INFOGRAPHICS | Ang Red Terror ng NPA
- A. Evangelista
- 4 hours ago
- 2 min read

Nasa 44 na ang bilang ng mga sibilyang napatay sa “spy-tagging” ng New People’s Army (NPA) mula Enero 2025 hanggang Pebrero 2026, kung saan pinakamarami ang naitala sa Negros Island, ayon sa pinagsamang ulat ng mga community monitoring group ng Buklod Kapayapaan Federation Inc. at security sector.
Batay sa datos, 40 sa kabuuang bilang ng mga biktima ay mula sa Negros, habang tig-iisa naman sa Leyte at Southern Leyte, at dalawa sa Sultan Kudarat.

Ang “spy-tagging” ay ang pagbansag ng NPA sa mga sibilyan, lider-komunidad, dating rebelde, at iba pang indibidwal bilang umano’y mga espiya o ahente ng militar o intelligence units. Kapag natatakan bilang “spy,” ang isang tao ay nagiging target ng tinatawag na “parusang kamatayan” o summary execution na isinasagawa ng armadong yunit ng rebeldeng grupo nang walang anumang judicial process.
Sa mga naitalang kaso, kabilang sa pinakabatang biktima si Isagani Imalay, 25, na pinaslang sa Barangay Bandila, Toboso, Negros Occidental noong Hunyo 26, 2025.
Samantala, ang pinakamatandang biktima ay si Leonora Anguit, 74, mula Barangay Tapi, Kabankalan City, na pinatay noong Pebrero 3, 2026.

Kabilang din sa mga napaslang si Maricel Hario Pantajo, 34, isang purok chairwoman at ina ng tatlong anak mula sa Barangay Linaon, Cauayan, Negros Occidental na pinatay noong Oktubre 14, 2025. Isa pang biktima si Virginia Salmorenante, 56, isang babaeng magsasaka mula Barangay Camansi, Kabankalan City na pinaslang noong Disyembre 20, 2025.
Sa kabuuang bilang ng mga biktima, 15 ang edad 50 pataas, kabilang ang tatlong senior citizen. Ayon din sa datos, 11 sa mga pinaslang ay mga magsasaka, habang siyam naman ay kasalukuyan o dating barangay officials.

Ipinapakita ng ulat na ang Negros ang nananatiling sentro ng mga insidente ng pamamaslang na iniuugnay sa NPA, kung saan nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga kaso sa buong bansa sa nasabing panahon.
Nanawagan ang Buklod Kapayapaan at mga people's organization sa ilalim nito sa mga ahensya ng gobyero, pambansa at lokal na pamahalaan, at security sector ng mas pinaigting na proteksyon para sa mga sibilyan at lider-komunidad sa mga lugar na patuloy na binibiktima ng terorismo ng NPA.





Comments