Kapatid ng nasawing si Jerlyn Doydora sa Abra de Ilog, nag-iwan ng madamdaming mensahe sa Facebook
- Cleve Sta. Ana
- 22 hours ago
- 2 min read
Nagbahagi ng isang mahaba at madamdaming mensahe sa Facebook ang kapatid ni Jerlyn Doydora, kasunod ng kanyang paglahok sa NABANGANI Fact-Finding and Solidarity Mission at personal na pagbisita sa lugar kung saan natagpuan ang mga labi ng kanyang nakababatang kapatid.
Si JM, kapatid ni Jerlyn, ay kabilang sa delegasyon ng fact-finding mission na nagtungo sa Abra de Ilog mula Enero 26 hanggang 28. Kasama ng iba pang delegado, binisita niya ang encounter site sa Sitio Calamias kung saan ayon sa mga residente ay narekober ang katawan ni Jerlyn. Sa naturang lugar, nag-alay ng panalangin si ang delegasyon at nagsindi ng kandila bilang pag-alala sa kanyang kapatid.

Matapos ang pagbisita, inilathala ni JM sa Facebook ang isang personal na salaysay na pinamagatang “Ang Kwento ni Bebe,” kung saan inilarawan niya ang buhay ni Jerlyn bilang isang masayahin, masipag, at mapagmahal na kabataan na puno ng pangarap. Ayon sa kanyang post, lumaki si Jerlyn sa isang pamilyang relihiyoso at malapit sa isa’t isa, kung saan kilala siya bilang masipag sa bahay, mahusay sa paaralan, at laging handang tumulong sa kapwa.
Ibinahagi rin sa post na si Jerlyn ay isang iskolar at dating working student sa Pamantasang Lungsod ng Maynila, na may pangarap umanong maging guro para sa mga batang may special needs. Gayunman, ayon kay JM, unti-unting nagbago ang sitwasyon ng kanyang kapatid matapos umano itong ma-recruit ng isang makakaliwang grupo, bagay na ayon sa pamilya ay naganap sa loob lamang ng ilang buwan.
Sa parehong post, inilahad niya na hindi umano namatay si Jerlyn sa bakbakan kundi dahil sa kondisyong medikal, at iniwan pa umano ang kanyang katawan sa kabundukan.
Tinuligsa rin sa naturang mensahe ang umano’y mabilis na pagbaluktot ng naratibo sa ilang ulat at pahayag ng ilang organisasyon, na ayon sa pamilya ay ginamit ang pagkamatay ni Jerlyn bilang propaganda. “Siya ay hindi kasangkapan ng anumang ideolohiya,” ayon sa diwa ng post, kundi isang kabataang may pangarap na dapat ay patuloy na nabubuhay at naglilingkod sa lipunan.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, nanawagan si JM sa publiko at lalo na sa mga magulang na maging mapagmatyag laban sa mga grupong umano’y nagsasamantala sa idealismo ng kabataan. Binigyang-diin din niya ang panawagan para sa katotohanan, pananagutan, at paggalang sa alaala ng kanyang kapatid.
Patuloy namang isinasagawa ng NABANGANI Fact-Finding and Solitarity Mission ang pagbuo ng kanilang ulat batay sa mga panayam at dokumentasyong nakalap mula sa mga residente at iba pang stakeholders sa lugar kaugnay ng insidente.





Comments