Walang Himala: Ang Pagpapaka-Elsa ng CPP sa Usapin ng Krisis sa Langis
- Cleve Sta. Ana
- 2 days ago
- 3 min read
Nagprotesta ang Communist Party of the Philippines (CPP), sa pamamagitan ng mga organisasyon tulad ng Katribu (Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas), Sandugo, at Kalikasan PNE, laban sa Petron sa tanggapan nito sa Mandaluyong. Pinupuntirya ng mga grupong ito ang umano’y pagkaganid ng kumpanya sa tubo mula sa pagbebenta ng langis.

Ngunit hanggang saan nga ba ang kapangyarihan ng mga kumpanyang tulad ng Petron sa pagtatakda ng presyo ng langis?

Sa aktwal na istruktura ng industriya ng langis sa Pilipinas, limitado ang kontrol ng mga lokal na kumpanya sa presyo. Ang presyo ng produktong petrolyo ay nakabatay sa galaw ng pandaigdigang merkado. Ibig sabihin, ang mga kumpanyang lokal ay price takers, hindi price setters. Sumasabay sila sa pagtaas at pagbaba ng presyo sa pandaigdigang merkado, kasama ang iba pang salik tulad ng palitan ng dolyar at piso, gastos sa transportasyon, at buwis. Sa ganitong konteksto, ang naratibo na kayang manipulahin ng iilang kumpanya ang presyo ayon sa kanilang kagustuhan ay isang oversimplification ng sa realidad ng merkado.
Dito pumapasok ang Oil Deregulation Law o Republic Act No. 8479. Layunin ng batas na ito na isulong ang malayang kompetisyon sa industriya ng langis, upang maiwasan ang monopolyo at mapanatili ang daloy ng suplay.
Sa gitna ng kasalukuyang krisis sa langis, mas mahalaga ang papel ng deregulasyon sa pagtiyak ng tuloy-tuloy na suplay. Kung mahigpit na kokontrolin ng gobyerno ang presyo at hindi ito tutugma sa tunay na gastos ng pag-angkat, malulugi ang mga kumpanya. Sa kalaunan, maaaring magbawas sila ng suplay o tuluyang umatras sa merkado. Magreresulta ito sa kakulangan ng langis at mas matinding pasanin sa mga konsyumer.
Sa kabila nito, patuloy na itinutulak ng CPP ang pagbabasura ng Oil Deregulation Law. Ang ganitong panukala ay hindi lamang simplistiko, kundi delikado rin. Una, wala itong mabigat na kinalaman sa ugat ng problema na nasa pandaigdigang supply at demand ng langis. Ikalawa, maaari nitong pahinain ang kumpiyansa ng mga investor at supplier, na kritikal sa isang bansang umaasa sa import. At ikatlo, nagbubukas ito ng posibilidad ng mas malawak na interbensyon ng estado na maaaring magdulot ng inefficiency at korapsyon.
Tila gusto ng CPP ng isang himala. Gusto nitong pababain ang presyo ng langis at ibasura ang Oil Deregulation Law. Tulad ng CPP si Elsa sa pelikula ni Nora Aunor na Himala na nangakong pagalingin ang mga may sakit sa Cupang. Ngunit ang katotohanan, wala naman talaga siyang kapangyarihang magpagaling. Niloko nya ang mga tao sa kagustuhang niyang maging makabuluhan.
Sa harap ng sunod-sunod na pagkabigo sa armadong pakikibaka, malinaw na naghahanap ang CPP ng bagong isyu kung saan maaari itong muling makakuha ng kredibilidad. Sa desperasyong ito, ginagamit nito ang mga isyung panlipunan upang iposisyon ang sarili bilang tagapagsalba.
Hindi na bago ang ganitong pagpapaka-Elsa. Ngunit tila mas pinatindi ito ngayon, kasabay ng paghina ng kanilang impluwensya sa larangang militar. Ang problema, ang ganitong uri ng retorika ay umaasa sa pagpapalagay na madaling malinlang ang publiko, na sapat na ang matapang na pahayag upang takpan ang kakulangan sa konkretong solusyon.
Matalino ang sambayanang Pilipino. Nauunawaan nito na ang krisis sa langis ay bahagi ng mas malawak na pandaigdigang isyu, at hindi basta-basta mareresolba ng mga salat na panawagan. Hindi nito kailangan ng CPP upang unawain ang mga isyung panlipunan, lalo na kung ang iniaalok ay mga panukalang walang sapat na batayang pang-ekonomiya.
Sa halip na magpadala o magpa-presyur sa mga demandang tila himala, nararapat na ituon ng pamahalaan ang kanilang pansin sa mga konkretong hakbang tulad ng pagpapalakas ng energy diversification, pagpapabuti ng public transport systems, at pagbibigay ng targeted na ayuda sa mga sektor na pinaka-apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Sa huli, ang krisis sa langis ay nangangailangan ng realistiko at sistematikong solusyon, hindi ng mga pangako at demandang parang himala. Sapagkat sa tunay na buhay, walang Elsa na darating upang iligtas tayo. Ang kailangan ay malinaw na pag-unawa, matalinong polisiya, at kolektibong pagkilos.





Comments