top of page

Ang Huling Larangan ng CPP-NPA-NDF: Pagsulong ng Rebolusyon sa Prente ng Social Media

  • Word on the Street
  • Aug 26
  • 3 min read

Word on the Street is Kontra-Kwento’s letter to the editor. Send yours to kontrakwento@gmail.com.

ree

Umiikot sa social media ngayon ang isang graphic advertisement ng isang front ng CPP-NPA-NDF na nagrerecruit ng publicity intern o member. Sa biglang tingin, wala naman itong problema, wala itong dalang banta. Pero dapat maging alerto at kritikal sa mga ganitong pakana ng dulong kaliwa, nang hindi mahulog sa patibong at totoong balak nila.    


May panahong lubos na ipinagmamalaki ng Communist Party of the Philippines (CPP), ang armadong hukbo nitong New Peoples Army (NPA), at ang prente nitong National Democratic Front (NDF), ang kanilang sarili bilang pinakamalakas na rebolusyonaryong pwersa sa buong Asya. Ilang dekada nilang binabandila sa buong mundo ang kanilang pagiging “vanguard” at modelo sa paglulunsad ng isang Klasikong Maoistang “People's War.” Ngunit, ang panahon, katotohanan at mismong taumbayan ang nagbigwas sa kanilang umano'y “rebolusyon.” Ang malawak na latag ng kanilang mga gerilya fronts na nagkalat sa buong bansa ay ngayo'y dismantled na ng sunod-sunod. Kumipot ang mundo ng CPP-NPA-NDF, naging manipis na ang pwersa, paubos na ang tumatandang liderato, at ang kanilang mga kadre ay isa-isa nang nagsisuko.     


Kapag ang isang rebolusyon ay natatalo na sa larangan ng digmaan, natatanggalan na ito ng ngipin at nawawala na ang silbi nito. Ngunit patuloy na pinabubulaanan ng CPP-NPA-NDF ang katotohanang natatalo na ito. Kaya sa desperadong tangka nitong maging relevant pa, kailangan nilang maghanap at kumapit sa lahat ng maaring gamitin upang kahit sa propaganda man lang ay mabigyan sila ng buhay at katuturan. At walang ibang pinakaligtas na larangan para sa kanila kundi sa comfort zone ni Marco Valbuena—ang internet at social media.


Sa digital arena, hindi na nila kailangang magtago sa gubat at kabundukan, iwasan ang mga operasyong militar, at magrekluta ng patago. Kung may smartphone at wifi connection lang, maari na nilang i-amplify ang kanilang boses at mag-ingay na hindi gamit ang baril. Maari nang palitan ang mga tactical offensives, ng mga memes, hashtags, atbp. Ang kanilang people's war ngayon ay binaba na bilang cyber-propaganda war na lang, sa likod ng mga monitor at keyboards.


Pero malinaw na hindi ito manipestasyon ng kalakasan—ito'y mga hakbang pang-salbabida. Pinapakita ng ganitong hakbang na naghihingalo at nasa survival mode na ang CPP-NPA-NDF. Dahil hindi na nila kayang i-sustina ang “people's war,” o kahit mabawi man lang ang mga inabandonang mga base, magkakasya na lang sila ng pagbawi sa naratibo. Kung noon baseng gerilya ang kanilang mga itinatayo, ngayon online echo chambers na lang. At kung noon ang ipinagmamalaki nilang mga armadong tagumpay, ngayon pinapalobo na lang nila ang panakanaka, maliitan at patumpik-tumpik na mga sniping at harassment operations, at tira-takbo na defensive actions, bilang pruweba na andyan pa sila at patunay ng kanilang halaga. 

        

Ang masaklap rito ay patuloy silang maglalako ng kasinungalingan. Ang mga lipas na retorika ng pang-aapi, pagsasamantala, at ang rebolusyon, ay niri-recycle sa mga hashtags at infographics na-tinatarget ang mga kabataang walang kamuwang-muwang sa malagim na kasaysayan, madugong bakas ng pamamaslang, at pangungotong ng CPP-NPA-NDF. Itatago nila ang kanilang kapalpakan sa pamamagitan ng ingay, umaasa na kung mag-iingay sila ng todo sa social media, makukumbinsi nila ang taumbayan na sila at ang kanilang layunin ay buhay pa.  


Pero hindi bulag ang mamamayan. Ang mga komunidad na dati'y balot sa takot at kanilang kinukotongan ay umaalsa na laban sa kanila. Mismong dating mga kasama, mga kadre't aktibista ng Partido, ay nagising na sa katotohanan at ngayo'y nangunguna sa paglalantad sa balatkayo ng Partido at mga pinuno nito. Lantad na sa taumbayan ang katotohanan: ang kuno'y demokratikong rebolusyon ng bayan ay nawalan na ng baseng titindigan, at ngayo'y kakapit na lang sa digital space bilang huling larangan nito.       


Maaring punuin ng CPP-NPA-NDF ang mga timelines, makapag-trending ng hashtags, at maglubid ng buhangin sa mga naratibo nito. Pero walang kahit anong online propaganda ang kayang magpabuhay sa isang rebolusyon na matagal ng patay.



Lope Nagusara


 
 
 

Comments


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page