Dating rebelde sa tatlong NPA na nasawi sa Abra: “May iba pang paraan upang magsilbi”
- Xandro Marko Leandro Montero
- 17 oras ang nakalipas
- 4 (na) min nang nabasa
ABRA — “Paalam, mga kasama.”

Ito ang mabigat na mensahe ni Ri Chard, isang dating rebelde, matapos masawi ang tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) sa engkuwentro sa Barangay Bonglo, Licuan-Baay, Abra noong Agosto 4, 2026.
“Dati tayong magkasama sa laban, may iisang pangarap. Ngayon, magkaiba na ang landas natin. Ako’y nagbago, kayo’y naiwan diyan sa armadong pakikibaka,” saad niya sa isang public post sa social media.
“Paalam, mga dating kasama. Sana’y matagpuan din ninyo ang kapayapaang hinahanap natin noon,” dagdag niya.
Ang tatlo ay nasawi matapos makasagupa ng pinagsanib na tropa ng 50th Infantry Battalion at 98th Infantry Battalion ang humigit-kumulang 10 armadong miyembro ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC) bandang 11:10 ng umaga. Narekober sa lugar ang dalawang M16 rifle at isang M14 rifle.
Kinilala ng 5th Infantry Division ang mga nasawi bilang Eric Dayadante, kilala rin bilang Enrique Dayandante o alias Chico at Abdul, dating kalihim ng Kilusang Larangang Gerilya North Abra; Eugene Hilaus, alias Aki, Ken o Dina, dating organizer ng Anakbayan Ilocos at Katribu Youth; at Jony Davide Escobilla, alias Duma, dating deputy secretary ng Baggas Guerrilla Front. Iniulat din ng Philippine Army ang kanilang pagkakakilanlan ilang araw matapos ang engkuwentro.
Partikular na kinilala ni Ri Chard si Dayandante, o “Abdul,” bilang dati niyang kasama. Inilarawan niya ito bilang produktong pampolitika ng Oust Erap movement na kalauna’y sumampa sa NPA at naging lider ng armadong kilusan sa North Abra.
Ngunit higit sa pag-alala sa kanyang dating kasama, ginamit ni Ri Chard ang pagkakataon upang manawagan sa mga miyembro ng NPA na nananatili sa kabundukan.
“Para sa mga natitira pang mga kasama sa kilusan, nawa’y mapagtanto ninyo na may iba pang kaparaanan upang magsilbi sa mamamayan,” aniya.
Hindi lamang bilang sa ulat
Para sa mga dating rebelde o former rebels, hindi lamang panibagong bilang sa isang military report ang pagkamatay ng tatlong NPA. Bawat nasasawi ay maaaring dating kaibigan, kasamang nakasalo sa pagkain, nakasabay sa mahabang paglalakad, o minsang nakibahagi sa iisang pangarap.
Alam din ng mga FR na hindi madaling umalis sa armadong kilusan. Kasama rito ang takot sa maaaring mangyari, pag-aalinlangan sa gobyerno, paglayo sa mga kasamahan, at pangambang ituring na taksil. Ngunit alam din nila, mula sa sarili nilang karanasan, na posible ang pag-uwi at muling pagsisimula.
Ito ang mahalagang kaibahan ng pananaw ni Ri Chard. Hindi niya itinanggi na minsan silang nagkaroon ng iisang paniniwala. Hindi rin niya ipinagdiwang ang pagkamatay ng kanyang mga dating kasama. Sa halip, ipinakita niya na maaaring magbago ng landas nang hindi isinusuko ang hangaring makapaglingkod sa mamamayan.
Sunod-sunod na sagupaan
Ang engkuwentro noong Agosto 4 ang ikaapat na naitalang sagupaan sa Abra mula noong Hulyo. Nangyari ang mga ito ilang buwan matapos ideklarang insurgency-free ang lalawigan kasunod ng pagkakabuwag sa mga pangunahing yunit ng KLG North Abra.
Ayon kay Maj. Gen. Gulliver L. Señires, commander ng 5th Infantry Division, ipinakikita ng magkakasunod na engkuwentro na nahihirapan nang umiwas ang mga natitirang armadong miyembro ng ICRC sa patuloy na operasyon ng pamahalaan.
“The successive encounters in Abra show that the remaining ICRC armed remnants can no longer evade sustained government security operations,” ani Señires.
Gayunman, sinabi niyang nananatiling bukas ang pamahalaan sa mapayapang pag-uusap at pagbabalik ng mga natitirang miyembro ng NPA sa kanilang pamilya at komunidad. Nanawagan din siya para sa localized peace dialogue upang makatulong sa paghahanap ng pangmatagalang kapayapaan sa Abra.
Bilang pag-iingat, naglabas si Licuan-Baay Mayor Darwin Domingo ng Executive Order No. 45 na pansamantalang nagsuspinde sa face-to-face classes sa Barangay Bonglo at nagsara sa mga tourism site sa Bonglo at Lenneng. Nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa Department of Education, barangay officials, MDRRMO, PNP, at Philippine Army upang masubaybayan ang sitwasyon at maprotektahan ang mga residente.
Dalawang magkaibang pagtingin sa pagkawala
Sa magkakahiwalay na social media post, nagpugay ang Anakbayan kina Dayandante, Hilaus, Escobilla, at Moises “Ka Andrei” Balabag bilang mga martir ng armadong pakikibaka.

Gayunman, hindi kabilang si Balabag sa tatlong nasawi noong Agosto 4. Ayon mismo sa pahayag ng Ilocos-Cordillera Regional Committee at Chadli Molintas Command, nasawi si Balabag sa naunang engkuwentro noong Hulyo 19, habang sina Dayandante, Hilaus, at Escobilla ang nasawi sa serye ng sagupaan sa Bonglo mula Agosto 2 hanggang 4.
Ginamit ng mga naturang grupo ang kanilang pagkamatay bilang panawagan sa mga kabataan at mamamayan na ipagpatuloy ang armadong pakikibaka. Sa ganitong narrative, ang pagkasawi ng isang kasapi ay inilalarawan bilang pinakamataas na anyo ng rebolusyonaryong sakripisyo.
Ngunit para sa mga dating rebelde tulad ni Ri Chard, may isa pang mahalagang katotohanan: ang pagkamatay sa kabundukan ay hindi lamang simbolo o materyal para sa propaganda. Isa itong buhay na hindi na makababalik sa pamilya at isang pagkakataong magbagong-buhay na tuluyang nawala.
Kaayon nito ang matagal nang paninindigan ng Buklod Kapayapaan, ang pambansang pederasyon ng mga dating rebelde, na hindi pagtataksil sa bayan ang pagtalikod sa armadong pakikibaka. Maaaring ipagpatuloy ang paglilingkod sa mamamayan sa pamamagitan ng mapayapa, legal, at makabuluhang pakikilahok sa lipunan.
Naibigay na sa kani-kanilang pamilya sa Bangued, Abra, ang mga labi nina Dayandante at Hilaus matapos ang kinakailangang proseso at koordinasyon sa PNP, Commission on Human Rights, at iba pang ahensya. Inihahanda naman ang paghahatid sa Mindanao ng labi ni Escobilla.

Habang nagpapatuloy ang mga operasyong panseguridad, nananatiling bukas ang mas mahalagang tanong para sa mga nasa loob pa ng kilusan: maghihintay ba silang maging susunod na pangalan sa listahan ng mga “martir,” o pipiliing umuwi habang may pagkakataon pa?
Gaya ng sinabi ni Ri Chard sa kanyang mga dating kasama: “May iba pang kaparaanan upang magsilbi sa mamamayan.”





Mga Komento