Tangkang pagsarbey, pagbenta sa lupa ng mga agrarian reform beneficiary, napigilan
- Damian Santillana
- Sep 16
- 2 min read

Naglunsad ang mga kasapi ng Hijo Agrarian Reform Beneficiaries Cooperative (HARBCO), isang organisasyon ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs), ng isang silent protest sa tapat ng himpilan ng Department of Agrarian Reform (DAR) Davao del Norte sa Tagum City, umaga ng Setyembre 15.
Ang HARBCO ay isa sa tatlong malalaking kooperatiba na mayroong agri-ventures agreements sa Lapanday Foods Corporation simula pa noong huling bahagi ng 1990s. Mahigit isang dekada na silang nakikipaglaban upang mabawi ang sarili nilang lupa, na hanggang ngayon ay nakatali pa rin sa utang ng kanilang mga kooperatiba sa kumpanya ng saging.
Matagal nang panawagan ng mga ARBs ang pagpapaloob ng kanilang lupa sa SPLIT Project (Support to Parcelization of Lands for Individual Titling) ng DAR o ang paghahati-hati ng kanilang kolektibong 579-ektaryang lupa para sa indibidwal na pagmamay-ari. Ngunit nanganganib itong mabawasan dahil sa di umano’y iligal na pagbebenta ni Evelyn Romarate, chairperson ng HARBCO, ng 30 ektarya nang walang basbas ng mga kasapi ng kooperatiba.

Agad din naman silang hinarap ng mga kawani ng DAR. Ayon kay Chief Agrarian Reform Program Officer Floradelfa I. Montes ng Land Tenure Improvement Division, hindi maaaring ibenta ni Romarate ang lupa nang walang pahintulot ng kooperatiba at DAR. Hindi rin umano ito ipinagpaalam sa DAR.
Tanghali ng nasabing araw ay agad ding inaksyunan ng DAR ang walang pahintulot na pagsarbey ng naturang 30 ektarya. Sa pakikipagharap doon mismo sa erya, walang naipresentang permit mula sa DAR ang mga surveyor na nagmula pa sa Luzon, maliban sa Notice to Proceed mula sa highest bidder na PHirst Park Homes. Hindi rin galing sa DAR ang sabing notice na umanoy nagbigay pahintulot upang i-sarbey ang nasabing bahagi ng lupa ng mga ARBs.
Sa website nito, sinasabing ang PHirst Park Homes ay pagmamay-ari ng Century Properties Group, Inc. (CPG) at ng Japanese na kompanyang Mitsubishi Corporation. Ang CPG ay isang kumpanya ng real estate sa Pilipinas na pangunahing nakatuon sa pagpapaunlad, pagbebenta, at marketing ng mga residential properties (mga mid- and high-rise condominiums at single detached homes), pagpapaupa ng mga retail at office spaces, at property management.
Sinubukang ipatawag ng DAR si Romarate ngunit hindi ito nagpakita.
“Obligasyon ng DAR na maprotektahan ang lupang ipinagkaloob ng DAR sa ARBs,” ani Montes. “Urgent na makapag-conduct ng isang komprehensibong imbestigasyon ang [provincial] DAR para mai-report sa rehiyon na syang mag-i-issue ng cease and desist order.”
Malalim ang kasaysayan ng pakikibaka ng mga masang ARBs sa kanilang lupa. Matatandaang noong 2017, na-install ang mahigit 140 pamilya ng mga ARBs ng Madaum Agrarian Reform Beneficiaries Association Inc. (MARBAI) pagkatapos ng isang madugong pakikibaka na, ayon sa mga sumukong former rebel ng rehiyon, ay lihim na pinamunuan ng Communist Party of the Philippines-New People's Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP).
Sa ngayon ay tulung-tulong naman ang mga ARBs sa pagprotekta at pagbabantay ng lupa upang walang makapasok na surveyor ng mga nagtatangkang ibenta ang kanilang lupa.





Comments