top of page

Lipas na nga ba ang nihilismo?

  • Writer: Maverick Gonzales
    Maverick Gonzales
  • Aug 8
  • 6 min read

Updated: Aug 9


Lois Lane: My point is, I question everything and everyone. You trust everyone and think everyone you've ever met is, like... beautiful. 														Superman: Maybe that's the real punk rock. /  Courtesy of DC Studios
Lois Lane: My point is, I question everything and everyone. You trust everyone and think everyone you've ever met is, like... beautiful. Superman: Maybe that's the real punk rock. / Courtesy of DC Studios


Nihilismo ang nagpalaki sa’kin. 


Mula sa mga pelikulang The Matrix (1999) at Watchmen (2009), hanggang sa mga nobela ni Dan Brown. Lahat iyon ay nagkintal sa isip ko na ang tao ang salot sa mundo. Kahit mga libro ni Bob Ong dati tinuruan akong kainisan kung hindi man kamuhian ang mga Pilipino, nang walang natututunang anumang solusyon o alternatibo para sa mga problema sa Pilipinas. Lumaki akong naniniwalang hindi na kailangang gunawin ng Diyos ang mundo dahil Tao na mismo ang wawasak nito at magtatayo ng impyerno sa mundong ibabaw.


Grabeng angas, ‘no?


Kung tutuusin, ang nihilismo ay isang spectrum, at sa isang pinakadulo nito ay naroroon ang “Kahit na walang saysay ang lahat ng bagay, maaari pa rin nating piliing maging mabubuting tao,” tulad ng sa Everything, Everywhere, All at Once (2022). Pero hindi iyon ang kinalakihan ko, kundi ang kumbensyong hitik na sa mga pelikulang Hollywood na “Walang saysay ang lahat ng bagay, lagi’t lagi lang ding magdurusa ang mga tao dala ng sarili nyang kagagawan, so ano pang point?”


Hindi rin naman natin masisisi ang naging pag-usbong ng ganitong ideolohiya sa popular na kultura dahil sa sunod-sunod na pangyayari mula pa sa dalawang Digmaang Pandaigdig hanggang sa pagsisimula ng bagong milenyo. Maliban sa mga giyera, nariyan ang pagka-diskubre ng butas sa ozone layer, pagtindi ng global warming, reyalidad ng climate change at pagdami ng endangered at extinct species, hanggang sa 9/11, krisis ng 2008, at ang nagpapatuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan. Malimit ay reaksyon sa mga kaganapang ito ang nagsisigawang mensahe sa mga pelikula, nobela at anime na “tao ang salot sa mundo.” 


“Human beings are a disease,” sabi ni Agent Smith sa The Matrix (1999). “We are the infection,” pagtanto ni Dr. Emma Russell sa Godzilla: King of the Monsters (2019). Pinupuksa ng tao ang hindi niya katulad, tulad ng sa District 9 (2009), Kong: Skull Island (2017), X-Men (2000). Kahit mga bata, hindi pinatawad sa kalupitan ng tao (Hunger Games, 2012). At tao rin ang wawasak sa kanyang sarili—napagtanto ni Wonder Woman (2017) na hindi kailangan ng diyos ng digmaan para magka-World War I; nagsisi si Phastos sa Eternals (2021) na ipinagkaloob niya ang teknolohiya sa tao na naging sanhi ng atomic bombing sa Hiroshima. Ito ang mga kumbensyong naging instrumento para gisingin at mulatin ang mga manonood sa kasalukuyang kalagayan ng mundo, ngunit nagbigay rin ng nihilistang paglalarawan sa tao.


Masasabing progresibo ito noon, mula 90’s hanggang sa panahon ng pandemya, pero umaabante rin naman ang diskurso.


Pasok, Superman (2025).


Ang isa sa mga bagay na pinaka-nagustuhan ng mga tao sa bersyon ni James Gunn kay Superman, na ginampanan ni David Corenswet, ay ang paglihis nito sa tatak ng mga pelikula ng Detective Comics (DC) Studios na karaniwa’y mabigat, seryoso, at cynical, kung hindi man sadyang nihilista.


Sa totoo lang, kanais-nais at dapat lamang magpatuloy ang pagkakaroon ng DC, at maging ng ibang mga studio, ng mga hero at villain na hindi naniniwala sa moralidad o kinukwestyon ito. Pero sa kaso ng Superman, sang-ayon ang mga fans na “What if di muna natin kwestyunin ang kabutihan?” Iyon naman ang esensya ni Superman, ang pagkakaroon ng dalisay na puso at gagawin ang lahat para makatulong sa tao, sa kabila ng mga ibabatong “bakit” at “pero.”


At hindi siya perpekto. Marami ang nakapagsasabi—kabilang na si Batman (The Lego Movie 2, 2019)—na hindi relatable si Superman dahil masyado na siyang malakas at walang kahinaan maliban sa isang kumikinang na bato. Sa bersyon ni Gunn, umpisa pa lang ng pelikula ay bugbog sarado na agad si Superman. At ilang beses pa siyang mabubugbog. At tatawa at magagalit at matatakot.



“I am as human as anyone. I love, I-I get scared. I wake up every morning, and despite not knowing what to do, I put one foot in front of the other, and I try to make the best choices that I can. I screw up all the time, but that is being human, and that's my greatest strength.” /  Courtesy of DC Studios
“I am as human as anyone. I love, I-I get scared. I wake up every morning, and despite not knowing what to do, I put one foot in front of the other, and I try to make the best choices that I can. I screw up all the time, but that is being human, and that's my greatest strength.” / Courtesy of DC Studios

Ang pagbabandila ng pagka-Tao ni Superman at ng kanyang hindi pagiging perpekto—na sa kabila, o marahil dahil nito ay pinipili pa rin niyang gawin ang mabuti—ay lumunod sa katotohang siya ay makapangyarihan at nagsara sa agwat sa pagitan niya at nating mga mortal na manonood. Ito ay salungat sa bersyon ni Zack Snyder na malinaw na si Cavill Superman ay isang diyos at dapat tayong lumayo kung ayaw nating matiris bilang mga hamak na nilalang. Sa bagong bersyon, kahit isa itong superhero movie, mas itinampok nito ang man sa Superman at ang paggawa ng tama bilang tao habang ang mga pantastikong elemento nito ay plot device lamang. Sa kaibuturan, isinesentro nito ang pag-asa mula sa tao, at marami sa mga fans na nagustuhan ito ay nagkokomento na sa madilim na panahon ngayon, kailangan natin ng marami pang mga pelikulang ganito na ibinibida ang pag-asa.


At bilang isang former rebel, labis akong sumasang-ayon dito.


ree

ree

ree

ree

Marami ang nagsasabi pagkatapos nilang mapanood ang pelikula na gusto na rin nilang maging mas mabuting tao.
Marami ang nagsasabi pagkatapos nilang mapanood ang pelikula na gusto na rin nilang maging mas mabuting tao.

Noon, sa wari ko, napangibabawan ko ang aking nihilistang tendensiya dahil ako ay na-organisa sa pambansa-demokratikong kilusan. Sa aking tantya, natutunan ko sa kilusan ang pagsipat hindi lamang sa mga negatibong aspeto ng isang suliranin kundi maging sa mga positibong nakakamit natin sa paglutas nito. Ang labis na pagtutok sa mga negatibo na wari tinitingala ang isang dambuhala’t mabigat na mga suliraning panlipunan ay maaaring makaparalisa sa isang taong tulad ko. 


Ngayong ako ay former rebel na, ngayong iniwan ko na ang armadong kilusan, hindi naman ako bumalik sa pagiging nihilista. Balansyado pa rin akong tumingin ng mga negatibo at positibong aspeto ng bagay-bagay. Pero sa aking pagbaybay ng bagong landas, mas naliwanagan ako na hindi sapat ang tumingin lamang sa negatibo at positibo.

Kailangang iwaksi ko rin ang false dichotomy ng rebolusyonaryo at reaksyunaryo—na hindi lahat ng nagpapakilalang rebolusyonaryo ay mabuti, at hindi rin lahat ng binabansagang reaksyunaryo ay masama.

Parang sa pagtanggap ng bagong Superman, sawa na rin siguro ang mga manonood sa nihilistang pagkukwento. Matagal na nilang batid ang mga problema at gabi-gabi na silang pinaaalala nito sa mga balita at sa social media. Ikinakaila ng nihilismo na kayang magbago ng tao tungo sa kabutihan, gaya rin, sa tingin ko, nang pagkaila ng kilusan na ang digmang bayan lamang ang daan tungo sa mabuting pagbabago ng lipunan. Ang kinikilala lang ng nihilismo na kabaguhan ay paglala lamang na hahantong sa self-destruction. Pinakamapanganib kung lalaganap ang kaisipang “Ganyan talaga [kapag sumuko ka],” o “Wala na tayong magagawa [para sa masa kung iiwan natin ang kilusan].” 

Kailangan nating matutunan na muling manalig sa Tao, na unti-unti na nating natututunang pagalingin ang kalikasang tayo rin ang sumira, makita ang mga naging pag-abante natin sa usapin ng kababaihan, LGBTQ+ at iba pang panlipunang usapin, at ang katotohanang maging ang pamahalaan ngayon ay kinikilala na at sinisikap nang tugunan ang mga ugat ng suliranin ng mga manggagawa at magsasaka. Makikita natin sa mga nakababatang henerasyon ngayon na mas may malasakit sila sa hindi nila katulad, at hindi natin sila kinukutya di tulad ng pangungutya sa atin ng mga naunang henerasyon, kundi ipinagmamalaki natin sila.


O baka ako lang.

Totoong isang malaking pagkukulang kung hindi natin kikilalanin na nananatili pa rin ang mga suliranin, at sa kabila ng mga pag-abante ay may mga humahatak pa rin sa atin paatras. Makikita ito sa bangayan sa pagitan ng mga aspeto ng bagong Superman na nagustuhan ng ilang fans, na siya namang binabatikos ng iba.


ree

Maliban sa tinitingnan nilang mahina at emosyonal si Corenswet Superman, masyado rin daw itong politikal, woke, at ang pagpigil niya sa pananakop ng fictional na Boravia sa fictional na Jarhanpur ay iniuugnay nila sa nagaganap ngayon sa pagitan ng Israel at Palestine, o Russia at Ukraine. “We don’t go to the movie theater to be lectured and to have somebody throw their ideology onto us.”


Bilang isang dating rebelde na binitiwan na ang armas at iniwan na ang digmaan, hindi ko maunawaan kung papaanong may mga taong nasusuklam sa isang pelikulang maka-kapayapaan at makatao. Gaya rin ng hindi ko maunawaan ang galit sa mga taong pinili na ang landas ng mapayapang pakikibaka para sa panlipunang pagbabago. 


 

 


Comments


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page