NTF-ELCAC sa COMELEC: Gabriela may nakabinbin pang DQ case
- Damian Santillana
- Oct 3
- 2 min read

Kinuwestiyon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang naging desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na iproklama ang Gabriela Women’s Party (GWP) bilang ika-64 na nagwaging party-list group sa nakaraang May 2025 elections.
Ayon sa inilabas na pahayag ng NTF-ELCAC, ang ginawang proklamasyon ay lumalabag sa karapatan ng task force na “pagdesisyunan ng COMELEC ang petisyon para sa diskwalipikasyon.” Mawawalan ng saysay ang petisyon ng NTF-ELCAC dahil wala nang hurisdiksiyon ang COMELEC sa naturang kaso kapag naiproklama na ang GWP.
Taong 2019 nang maghain ang NTF-ELCAC ng disqualification case laban sa GWP sa batayang tumatanggap umano ito ng pondo mula sa ibang bansa at nagsisilbing prente para sa CPP-NPA-NDFP, na syang sinuportahan naman ng mga grupo ng mga magulang ng ilan sa mga kabataang narekrut sa CPP-NPA; at sinuportahan rin ng ilang mga former rebels na nagpatunay ng kaugnayan ng GWP sa communist terrorist groups (CTG).
“Decisions of this gravity must be anchored in unambiguous constitutional adherence and thorough vetting of all candidates, especially those with unresolved serious allegations,” pahayag ng NTF-ELCAC.
Pero dahil naiproklama na ng COMELEC ang grupo, sa Korte Suprema na dumulog ang NTF-ELCAC na maglabas ng status quo ante order (SQAO)—ibig sabihin, pagpapanatili ng huling aktuwal, mapayapa, at hindi kinukuwestiyong kalagayan bago ang kontrobersiya, na sa kasong ito ay bago ang proklamasyon ng GWP.
Ayon naman kay Comelec Chairperson George Garcia, handa silang sagutin ang petisyong iyon sa Korte Suprema.
“It's good this has been taken to the Supreme Court for clarification," aniya sa isang pahayag. "Conflict of interpretations on a question of law is ripe for judicial review. We will defend our stand."
Gabriela vs NTF-ELCAC
Bumuwelta naman si Gabriela party-list Rep. Sarah Elago laban sa NTF-ELCAC, “Ambilis talaga ng NTF-ELCAC na patahimikin ang mga kababaihan, kaya gan’on na lang nila ipinipilit na ipagkait ang tunay na representasyon ng mga kababaihan na lumalaban para sa kanilang mga karapatan at kapakanan.”
Na sinagot din naman ng NTF-ELCAC, “NTF-ELCAC firmly supports the right of all sectors, including women, to genuine representation. However, awarding a House seat under these circumstances—while a disqualification case remains pending and constitutional limits are stretched—risks undermining public trust.”
64th seat
Noong nakaraang Mayo ay naghain ang Philreca Party-list ng mosyon na magkaroon ng 64 seats para sa mga party-list sa halip na 63, dahil hindi nito naaabot ang 20% requirement na nakasaad sa batas. Ayon sa Konstitusyong 1987, dapat ay 20% ng bumubuo sa House of representatives ay nakalaan sa mga party-list.
Setyembre 3 nang magdesisyon ang Comelec na gawing 64 ang party-list seats.
Mula noong 19th Congress (2022-2025) na binubuo ng 316 representatives (253 district representatives at 63 party-list representatives), ang 20th Congress ay binubuo na ng 318 representatives (254 district representatives at 64 party-list representatives.)
Ayon mismo sa Comelec, ang 64 seats ay katumbas ng 20.1258% ng kabuuang House of Representatives. Ang paglagpas nito sa 20% ay tinutulan ng NTF-ELCAC, na anila ay mapanganib.
“The creation of a 64th seat—regardless of intent—appears to exceed this constitutional boundary. We urge COMELEC to clarify how this decision aligns with the fundamental law it is sworn to uphold, as exceeding established limits risks eroding institutional integrity,” pahayag ng NTF-ELCAC.





Comments