top of page

Kalinaw SEMR at iba pang FR org, nakiisa sa mga ARB para sa karapatan sa lupa

  • Damian Santillana
  • Oct 28
  • 2 min read
ree

Hindi pa man nakauwi mula sa kakatapos lamang nilang Ikalawang Asembliya, tinungo ng halos kalahati ng mga delegado ng Kalinaw Southeastern Mindanao, Inc. (Kalinaw SEMR) ang mga naka-piket na agrarian reform beneficiaries (ARB) na kasapi ng Hijo Agrarian Reform Beneficiaries Cooperative (HARBCO) upang bantayan ang kanilang lupa at pigilan ang muling pagtatangkang sarbeyin ito nitong Oktubre 24. 


Ang Kalinaw SEMR ay isang pederasyon ng mga dating rebelde at ngayo’y nagsusulong na ng kapayapaan at kaunlaran sa Timog Mindanao.


Matatandaang nanganganib na mabawasan ang lupa ng mga myembro ng HARBCO dahil sa iligal na planong pagbebenta ni Evelyn Romarate, chairperson ng HARBCO, ng hindi bababa sa 30 ektarya nang walang basbas ng mga kasapi ng kooperatiba.



“Handa kaming tumulong. Bilang mga former rebels, batid naming nagpapatuloy ang pagsasamantala sa mga anakpawis,” pahayag ni Ida Marie Montero-Lubgoban, bagong halal na presidente ng Kalinaw SEMR, sa isang simpleng programa kasama ang mga ARB sa kanilang piketlayn. “Kahit pa man nagbalik-loob na kami, nananatili sa amin ang prinsipyo na kailangang makibaka para sa ating mga karapatan.”


Nagsaad naman si Arian Jane Ramos, nakaraang presidente ng Kalinaw SEMR at ngayo’y Head na ng Legal Affairs Committee ng Buklod Kapayapaan Federation Inc. (BKFI), na marami ang handang tumulong sa HARBCO laluna sa usaping ligal.


“Handang magbigay ng ligal na suporta at abogado ang Buklod Kapayapaan at Kalinaw,” ani Ramos sa mga ARBs. “Lahat ng mga magagamit natin sa ligal na laban ay dapat nyong ingatan. At huwag kayong mag-alala. Marami ang handang tumulong sa inyo, tulad ng provincial government, kasundaluhan, at lalo na kami [mga FR] na sanay na sa pakikibaka.”


Nagpahayag din ng pakikiisa sina Bartolome Labastida Jr., presidente ng Kalinaw Davao del Norte, Datu Jimboy Mandaguit, presidente ng Karayawan San Fernando, at Gresilda Ecarges, Secretary ng Paquibato District Former Rebels Association.


Nagpasalamat naman ang mga kasapi ng HARBCO sa mga nakiisa sa kanila.


“Ako, matapang ako kaharap ang kaaway. Pero nakakataba ng puso makita ang presensya ng mga tao ngayon dito na hindi man apektado [ng alitan sa lupa] ay handa pa ring sumuporta sa amin,” ani Rene Balanza, vice president ng Madaum UGMAD ARB-FARMERS Association (MUAFA).


Maliban sa MUAFA, naroon din ang 12 Unity, PEDIDOS, Nagkahiusang Agrarian Reform Beneficiaries Association, Inc. (NARBAI), at Gawasnung Mag-uuma Agrarian Reform Beneficiaries Association (GMARBAI), mga asosasyon sa ilalim ng HARBCO.


Nakatanggap ang mga ARBs ng ilang sakong bigas at tulong pinansyal mula sa 60th Infantry Battalion bilang tulong sa salitan na pagbabantay upang walang makapasok na surveyor na, ayon sa mga ARB, ay kinontrata ng HARBCO upang mabenta ang lupa. Nakaantabay lang din ang 60IB upang ipaniguro ang seguridad at katiwasayan sa lugar.


 
 
 

Comments


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page