng student government.


Para kina Carlos at Duyan, kapwa dating organisador ng CPP sa youth and student sector na kumilos sa PUP bago kalauna'y sumapi rin sa New People's Army, hindi bago ang estratehikong pagpapahalaga sa student councils, campus publications at iba pang influential student organizations.


Sa kanilang paglalarawan, ang nakikita ng ordinaryong estudyante—student parties, mass organizations, alliances, councils, publications at mga campaign formation—ay legal at pampublikong bahagi lamang ng mas malawak na gawaing pampolitika.


Sa likod nito, ayon sa kanilang magkahiwalay na salaysay base sa kanilang karanasan, kumikilos ang mga organizing committee at full-fledged chapters ng Kabataang Makabayan, gayundin ang mga kasapi ng CPP na nakatalaga sa youth and student sector.


Hindi lahat ng kasapi ng isang legal na organisasyon ay miyembro ng KM o CPP, paglilinaw nila. Kadalasan, maliit lamang na bahagi ng mas malawak na membership ang may ganitong underground affiliation.


Ayon kay Carlos, hindi kailangang maging CPP member ang lahat upang makapairal ng political direction. "Ang mahalaga ay magkaroon ng kadre at mga miyembro sa mahahalagang sentro ng pamumuno."


Dito, aniya, nagiging mahalaga ang student councils at ang campus publications. Gayundin ang mga organisasyong may kakayahang magmobilisa ng malaking bilang ng estudyante.


"Ang layunin ay hindi lamang manalo sa eleksiyon kundi makonsolida ang political leadership," ani Duyan. "Kailangang makapagpaunlad ng mga lider, makapagtakda ng dominanteng pagsusuri sa mga isyu, makapagpalawak ng organizational influence at makahanap ng mga estudyanteng maaaring idebelop pa sa mas mataas na antas ng political commitment. Tulad nang mag-'pultaym.'"


Ang papu-pultaym o "full-time" ay ang magdesisyong kumilos ng buong panahon bilang kadre-organisador ng CPP sa loob ng iba't ibang sektor, gaya ng kabataan.


Sa ganitong sistema, ayon kina Carlos at Duyan, kailangang ang legal campus organizing ay magsilbi sa underground Party work at hindi dapat makita ng ordinaryong miyembro ang buong istruktura.


"Kaya mahalagang magalit sa red-tagging. Kailangan protektahan ang organisasyon," sabi ni Duyan.


Kadre ang mapagpasya, kaya i-depensa


Lalong naging kapansin-pansin sa kontrobersiya ni Azusano ang paraan ng pagtugon ng ilan sa kanyang mga kaalyado.


Sa isang komento, sinabi ni Mhing Gomez na dapat managot si JP kung may nilabag siyang probisyon ng konstitusyon ng ANAK-PUP, ngunit tinutulan niya ang paghahambing dito kina Ferdinand Marcos Jr. at Rodrigo Duterte. Ayon kay Gomez, hindi dapat ituring si Azusano na “kaaway na uri,” at hindi niya umano ginawa ang mga kasong iniuugnay niya sa dalawang pambansang politiko.


May pagkakaiba naman talaga ang iba't ibang uri ng paglabag at dapat nakabatay sa ebidensiya ang bawat paghahambing.


Ngunit hindi nito sinasagot ang mismong usapin ng enrollment. Hindi kailangang maging katumbas ni Marcos o Duterte ang isang lider upang managot sa paglabag sa mga tuntunin ng organisasyong kinabibilangan niya o sa rekisito ng posisyong hinahawakan niya.


Kapag inililihis ang usapin tungo sa kung gaano kabuti ang isang lider kumpara sa mas kontrobersiyal na personalidad, nanganganib matabunan ang mga mas mahahalang tanong tungkol sa kultura ng politika sa mga unibersidad na gaya ng PUP.


Para kina Carlos at Duyan, pamilyar din ang instinct na ipagtanggol muna ang kolektibo kapag ang isang importanteng lider o cadre ay nasasangkot sa kontrobersiya. Sa kanilang karanasan sa underground at legal organizing, mahalaga ang pagpapanatili sa organisasyon at pag-iwas na ang pagkakamali ng isang lider ay maging armas laban sa buong political machinery.


Bilang alyadong organisasyon ng ANAK-PUP at bahagi ng parehong national-democratic political network, hindi rin kataka-taka ang pampolitikang solidarity ng Anakbayan at mga kaalyado nito.


Kaya nagiging matingkad ang kritisismo sa double standards. Madalas igiit ng mga grupong ito ang transparency, accountability at pananagutan ng mga nasa kapangyarihan. Lehitimo at mahalagang mga panawagan iyon. Ngunit kailangang pantay ang sukatan kapag ang isang lider mula sa sarili nilang hanay ang kinukuwestiyon.


From PUP Activist to NPA Fighter


May isa pang dimensiyon ang presensiya ng national democratic organizations sa mga kampus: ang dokumentadong pagpihit ng ilang aktibista mula legal na student organizing tungo sa underground at armadong kilusan.


Noong Agosto 4, 2026, tatlong miyembro ng isang NPA formation ang napatay sa engkuwentro sa Licuan-Baay, Abra. Kabilang sa kanila si Eugene Hilaus, na kilala rin sa mga pangalang Aki, Ken o Dina.


Dati siyang organizer ng Anakbayan Ilocos at Katribu Youth sa National Capital Region. Kinilala rin ng NPA Chadli Molintas Command ang mga napatay bilang bahagi ng kanilang yunit, ayon sa hiwalay na ulat hinggil sa insidente.


Sa sariling materyales ng SAMASA PUP, itinampok siya bilang dating PUP student at bahagi ng political organizing sa komunidad ng unibersidad.


"Ang ganitong trajectory," ani ni Carlos, "ay 'ideal' sa lahat ng mga na-organisang kabataan sa ilalim ng national democratic organizations." Tulad ni Hilaus, pinagdaanan nya rin ang landas mula youth and student organizing sa PUP, tungo sa underground revolutionary movement at kalauna'y sa NPA.


Dagdag pa nya, ang mga ganitong kaso ang nagbibigay ng lehitimong dahilan upang siyasatin ang mekanismo ng political development ng mga kabataang aktibistang ND.


"Saan nagsisimula ang legal organizing? Kailan pumapasok ang KM? Kailan ipinapakilala ang CPP? Paano nahihikayat ang isang estudyante mula sa campus activism tungo sa underground work at, sa ilang kaso, armadong pakikibaka?" Ganitong mga tanong, ayon kay Carlos ang dapat tinatanong natin.


"Hindi tama na sabihing walang ganoong recruitment pathway patungog underground movement dahil lamang 'legal' ang unang organisasyong sinalihan. Ang kailangang siyasatin ay ang tulay sa pagitan ng dalawa," aniya.


Not Just PUP


At hindi rin ito simpleng PUP phenomenon.


Sa salaysay ni Duyan, ang malalaking unibersidad ay mahalagang organizing terrain para sa CPP dahil naroon ang malaking bilang ng kabataang may kakayahang magsulat, magsalita, mag-organisa, mamuno at magbigay ng ideolohikal na paliwanag sa mga isyung panlipunan.


"Sa tradisyunal na pagsusuring Marxista, marami sa mga estudyante ang kabilang sa tinatawag na intellectual petty bourgeoisie," paliwanag nya. "Ito ang sektor na matagal nang itinuturing na potensiyal na mapagkukunan ng activists, organizers at cadres."


Kaya mahalagang linawin na ang pagkakaroon ng mga estudyanteng kalauna'y sumapi sa CPP o NPA mula sa mga paaralang tulad ng PUP at University of the Philippines ay hindi awtomatikong kasalanan ng administrasyon o kabiguan ng mismong unibersidad.


Sa paglalarawan nina Duyan at Carlos na mga dating organizer, "ang mga unibersidad ang sadyang tina-target na lugar ng political organizing."


What is to be done


Sa huli, higit pa sa isyu ng isang Student Regent na hindi naka-enroll ang dapat pinagtutuunan ng pansin.


Ang kaso ni Azusano ay pagkakataong siyasatin kung paano nabubuo at napapanatili ng mga organisadong national democratic political bloc ang impluwensiya sa student councils, at ano ang accountability ng sarili nilang mga lider.


Higit pa, niluluwal din nito ang mga mas mahirap na mga tanong:


Kung may KM organizing committees o Party members na lihim na kumikilos sa legal organization sa loob ng mga unibersidad, paano ito tutugunan nang hindi nilalabag ang karapatan ng mga estudyante?


Paano poprotektahan ng unibersidad ang academic freedom habang pinoprotektahan din ang mga estudyante laban sa clandestine recruitment tungo sa armadong karahasan?


At paano sisiguruhing ang student councils at publications ay mananatiling demokratikong institusyon ng mga estudyante, hindi instrumento ng anumang lihim na partidong hindi man lamang alam ng karamihan sa mga constituent nito?


At higit sa lahat, sino ba talaga ang nagtatakda ng direksiyon ng 'makapangyarihang' national democratic bloc sa PUP—and how much of that political machinery can ordinary students actually see?

Mga Komento


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page