Pighati ng Isang Anak: “Ilang Taon Naming Hinintay si Tatay, Ganito Pa ang Pagtatagpo Namin”
- Jhenelyn Cruz

- 2 araw ang nakalipas
- 2 (na) min nang nabasa

Sa gitna ng mga patuloy na engkwentro at operasyon laban sa New People’s Army (NPA) sa Occidental Mindoro, isa na namang pamilya ang nagdadalamhati dahil sa pagkawala ng isang ama na matagal nang nasa kabundukan.
Si Ruben “Ka Nads” Dait, isang dating miyembro ng NPA na sumuko sa gobyerno noong 2019, ang nagpahayag ng malalim na pasasalamat sa Armed Forces of the Philippines (AFP), partikular sa mga kasundaluhan ng 203rd Infantry Brigade at iba pang yunit na tumulong sa marangal na paglilibing ng kanyang ama.
“Maraming salamat sa pagtulong at pag-asikaso sa bangkay ng aking Tatay,” ang simula ng kanyang mensahe. Ayon kay Ruben, kahit magkaiba ang paniniwala ng kanilang ama sa gobyerno, patuloy pa rin ang suporta ng militar sa kanila. “Kahit kaaway man sa gobyerno at pamahalaan, patuloy padin ang AFP sa pagtulong at paggabay sa amin upang mabigyan ng marangal na libing ang aking ama,” ani niya.
“Hindi pa huli ang lahat” … ngunit huli na para sa isang ama
Mariing kinukundena ni Ruben ang Communist Party of the Philippines at NPA. Ayon sa kanya, hindi binigyan ng kalayaan ang kanyang ama na bumaba sa kabundukan kahit alam na may sakit at matanda na ito.
“Tay, kasama ka na ng Poong Maykapal… Dapat pinababa nalang sana kayo ng mga kasama. Alam naman nila na may sakit at may edad na kayo, pero hindi kayo binigyan ng kalayaan,” ang masakit niyang pahayag. “Ilang taon namin kayong hinintay. Ilang taon kaming nangulila sa inyo. At ilang taon naming inaasam-asam na makasama kayo — sa ganitong paraan pa.”
Idinagdag pa niya ang panawagan sa mga nasa bundok, lalo na sa mga miyembro ng tribung Mangyan na patuloy na nire-recruit: “Tigilan na ang totoong pagsasamantala at pagre-recruit sa hanay ng mga Mangyan, masa at kabataan. Wala roon ang tunay na kalayaan at demokrasya.”
Ayon sa ulat ng Philippine News Agency noong Hulyo 2026, patuloy ang operasyon ng AFP sa Occidental Mindoro. Noong Hulyo 9, 2026 sa Magsaysay, batay sa impormasyon ng mga residente, isang membro ng NPA ang namatay matapos ang engkwentro ng mga tropa mula sa 203rd Infantry Brigade, 1st Infantry Battalion, 68th Infantry Battalion, at 5th Scout Ranger Battalion. Nakarekober din ng high-powered firearm at iba pang gamit.
Ang kwento ni Ruben “Ka Nads” Dait ay muling nagtampok sa pighati ng maraming hindi nababanggit na biktima ng matagal nang insurhensiya: ang mga anak, asawa, at magulang na naghihintay sa pag-uwi ng mga mahal sa buhay. Bilang isang dating rebelde na nagbalik-loob noong 2019, ang kanyang karanasan ay nagbibigay ng malakas na tinig sa panawagan para sa kapayapaan.
Sa huli, nagpasasalamat si Ruben sa lahat ng tumulong at nagbigay-pakikiramay. At sa kanyang ama, may payapang mensahe: “Payapa na po kayo. Hindi na kayo mahihirapan pa.”
Ang gobyernoz kasama ang mga former rebel ay patuloy na nananawagan sa mga nasa bundok na bumaba na at magbalik-loob habang may panahon pa.





Mga Komento