Hindi Taksil ang Pumipiling Mabuhay at Malayang Magmahal sa Bayan
- KM dela Cruz
- 20 hours ago
- 2 min read

Bilang dating kasapi ng kilusan, masakit basahin ang mga pahayag na agad nagtatakda ng hatol sa mga sumurender bilang “taksil,” “traydor,” o “persona non grata.” Mas masakit dahil alam namin kung paano inialay ng mga taong ito ang kanilang kabataan, lakas, at maging buhay para sa ipinangakong paglilingkod sa masa at paglilingkod sa bayan.
Hindi ba dapat bago maglabas ng matinding paghatol ay nagkaroon muna ng malalim na pagsusuri? Ano ang nagtulak sa kanila upang bumaba? Ano ang kanilang pinagdaanan? May imbestigasyon bang ginawa ang kilusan? O mas madali bang tawagin silang taksil kaysa harapin ang mas mahirap na tanong: bakit dumarami ang mga umaalis?
Boluntaryo kaming umakyat. Walang pumilit sa amin noon. Nanindigan kami dahil naniwala kami sa adbokasiya. Ngunit kung boluntaryo ang pag-akyat, hindi ba’t boluntaryo rin ang pagdedesisyon na bumaba?
Ang pagpiling bumalik sa pamilya, magtrabaho nang marangal, at magsilbi sa masa sa ibang paraan ay hindi krimen. Hindi ito pagtataksil. Isa itong pagpili na mabuhay. Mabuhay ng matino at marangal.
Marami sa mga dating kasama ang nadakip, nasugatan, muntik nang mamatay sa mga engkwentro. May mga panahong wala nang malinaw na direksyon at wala nang natatangap na instruksyon, wala namang organisasyong sumasagip, at ang tanging kapit ay survival, dahil may mga anak, magulang, at asawa na umaasa sa kanila.
Sa gitna ng napakaraming suliraning kinakaharap ng bayan, mataas na presyo ng bilihin, kawalan ng trabaho, kalamidad, katiwalian, ang uunahin pa ba ay propaganda laban sa mga dating kasama?
Sa halip na itakwil, bakit hindi tanungin: bakit wala na kayong masa? Bakit may mga komunidad na dati’y sumusuporta ngunit ngayon ay nag-aatubili na? Naitanong kaya ng pamunuan sa sarili kung may mga pagkukulang? Kung may mga paglihis sa mga prinsipyong matagal nilang ipinangangalandakan? Kung may mga desisyong naglayo sa kanila sa mismong masang sinasabing kanilang pinaglilingkuran?
Ang rebolusyon, kung ito man ay para sa masa, ay hindi dapat natatakot sa introspeksyon. Hindi dapat awtomatikong ipinapako sa krus at tinatawag na demonyo ang sinumang may ibang piniling landas. Sapagkat kung ang sukatan ng pagiging makabayan ay ang pananatili lamang sa iisang anyo ng pakikibaka, nawawala ang diwa ng malayang pagpapasya, ang karapatang ipinaglalaban diumano ng kilusan.
Bilang mga former rebel, hindi namin itinatanggi ang mga pagkakamali ng aming nakaraan. Ngunit alam din namin na ang tunay na paglilingkod sa masa ay hindi lamang nasusukat sa paghawak ng armas. Maaari itong isabuhay sa pag-aalaga ng pamilya, sa pagtatrabaho nang marangal, sa pakikilahok sa ligal at demokratikong proseso.
Kung may dapat pagnilayan, hindi kung sino ang taksil kundi kung bakit may mga pusong dating buo ang paninindigan, ngayon ay pinipiling lumayo. Hindi kaya may mas malalim na sugat na dapat gamutin? Hindi kaya nagbago na rin ang kilusan sa kanyang hangarin?
Sa huli, ang masa ang huhusga. At ang kasaysayan ay hindi lamang isinusulat ng mga nananatili, kundi pati ng mga nagpasiyang magbago ng landas upang mabuhay at magmahal nang malaya sa bayan.





Comments