‘Hindi ako bumaba dahil takot’
- Jay Dimaguiba
- Aug 4
- 4 min read
Updated: Aug 9
Sa gitna ng laganap na misinformation at labanan ng propaganda sa social media, lalong nagiging mahirap ang pagkilala sa katotohanan. Mariing pinipinta ng Communist Party of the Philippines (CPP) at ng mga alyadong organisasyon nito na ang pagbabalik-loob ay desisyon ng mga natatakot na sa rebolusyon. At pagpapailalim sa programa tulad ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ay sagad-saring anti-rebolusyon at anti-mamamayan. Kaya’t natatabunan o nababalewala ang mga kwento ng tagumpay ng mga dating rebelde sa kanilang pagbabalik-loob at muling pagsisimula.

Ngunit para kay Ka Star, dating kasapi ng New People’s Army (NPA), ang mga tagumpay na ito ay hindi dapat dapat patampukin dahil bunga ito ng sariling pagpupunyagi ng mga dating kasapi ng kilusan na piniling bumangon mula sa kanilang mapait na karanasan.
Sa diwa ng tagumpay, tuklasin natin kanyang karanasan sa pagbabalik-loob, kapiling ang kanyang pamilya, at pagsisimula ng bagong buhay sa tulong ng E-CLIP, at higit sa lahat, ng sarili niyang pagpupunyagi.
Bakit Ako Sumampa?
Nagsimula ang lahat, ayon kay Ka Star, sa isang simpleng hangarin—katarungan, lupa, at buhay. Para sa kanya at sa kanyang pamilya.
Pero naniniwala si Ka Star noon na hindi raw iyon kayang makamit sa sistemang umiiral, kaya siya naengganyo sa pangakong digmang bayan ng kilusan.
“May problema kami sa lupa. Naengganyo ako sa pangako nila na para sa masa. At ‘yung feeling na may mali talaga sa sistema, lalo na kapag abusado ang ilang pulis—doon ako nadala.”
Maraming nakikibahagi sa sentimento ni Ka Star — ang pagkaramdam ng pagkadismaya sa umiiral na sistema, at ang paglapit sa kilusang may pangako ng pagbabago.
Hindi Lahat ng Lumalaban ay Makatarungan
Kalaunan, napagtanto ni Ka Star na ang mga pangako ng kilusan ay pawang bingwit lamang upang makapagparami ng hukbo. Hindi lamang gutom sa kabundukan ang kanyang naranasan, kundi napakarami pang paghihirap dahil sa pamamalakad ng kilusan.
“Habang ang masa ay nagugutom, ang pagkain na dapat para sa kanila ay kinukuha pa ng mga kasama,” pagbabalik-tanaw niya. “Paano mo masasabing para sa masa ang isang kilusang kumukuha ng pagkain sa kanila?”
Dito niya nakita ang malaking pagkakaiba sa pagitan ng ipinapahayag na layunin at aktwal na ginagawa ng grupo. Aniya, mas malaki pa ang pondo ng NPA kaysa sa isang karaniwang pamilya sa baryo, ngunit wala namang tulong na naipararating sa kanilang mga pamilya.
“Wala kaming natanggap. Marami silang panggastos sa mga gadgets ng mga opisyal, pero wala sa bituka ng mga kasama… Tapos kung magrerekwes ka na kung pwede makinuod sa cellphone nila, pupunahin ka kasi raw para raw sa security?”
Hindi lang si Ka Star ang nakadama ng ganitong “double-standard.” Sa mga isinagawang aktibidad ng deradikalisasyon na bahagi ng programa ng E-CLIP, naitala na ang hindi patas na pamamalakad sa politika at ekonomiya ang isa sa mga dahilan kung bakit nawalan ng “moral” o kasikhayang kumilos ang mga mandirigma, kadre at myembro ng CPP-NPA.

Bagong Simula
Turning point ng buhay ni Ka Star ang pag-alis niya sa kilusan. Para sa kanya, malaking tulong ang nabigay na pag-alalay ng E-CLIP sa kanyang muling pagsisimula.
Ang E-CLIP ay programa ng pamahalaan na nagbibigay ng kabuhayan, pabahay, edukasyon para sa mga anak, at psychosocial support sa mga dating rebelde. Isa itong konkretong hakbang para isulong ang tunay na reporma at reintegration ng mga dating kasapi ng armadong kilusan.
“Wala akong masabi kundi pasasalamat. Doon ko nakita ang tamang landas. Kasama ko na ulit ang pamilya ko. Nakapag-aaral na ang mga anak ko. Nabuhay muli ang tiwala ko sa sarili,” aniya.
Isang mahalagang bahagi rin ng kanyang reintegration ay ang suporta mula sa mga sundalong dati niyang tinuturing na kaaway.
“Hindi totoo na pinapahirapan ka ng sundalo pag sumuko ka. Baligtad. Sila pa ang unang nagtuwid ng isip ko. Tinulungan nila ako makalaya mula sa propaganda ng kilusan.”
Ngayon, hindi lang siya basta dating rebelde. Isa na siyang tagapagmulat. Ginagawa niya raw ang lahat para mahikayat ang iba niyang dating kasamahan na bumaba na rin.
“Marami sa amin gusto na talagang bumaba. Pero hindi pare-pareho ang tibay ng loob. Kailangan lang ng kaunting tulak. At kung makakatulong ako, gagawin ko,” aniya.
Hindi rin nawala ang malasakit niya sa masa. Ngunit sa pagkakataong ito, ang kanyang adbokasiya ay hindi na isinasabuhay sa pamamagitan ng dahas, kundi sa mapayapang reporma at pagkakaisa.
Pilipinas: Mayaman, Pero Bakit Mahirap?
Hindi man bago sa lahat ng naging mga kasapi ng kilusan, isang tanong ang hindi nawawaglit kay Ka Star: “Ang Pilipinas ay mayaman. Likas na yaman. Kalikasan. Lupa. Pero bakit naghihirap ang masa?”
Ayon sa kanya, hindi dahil kulang tayo sa yaman, kundi dahil kulang tayo sa pagkakaisa at tamang direksyon. Para sa kanya, ang solusyon ay hindi rebolusyon kundi inklusibong pag-unlad: kabuhayan, edukasyon, at lupa—mga layuning sinisikapang tugunan ngayon ng mga ahensiya ng pamahalaan sa gabay ng National Action Plan for Unity, Peace, and Development.
“Hindi natin kailangang makipagdigma para umunlad,” dagdag niya. “Kailangan lang natin paunlarin kung anong meron tayo. Bigyan ng kabuhayan ang masa, pabahay sa walang tahanan, trabaho na swak sa hilig at kakayahan ng tao.”
‘Hindi ako bumaba dahil takot.
Para kay Ka Star, ang pagbabalik-loob ay hindi tanda ng kahinaan kundi ng kamalayang nagising.
“Inaamin ko, naloko ako ng NPA sa propaganda nila. Pero hindi ko hahayaang may maloko pa ulit. Sana mabigyan ng tamang edukasyon ang kabataan, yung totoo, hindi baluktot. Hindi ako bumaba dahil takot. Nagbago ako dahil nagising ako...”
At para sa mga kabataang nahihikayat ngayon na tumangan ng armas, may paalala siya: “Tanungin n’yo muna ang sarili niyo. Para kanino ba ‘to? Para sa masa? O para sa mga lider na may sariling interes?”
Kung susumahin ni Ka Star ang kanyang karanasan sa loob ng kilusan, masasabi nyang totoong nabigo sya. “Hindi ito ang hustisyang pinangako nila. Ang masa ang tunay na naaapi, anila, pero sa mga mahihirap na masa at katutubo, nagawa pa naming kumuha sa kanila… At kaming mga mandirigma nila, pinapabayaan rin nila. [Ang kilusan] ang tunay na mapagsamantala.” Umaasa siyang mas marami pa ang makikinig.





Comments