top of page

‘Eh kadre kasi sya mula sa nakatataas na organo’

  • Damian Santillana
  • Aug 30, 2025
  • 2 min read

DAVAO DEL NORTE—“Eh kadre kasi sya mula sa nakatataas na organo, syempre aasikasuhin talaga sya ng Partido para makalaya sya. Eh tayo'y mga hamak na kawal lang naman.”


Ito ang sabi ni Ademar Etol, kilala bilang “Papsie,” dating kasapi ng NPA na nagbalik-loob sa pamahalaan, nang mabalitaan ang paglaya ni Benny Flores Mendoza noong Agosto 27. Mas kilala nya si Mendoza bilang si Larry/Jack//Porong at kanyang political instructor (PI) sa "Jaguar" platun.


Ayon kay Papsie, taong 2023 nang makasalubong niya sa hanay ng nabuwag na Front Guerrilla 57 (“Jaguar” Platoon) sina Larry at Charisse “Nikki” Bañez, kasama ang iba pang myembro ng grupong tinatawag ngayon na "Agusan 6."


Sabi pa ni Papsie, “Malamang sa malamang, dahil tinulungan sya ng Karapatan, me utang na loob pa rin sya ngayon sa Partido at siguradong babalik uli sya sa kilusan, kun di man mismo sa armadong pakikibaka, lalupa’t me mataas syang katungkulan.”


Litrato mula sa Karapatan Southern Mindanao Region
Litrato mula sa Karapatan Southern Mindanao Region

Ayon sa mga dating rebelde atmasa sa Davao de Oro at Agusan del Sur kung saan kumilos si Mendoza, isa siya sa mga nangungunang kadre ng CPP-NPA sa Southern Mindanao (SMRC). Mula sa pagiging kadre ng Partido sa sektor ng simbahan, sumampa siya sa NPA matapos ang malaking pagdiriwang ng anibersaryo ng CPP sa Paquibato noong 2016.


Kasama siya sa dokumentaryong “Revolution Selfie: The Red Battalion” kung saan hayagan niyang sinabi ang desisyon niyang sumapi sa NPA. Umangat siya hanggang maging Party secretary ng “North Front” bago ito nabuwag noong maagang bahagi ng 2022.


Kasama nina Charisse “Chaba” Bañez at Ruel "Aman" Caballes, tumulong siyang tipunin ang mga natirang pwersa ng NPA ng SMRC tungo sa ngayo’y nabuwag na “Jaguar” platoon.


Maaalalang noong Disyembre 28, 2024 ay inaresto si Mendoza sa Talomo, Davao City kasama ang isa pang myembro ng NPA, sa bisa ng warrant para sa Qualified Trafficking (RA 10364) na inisyu ng RTC Branch 11, Compostela, Davao de Oro.


Agad namang ikinatuwa ng grupong Karapatan Southern Mindanao ang pagka-abswelto ni Mendoza sa kanyang mga kaso. Sa isang pahayag, nananawagan silang palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal, buwagin ang NTF-ELCAC at panagutin ang rehimeng Marcos Jr. sa mga paglabag sa karapatang pantao, "lalo na sa mga aktibista at human rights defenders tulad ni Benny Mendoza."


Hindi na ikinagulat ni Papsie ang ganitong linya ng Karapatan, na ayon sa kanya ay "SOP" (standard operating procedure) na sa iilang inarestong kadre ng Partido. Dagdag niya na sadyang hindi pantay ang trato ng Partido sa mga membro at kadre nito.


“Eh kadre kasi sya… aasikasuhin talaga sya ng Partido… samantalang tayo ay hamak na mga kawal,” repleksyon niya sa pribilehiyo ng matataas na kadre kumpara sa karaniwang mandirigma.


Ganumpaman, tanggap din umano ni Papsie na, bagama’t 66 anyos na siya, ay may natitira pa siyang kaso at nasa kustodiya pa rin ng kasundaluhan, hindi tulad ni Mendoza na nakalaya na. “Wala naman akong problema sa pagtrato nila [kasunduluhan] sa akin dito at ibinibigay naman nila ang mga pangangailangan ko. Umaasa naman ako na tutuparin ng pamahalaan ang pangako nilang pagtulong sa aming mga former rebels lalupa’t nag-apply na kami ng amnesty.”

 
 
 

Comments


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page