top of page

Mula sa barilan tungong aklatan: Ang kwento ng pagpupursigi ni Ka Mimi na makapagtapos ng Senior High School

  • Cleve Sta. Ana
  • Mar 2
  • 3 min read

Sa entabladong minsang tila napakalayo sa kanyang realidad, nakahanda ngayong umakyat si Erick Simogan, o mas kilala bilang Mimi — hindi bilang mandirigma sa kabundukan, kundi bilang isang magtatapos ng Senior High School sa Rizal.






“Sobrang saya ko,” bungad niya. “Sa kabila ng dilim na tinahak ko noon, may pag-asa pala na ako ay makabalik sa pag-aaral.”



Ngayong Marso 2026, inaasahang magtatapos si Erick bilang With Honors. Para sa kanya, ang diploma ay hindi lamang papel. Isa itong patunay na ang pagbabagong pinili niya ay may direksyon.



Noong Hulyo 10, 2022, nagpasya si Erick na magbalik-loob sa pamahalaan at tuluyang talikuran ang armadong pakikibaka sa ilalim ng New People’s Army. Mula roon, unti-unti niyang binuo ang panibagong landas.



Noong 2023, nagsimula siya sa Alternative Learning System (ALS) sa Baras, Rizal. Pagsapit ng 2024, tuluyan siyang nag-enroll sa Senior High School. Ngayong taon, nakatakda na ang kanyang pagtatapos.



Hindi raw naging madali ang unang hakbang. “Pinag-isipan ko muna nang mabuti,” aniya. Nang alukin siya ng tulong upang makapag-aral muli, simple ang sagot niya: “Opo.”

Malaki ang pasasalamat ni Erick sa mga tumulong sa kanya — mula sa mga sundalo ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army, hanggang sa lokal na pamahalaan ng Baras, Rizal sa ilalim ni Mayor Wilfredo Robles.



Nagpaabot din umano ng suporta si Sen.  Ronald "Bato" dela Rosa upang masuportahan ang kanyang pag-aaral.



Sa tulong ng mga ito, nabawasan ang mga alalahanin at mas nakapagpokus siya sa klase.



Mga hamon sa pagbabalik-eskwela


Kung may hamon man, ito ay ang pag-aadjust. Matagal siyang huminto sa pag-aaral bago tuluyang bumalik. “Medyo naiilang noong una,” pag-amin niya. Iba ang ritmo ng buhay-eskwela kumpara sa nakasanayan niyang kapaligiran noon.



Subalit sa paglipas ng panahon, nakibagay siya. Mas pinili niyang ituon ang pansin sa mga aralin kaysa sa alinmang ingay sa paligid.



Ngunit hindi niya kinalimutan ang kung saan sya nanggaling. “Kahit ano pang mangyari, hindi na mawawala sa akin ang pagiging former rebel. Nasa kasaysayan ko na yun. Di ko na mababago ang nakaraan. Pero kaya ko pa ring baguhin ang aking hinaharap.”



Hindi nya iniwan ang pagiging aktibista. Hanggang ngayon, nagpo-propaganda sya, nag-oorganisa, nagpapakilos sa masa. Pero hindi na sa direktiba ng CPP or ng NPA, at lalong hindi na upang mangrekrut sa armadong pakikibaka. 



Habang nag-aaral, nakatanggap din siya ng batikos at pagbabanta. May mga online posters na pinakalat ang Communist Party of the Philippines (CPP) na nagbabanta sa kaniyang seguridad. Layon ng CPP na takutin at patahimikin si Erick sa kanyang adbokasiyang nagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran sa mga conflict-affected areas sa Rizal.



Ngunit para kay Erick, hindi ito naging dahilan upang umurong. Sa halip, naging malinaw sa kanya ang layunin: magbahagi ng kanyang karanasan sa mga kabataan at komunidad upang maunawaan nila ang realidad ng armadong pakikibaka.



“Hindi ako nanghina,” sabi niya. “Mas lalo kong naisip na kailangan kong ituloy ang pagbibigay ng tamang impormasyon.”



Mensahe sa Nakaraan


Kung mabibigyan ng pagkakataong kausapin ang kanyang dating sarili, sasabihin niyang hindi kailangang idaan sa karahasan ang pagbabago.



Sa kanyang pagninilay, mas mahalaga ang edukasyon kaysa armas. Mas matibay ang kaalamang pinanday sa silid-aralan kaysa paninindigang inugat sa galit.



Sa mga kapwa former rebel at kabataang nais makapagtapos, mensahe ni Erick na hindi pa huli ang lahat.



“Ipagpatuloy natin ang ating mga pangarap natin, hindi lang sa para sa sarili kundi pati ang pagpanday ng mas magandang butas,” aniya. “Nariyan ang pamahalaan at mga kasamahan natin upang tumulong at umunlad na muli.”



Para kay Erick Simogan, ang pagtatapos ngayong 2026 ay hindi lamang personal na tagumpay. Isa itong tahimik ngunit matatag na pahayag na ang pag-asa ay maaaring magsimula muli — sa isang desisyon, sa isang lapis at bolpen, at sa isang diploma na matagal na niyang pinangarap.

 


Comments


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page