top of page

Tagalog vs Bisaya memes, Imperial Manila, at ang walang kamatayang bangayan hinggil sa Pambansang Wika

  • Writer: Maverick Gonzales
    Maverick Gonzales
  • Aug 26
  • 5 min read

Inabot ng anim na buwan mula nang mapadpad ako sa Mindanao bago ko masabing matatas na ako sa pagbibisaya. Gayunpaman, problematiko pa rin sa tuwing nahahalata ng iba na Tagalog ako, tulad halimbawa kapag bumili ako sa tindahan at tinagalog pa rin ako ng tindera kahit na buong Bisaya naman ang winika ko sa kanya. Problematiko ito kung isa kang NPA at iniiwasan mong makatawag-pansin at kailangan mong “humalo” o magkomoplahe sa kultura at wika ng mga taong nilulubugan mo para hindi maging kahina-hinala o naiiba.



Noong NPA pa ako ay itinuturing na karangalan kung magagawa mong magbalat-kayo bilang isang Bisaya, o anumang tribo o etnisidad, lalupa’t kinakailangang walang tribo ang isang komunista.



Pero para sa mga hindi NPA, sa mga hindi Tagalog na lumuluwas ng Maynila, iba ang karanasan kung kailangan mong ikubli ang iyong kaakuhan at pinagmulan upang hindi makatawag-pansin, apihin o maging katatawanan.


 

ree

Dili lang Tagalog

Nang magbalik-loob na ako sa gobyerno at dumalo ng hearing ng isang kaso ko, isinasalin ng public attorney sa Bisaya ang isinampang kasong nasa Ingles para maunawaan ng defendant. Nang ako na ang tawagin, natuklasan nilang Tagalog ako nang tanungin nila kung taga-saan talaga ako. Medyo naaligaga ang abogado kung paano magsasalin sa Tagalog, at sinabi ko naman agad na “makasabot ko og Bisaya” o nakakaunawa ako ng Bisaya, na ikinaluwag naman kaagad ng kanyang loob.



Bilang isang Tagalog, may madarama kang pride kung hindi mo kailangang ipataw ang wika mo sa hindi native speaker nito kahit pa sabihing ito ang pambansang wika at mayorya sa mga Pilipino ay nakapagsasalita nito.

Ayon sa Sapir–Whorf Hypothesis, ang wika ay nakaiimpluwensya sa pag-iisip. Ipinapakita ng mga pananaliksik (Bylund at Athanasopoulos, 2017) na ang pagkatuto ng bagong wika ay maaaring magbukas ng ibang pananaw sa mundo, pero hindi nangangahulugang ganap kang mag-iisip tulad ng mga katutubo ng wikang iyon. Marami ang tumututol dito, at sa tingin ko, para matutunan ang wikang Bisaya ay kinailangan kong lumubog sa mga Bisaya, at ang ilang taon kong paglubog sa piling ng mga Bisaya at Lumad ang mas dahilan pa siguro para makita ko ang mundo mula sa mga mata nila, bunga na lang din ang (hindi ng) pagkatuto ng wika. 



Kakatwa dahil minsan, ako pa ang napapataas ng kilay tuwing naririnig kong tinatagalog pa rin ng mga Bisaya ang ilang mga Tagalog na matagal na rito sa Mindanao at hindi pa rin natututong magbisaya. Aakalain mo na may pagdaramdam ang mga Bisaya dahil bakit sila pa ang kailangang mag-adjust, pero ang totoo ay ayos lang at no big deal naman daw sa kanila iyon. Minsan naitanong ko, bakit kaya mas bukas ang mga Bisaya na mag-Tagalog kapag taga-Luzon ang kausap nila, samantalang bihira ko namang makita ang ganitong konsiderasyon mula sa karamihan ng mga taga-Luzon na kilala ko?



Dito natin makikita ang dalawang panig ng diskurso hinggil sa pambansang wika.

Ayon sa dating dekano ng De La Salle University na si Antonio P. Contreras (2014), mas madalas ay makikita lamang ang sentimyento laban sa pambansang wika na nakaugat sa Tagalog mula sa mga rehiyonalistang intelektwal habang makikitang tanggap naman ito ng mga ordinaryong tao na tumatangkilik ng mga telenobela na nasa wikang Tagalog. Sa isang banda ay naobserbahan ko rin naman ito, tulad ng nabanggit kong karanasan na mas ako pa ata ang nao-offend para sa mga kakilala kong Bisaya tuwing sila ang napipilitang mag-Tagalog. 



Magkagayunpaman, hindi naman ito nangangahulugang invalid na ang katwiran ng mga nais ipaglaban ang kanilang katutubong kaakuhan at ang kanilang mga karanasan sa diskriminasyon. Na hindi porke’t marami na ang nasanay at tumanggap sa “imposisyon” ng wikang Filipino slash Tagalog ay wala nang problema. Ayon kay Chai Fonacier (2018), isang Cebuanang alagad ng sining, tuwing binabanggit ang mga pagkakaiba, agad na inilalabas ang panawagan ng “pagkakaisa,” na tila ginagamit upang tabunan ang tunay na mga isyu at sabihing “wala namang problema.”

Sang-ayon ako na minsan ay wari “dismissive” ang datíng ng punto ng ilang mga nagtataguyod ng wikang Filipino. Sa loob ng mahabang panahon, iwinawagayway na ang Filipino, bagamat nakaugat sa Tagalog, ay dapat payabungin ng mga salita mula sa ibang mga katutubong wika. Pero sa aktwal ay hindi naman ganoon kayabong ang naabot nito. Sa kabilang banda naman, hindi rin naman ako sang-ayon sa mga nagsasabing para patas, Ingles na lang dapat ang pambansang wika, para hindi mangibabaw ang kapangyarihan ng mga Tagalog sa ibang mga etnisidad. 



Ito ang lubhang malabo. Dapat ba tayong matuwa na unti-unti nang winawala ang wikang Filipino sa kolehiyo? Ang Ingles, o anumang banyagang wika, ay hindi magsisilbing wika ng pagkakaisa, kundi wika ng pagpapangayupapa at pagkalusaw ng nasyunalismo.



Sa tingin ko, kaya paikot-ikot lang ang diskursong ito sa loob ng mahabang panahon, kahit noong bago pa man ako ipanganak, ay dahil natatali tayo sa usapin lamang ng wika.

 

Dili lang wika

 

Noong nasa loob pa ako ng kilusang komunista, isa sa mga kaisipang itinanim sa amin ay ang pananaw na ang kultura ay nakaugat sa ekonomiya.



Sa tuwing napag-uusapan ang rehiyonal na sentimyento hinggil sa pambansang wika ay di miminsang nababanggit ang Imperial Manila. Noong unang beses ko itong narinig akala ko ay isa itong conspiracy theory, at natatawa rin ang nagbanggit nito sa akin. Nang mabasa ko naman ito ay parang wala rin namang sumeseryoso rito.



Pero sa tingin ko ay isa itong lehitimong alalahanin. Isang realidad ang hindi pantay na pag-unlad ng mga lupalop ng Pilipinas, at maraming napag-iiwanan. Ang pagkabahala na nangingibabaw at mas makapangyarihan ang mga Tagalog at nae-etsepwera ang ibang mga etnisidad sa usapin ng pambansang wika ay mauugat sa di pantay na ekonomiya sa pagitan ng National Capital Region at mga rehiyon.

Ito ay makikita hindi lamang sa dikotomiya ng “wika” at “diyalekto,” kundi mas matingkad pa nga sa pagitan ng “lungsod” at “probinsya.” Ang daan-taon nang sumpa sa pagitan ng lungsod at nayon, ng mental at manwal, ay sistematiko at medyo nasa ibaba pa ng listahan ng mga kagyat na alalahanin ng mga namumuno ng bansa. Sa kabaligtaran pa nga, hindi natin naikakaila na ginagamit ang pagkakawatak-watak sa pagitan ng mga etnisidad bilang panggatong sa mga namumuong bangayan sa politika, na makikita sa pag-uso ng mga Tagalog vs Bisaya memes noong panahon ng eleksyon.



Gayunpaman, bagama’t itinutulak ng pagbabago sa hindi pagkakapantay-pantay sa ekonomiya ang pagbabago sa hindi pagkakapantay-pantay sa kultura at pagtrato ng mga tao sa bawat isa, maaari pa rin nating gamitin ang kultura—kabilang ang wika—upang isulong ang nais nating makamit sa usapin ng ekonomiya. 



Pangunahin na mamodernisa ang agrikultura at masuportahan ang mga magsasaka sa kanayunan kung nais nating unti-unting lumiit ang agwat sa pagitan ng lungsod at nayon. Ikalawa, mahalagang ituro sa mga tao hindi lamang ang kahalagahan ng pagtataguyod ng kanilang katutubong identidad at kultura, kundi pati ang kamalayan na ang isyu ng diskriminasyon ay instrumento upang magawi ang atensyon natin palayo sa katiwalian at mga pampulitikang kontrobersya. Bilang isang dating rebelde, alam ko rin na ang isyu ng diskriminasyon ay madalas ginagamit upang pagsamantalahan ang kalagayan ng iba't ibang etnisidad, relihiyon, at rehiyon para sa marahas at pampulitikang layunin.



Medyo natatawa lang din ako (pasintabi sa Komisyon ng Wikang Filipino) sa tema ng Buwan ng Wika ngayong taon na “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa” na mababasa ko bilang “Utang na loob kelan ba tayo magkakaisa” lalupa’t humaharap tayo ngayon ng eksternal na mga hamon tulad sa West Philippine Sea. O kailangan pa ba talaga tayong salakayin upang magkaisa? O tulad nga ng sinabi ng isang komedyante, magkakaisa tayo saglit, tapos pag tapos na, bangayan ulit?



Ngunit hindi naman ako nawawalan ng pag-asa. Hindi naman talaga natin makakamit agad-agad ang isang gasgas nang larawan ng pagkakaisa—mga Pilipinong nakasuot ng kostyum ng magkakaibang etnisidad at magkakahawak-kamay. Pero malay natin. Tungkulin nating hubugin at turuan ang mga sumusunod na henerasyon na ang ating pagkakaiba-iba ay hindi hadlang, bagkus ay batayan ng isang mayamang pambansang identidad.

Comments


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page