top of page

Mapayapang Rally ng mga Former Rebels sa Occidental Mindoro, Hinarap ng Anakbayan at Karapatan

  • Writer: Bong Valbuena
    Bong Valbuena
  • Jan 6
  • 2 min read

OCCIDENTAL MINDORO — Nagsagawa ng isang mapayapang rali ang mga dating rebelde, mga katutubo, at kabataan ng Mindoro sa Mamburao, Occidental Mindoro noong Lunes, Enero 5, upang tutulan ang presensya ng Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP-NPA) sa isla, kasunod ng naganap na engkwentro sa pagitan ng pwersa ng pamahalaan at mga rebelde sa Barangay Cabacao, Abra de Ilog.


Photo courtesy of Youth for Mindoro
Photo courtesy of Youth for Mindoro


Ayon kay Rose Gallardo, opisyal ng KADRE-MIMAROPA, isang organisasyon ng mga dating rebelde sa isla, isinagawa ang mobilisasyon sa mapayapang paraan upang ipahayag ang pagtutol sa mga grupong may kaugnayan sa CPP-NPA. Aniya, mahalagang mabigyan ng espasyo ang mga dating rebelde at mga katutubo upang hayagang maibahagi ang kanilang mga karanasan at maipahayag ang kanilang paninindigan hinggil sa isyu upang maiwasan ang karahasan sa kanilang mga komunidad.



Isinagawa ang rali matapos ang serye ng quick reaction activity ng Anakbayan at Karapatan sa Mindoro kasunod ng engkwentro. 



Ayon sa KADRE-MIMAROPA, kinailangan ang mobilisasyon upang ituwid ang mga itinuturing nilang maling naratibo na isinusulong ng naturang mga grupo, na ayon sa kanila ay mga kaalyado ng CPP-NPA. Nauna nang kinuwestiyon ng Anakbayan at Karapatan Southern Tagalog ang tinawag nilang “labis na paggamit ng puwersa ng militar sa naturang sagupaan.”



Uminit sandali ang sitwasyon nang lapitan at kumprontahin ng mga kasapi ng Karapatan at Anakbayan, kabilang ang pambansang tagapagsalita nitong si Mhing Gomez, ang mga nagrali. 



Makikita sa isang Facebook Live video ng insidente na kinuwestiyon ng naturang mga grupo kung mga taga-Mindoro nga ang mga kalahok sa rali. Tumugon ang isang nagpoprotesta ng, “Taga-dito kami. Taga-Mamburao kami. Kayo, taga-saan kayo?” Sumagot naman ang isang kinatawan ng Karapatan ng, “Taga-Karapatan kami … Mali po ‘yung ginagawa ninyo.”



Sinabi ni Toto Marquez, isang dating rebelde, na ang mga grupong sumusuporta sa CPP-NPA ay naglalayong lumikha ng kaguluhan upang mailihis ang atensyon mula sa mga yunit ng NPA na nasa depensibong kalagayan. 



Dagdag niya, layon din umano ng mga ito na magbigay ng suportang moral at pampulitika at, kung maaari, tulong materyal—isang taktikang aniya’y pamilyar sa kanya noong aktibo pa siya sa kilusan.



Ayon sa mga lider ng rali, ipinaalam sa kanila ng Karapatan at Anakbayan na nakakaabala umano ang kanilang mapayapang mobilisasyon sa isinasagawang fact-finding mission ng mga maka-kaliwang grupo. 



Wala namang naitalang pisikal na sagupaan, subalit nagdulot ng pangamba ang komprontasyon sa mga kalahok. Nagpatuloy ang rali matapos kusang umalis sa lugar ang mga kasapi ng Anakbayan at Karapatan.


Comments


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page