top of page

Kalagayan ng mga Masang Mangingisda at Dating Rebelde sa Gitna ng Sigalot sa West Philippine Sea

  • Writer: Mau Chaeyoung
    Mau Chaeyoung
  • Aug 21
  • 4 min read

Lunes, Agosto 11, 2025 ay muling nagkaroon ng insidente sa Bajo de Masinloc kung saan isang barkong pandigma ng China ang bumangga mismo sa sarili nitong coast guard vessel. Ayon sa ulat, layunin ng Philippine Coast Guard na maghatid ng ayuda sa mga mangingisda nang sila ay muling gamitan ng China ng water cannon, na nagdulot ng “substantial damage” sa barko Chinese Coast Guard.

ree

Ito ang pinakabagong pangyayari sa serye ng mga mapanganib na engkwentro sa nakalipas na dalawang taon, habang patuloy na parehong iginigiit ng Beijing at Manila ang kanilang pag-aangkin sa mga bahura at isla sa South China Sea.



Epekto sa Probinsya at Komunidad

Dahil sa umiigting na tensyon, nakipagpanayam ang Kontra-Kwento kay Polet Castillo, mas kilala bilang “Ka Ella” — isang dating rebelde, dating Regional Coordinator ng Rural Missionaries of the Philippines - Southern Mindanao Region, at ngayon ay isang lokal na lider-mangingisda sa Palawan.


Bilang isang former rebel (FR) at residente na malapit sa West Philippine Sea, ramdam ni Ka Ella ang direktang epekto ng mga pangyayari sa kanilang pamayanan, partikular sa kabuhayan ng mga mangingisda.


“Ako po ay nakatira sa isang fishing village sa North Palawan. Ang pangunahing ikinabubuhay ng mga residente rito ay pangingisda. Ngunit simula nang lumala ang tensyon sa West Philippine Sea, marami sa aming mga mangingisda ang natatakot nang pumalaot. Kung minsan, lakas na lamang ng loob ang pinanghahawakan nila dahil kailangan nilang may maiuwing kita para sa pamilya. Nawawala na rin ang kumpiyansa nila sa karapatan sa sariling dagat na dapat ay kanila,” pahayag ni Ka Ella.


Ayon pa sa kanya, hindi lamang kabuhayan ang nakataya, kundi mismong seguridad at kinabukasan ng kanilang pamilya. “Dahil sa presensya ng mga barko ng Tsina, malubhang naapektuhan ang aming kabuhayan. Maraming mangingisda ang nangangamba na ma-harass o atakihin ng Chinese vessels.”


Binibigyang-diin ni Ka Ella na hindi lamang Palawan ang apektado kundi maging mga lungsod na umaasa sa suplay ng isda mula sa kanilang lalawigan.


“Dahil dito, kaunti ang huli, kaunti ang naibebenta sa palengke, at lalo lamang naghihirap ang aming mga kababayan. Unti-unti na itong nagiging krisis sa kabuhayan at suplay ng pagkain, at kung hindi maaaksyunan, mas lalala pa ito sa mga susunod na panahon,” ani Ka Ella.



Programa ng Pamahalaan

Sa gitna ng ganitong sitwasyon, iginiit ni Ka Ella ang mahalagang papel ng gobyerno upang ipagtanggol ang teritoryo at kapakanan ng mga mamamayan.


“Kailangan pong kumilos ang ating gobyerno para protektahan ang mamamayan. Dapat palakasin ang tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at sabayan ng taumbayan ang paninindigan. Dapat tayong maghain ng mga diplomatic protest at igiit na dapat masanction ang Tsina dahil matagal na nitong nilalabag ang UNCLOS at ang ating soberanya,” ani Ka Ella.


Ang United Nations Convention on the Law of the Sea ang batayang batas-dagat na naggagawad sa mga coastal state ng soberanong karapatan sa likas-yaman sa loob ng hanggang 200 nautical miles na Exclusive Economic Zone (EEZ). Sa ilalim nito at ng arbitral award noong Hulyo 12, 2016, pinaboran ang Pilipinas: ipinawalang-bisa ang “nine-dash line” ng Tsina at kinilala ang ating mga soberanong karapatan sa West Philippine Sea. Batay dito, patuloy na iginigiit ng Maynila ang mga karapatang ito, kabilang ang paghahain ng extended continental shelf (ECS) claim sa West Palawan Region.


Bilang dating rebelde na ngayon ay nagsusulong ng kapayapaan, naniniwala siya na malaki ang maiaambag ng mga FR sa pagpapalaganap ng pagkakaisa at pagbibigay ng suporta sa mga lokal na inisyatiba.


“Kailangan naming makiisa at hikayatin ang mamamayan na makilahok sa mga awareness campaign hinggil sa WPS. Maaari rin kaming tumulong sa paggawa ng barangay resolutions at municipal ordinances upang palakasin ang suporta sa laban para sa ating teritoryo. Kailangan ding mabigyan ang mga mangingisda ng makabagong kagamitan at tulong para maipaglaban nila ang kanilang karapatan sa dagat,” saad ni Ka Ella.



Anti-Insurgency at Community Development

Sa mas malalim na pananaw, tinukoy ni Ka Ella na isa sa pinakamalaking sagabal sa pagkakaisa ng mga Pilipino ay ang patuloy na insurhensya.


“Sa katotohanan, ang insurhensya ang pinakamalaking kontradiksyon sa ating lipunan. Habang sinisikap nating ipagtanggol ang soberanya laban sa mga panlabas na banta, patuloy na humahadlang ang CPP-NPA. Sa halip na tumulong, sinasamantala pa nila ang isyu sa WPS para sa kanilang interes at para magmukhang may kabuluhan. Subalit ang totoo, wala silang nai-aambag sa laban ng sambayanan,” ani Ka Ella.


Sa Palawan, katuwang ng mga dating rebelde ang lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programang laban sa insurgency at sa pagpapalakas ng komunidad.


“Nakikipag-ugnayan kami sa mga organisasyong tulad ng WPS Atin Ito at Anti-Communist-Terrorist Group upang maipalaganap ang kaalaman gaya ng ‘7 Stages of Recruitment’ sa Puerto Princesa at iba pang lugar. Kasama rin dito ang City Youth Development Office at Mata ng Bayan Palawan. Mayroon pa ngang mga kampanya tulad ng ‘Know the Truth: WPS’ laban sa insurgency at violent extremism,” pagbabahagi ni Ka Ella. Dagdag pa niya, hindi lamang ang dating mga rebelde ang natutulungan ng ganitong inisyatiba kundi pati ang kanilang mga pamilya at buong pamayanan.


“Ito ay ilan lamang sa mga hakbang upang ma-transform hindi lang ang dating mga rebelde kundi pati ang kanilang pamilya at buong komunidad. Dapat makilahok ang mga Former Rebels sa Local Peace Engagements upang maging tulay sa kapayapaan,” ani Ka Ella.


Naniniwala si Ka Ella na sa pamamagitan ng masinsinang pakikipag-ugnayan ng lokal at pambansang pamahalaan, mas maraming programang makatutugon sa tunay na pangangailangan ng mga komunidad ang maisusulong.


“Kasabay nito, mahalagang magtayo ang mga FR ng mga people’s organization at magsagawa ng pag-aaral ukol sa mga isyung pang-ekonomiya sa kani-kanilang lugar. Sa ganitong paraan, mas matutukoy ang tunay na pangangailangan at mas mabibigyan ng tamang tugon ang mga komunidad,” dagdag pa niya.


Sa kabuuan, binibigyang-diin ni Ka Ella na ang laban para sa WPS ay hindi lamang laban ng gobyerno, kundi laban ng bawat Pilipino. Ang pagtatanggol sa soberanya ay nakaugat sa pagkakaisa ng mamamayan, at hindi ito maisusulong kung patuloy na hihilahin ng insurhensya ang bansa palayo sa tunay na laban.


Para kay Ka Ella, ang tunay na lakas ng sambayanan ay makakamit lamang kung sabay-sabay na kikilos ang bawat Pilipino, mula sa pamahalaan, sa mga mangingisda, hanggang sa mga dating rebelde, upang igiit ang karapatan sa ating karagatan, isulong ang kapayapaan, at tiyakin ang isang mas ligtas na kinabukasan para sa susunod na henerasyon.

 
 
 

Comments


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page