Graduate na yung mga nagrecruit sa’kin
- Ka Bistek
- 2 araw ang nakalipas
- 4 (na) min nang nabasa
ni Ka Bistek

Graduation na sa UP. Pilit na namumukadkad ang mga Sunflowers sa University Avenue kahit tag-ulan na. Masasaya ang mga bisita, proud sa achievement ng kanilang mga mahal sa buhay na mamartsa sa entablado para kunin ang kanilang UP diploma.
Kay tagal ko rin pinangarap na magmartsa sa graduation. Sa UP Diliman, dalawang beses kang a-attend ng commencement activities, isa para sa university, at isa para sa kulehiyo.
Sa bawat seremonya, may nagra-rally. Ilang beses na akong nakasama sa mga rally na iyan. Bawat bulto ng pulyeto na ina-assign sa akin ay pilit kong inuubos sa pamumudmod sa mga tao. Iba’t iba ang reaksyon nila, maraming beses rin akong nakatanggap ng mga negatibong ekspresyon at reaksyon, mayroon pa ngang antagonistiko talaga. Pero bawat pagkakataon ay pinili ko noong manalig na balang araw ay mahihikayat at mahahamig rin namin sila.
Ilang beses ko rin nasaksihan na grumadweyt ang mga ka-batch ko. May nauuna, yung on-time. Mga nag-focus sa pag-aaral nila. Yung mga walang problema sa pang-ekonomiya nila. Wala na silang iintindihin kundi mag-aral. Kundiman eh yung may mga scholarship na hindi pwedeng bumagsak o madelay dahil hindi nila kakayaning itaguyod ang pag-aaral ng walang tulong mula sa iba.
Matapos ang isang taon, yung mga nadelay ko naman na ka-batch ang nagsipagtapos. Kasabay ng mga mas bata sa akin.
Matapos ang isa pa. At isa pa. At isa pa hanggang sa wala na akong kakilala sa UP.
Pero syempre, hindi ko na natunghayan ang mga graduation na iyon dahil sumampa na ako sa NPA nung mga panahon na iyon. Nabalitaan ko na lang mula sa mga kasama sa white area* o kaya sa mga nag-TOD* na galing rin sa UP.
Pero ngayong former rebel (FR) na ako at lumisan na sa armadong kilusan, mas lalo kong naunawaan kung gaano pala kalayo ang inilikaw ng buhay ko mula sa mga kasabayan ko, maging sa mga nakasama ko sa kilusan sa lungsod na naiwan sa lungsod.
Narecruit ako dahil sa mga isyu sa edukasyon at kahit na ngayon ay tinalikuran ko na ang pakikibaka at ideolohiya, sinasabi ko parati sa mga nakakatalakayan ko mula sa gobyerno, na valid na isyu ang nakapaghikayat sakin upang ma-radicalize at makumbinsi upang tumangan ng armas.
Sa proseso na lamang ng pakikibakang iyon, matatauhan kung ito ba ay totoong nakakapagdulot ng kaginhawaan at katarungan sa mga masang akala ko’y pinaglilingkuran namin.
Matapos ang ilang taong pagkilos, at paglaan ng pagiging kabataan ko, hindi ko mapagkakaila na tila nasayang naman ang panahon at lakas na naigugol ko, at ng iba pang nakasama ko.
Ngayon, nakabalik na ako sa lungsod at nakakabalita na sa mga nakilala ko at nakasama ko sa lungsod, at pakikibakang parlyamentaryo, hindi ko maiwasan mapansin ang agwat namin.
Yung mga naging instruktor ko sa BKP* ay mga instruktor na ngayon sa iba’t ibang kulehiyo sa UP. May mga parangal, may mga posisyon, may mga katungkulan. Yung mga nakasama ko sa mga Cultural Night upang pataasin ang kapasyahang tumungo sa kanayunan ay nagpopost ng stories na nasa gym na may mamahaling yearly membership, at nakakapagbakasyon sa ibang bansa. Yung mga nakasama ko na nagkaroon ng mga kaso sa internal, mga paglabag sa disiplina, ay napaparangalan sa ibang bansa dahil di umano’y pagiging masigasig sa adbokasiya. At yung iba ay grumadweyt ulit sa UP, bilang mga PhD o Master’s Degree holders.
Habang ako, at ilang FR na nakaranas ng pinakamasalimuot sa gitna ng pakikipaglaban, ay buo-buo nilang pinapatanyag bilang mga “traydor”, “basura ng kasaysayan”, “latak ng kilusan” at iba pa.
May stigma sa mga sumukong rebelde. Una sa mga karaniwang tao na hindi mawawalang-basta ang pag-aalangan dahil anila’y baka dati kaming mamamatay-tao. Mas masahol pa, may pinapakalat na stigma ang mga aktibista ng pambansa-demokratikong kilusan laban sa dati nilang mga kasama na kami raw ay mga espiya at traydor na nararapat lamang parusahan… (ng kamatayan? Sinong magpapatupad?)
Habang ang mga kasabayan at mga mas senior pa sa akin sa kilusan ay nasa magandang katayuan dito sa lungsod, nakikipaglaban pa rin ang mga dati nilang mga kasamahang former rebel na ngayon. Dati sa pakikipagbarilan sa mga sundalo’t pulis, ngayon naman ay para makabalik sa normal na pamumuhay, sa pang-araw-araw na kabuhayan, at para sa mga komunidad na napag-iwanan dahil sa armadong sigalot.
Madali lang para sa mga aktibista ng kilusan na paratangan ang mga FR na mga “bayaran at nakakatanggap ng limpak-limpak na salapi sa gobyerno.” Pero ang totoo, bawat araw ay labanan ng survival para sa mga sinakripisyo namin sa aming buhay. Ang mga panahon na dapat sana’y nakapagpundar at nakapagpausad ng kanya-kanyang karera ay inilaan namin sa kilusang tinatawag kaming mga basura. Habang ang ilan sa mga kasamahan namin ay nasa komportable at maayos na katayuan sa buhay.
Sa mga aktibistang nasa lightning rally noong graduation, wag na sana ninyong maranasan ang naranasan ko… Okay naman na gumradweyt kayo, pero sana di na kayo mang-rekrut pa ng iba sa pambansa-demokratikong kilusan kung di nyo rin naman mismo pangangatawanan ang propaganda nyo na ang pagsampa sa armado ang primaryong porma ng pakikibaka.
Mga Talaan:
* white area - urban erya kung saan naglulunsad ng pag-oorganisa at rekrutment ang CPP-NPA-NDFP
* TOD - tour of duty, isa hanggang anim na buwan na pagsampa ng mga kabataan mula sa syudad at ibang bansa sa NPA upang direktang maranasan ang buhay ng armadong pakikibaka
* BKP - Batayang Kurso ng Partido - panimulang antas ng Marxista-Leninista-Maoistang edukasyon sa ideolohiya, politika at organisasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (CPP)





Mga Komento