Reaksyon sa pagkalaya ni Amanda Echanis, bumuhos
- Jhenelyn Cruz

- Jan 22
- 4 min read

Iginawad ng korte ang pagpapawalang-sala kay Amanda Echanis noong Enero 14, 2026, bunsod ng kakulangan umano ng ebidensiya upang patunayan ang mga kasong isinampa laban sa kanya. Habang iginagalang ng ilang sektor ang desisyon bilang bahagi ng due process at judicial independence, umani rin ito ng mariing pagtutol at kritisismo mula sa mga dating kasapi ng CPP-NPA at mga organisasyong nagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran.
Sa isang opisyal na pahayag, mariing kinondena ng Kindling Actions for Peace Progress and Inclusive Advocacies (KAPPIA) ang desisyon ng korte, iginiit na si Echanis ay hindi isang “simpleng aktibista” kundi isang kadreng may mataas na katungkulan sa Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP-NPA).
Ayon sa salaysay ng KAPPIA, “unang pumasok si Echanis sa sonang gerilya sa Cagayan noong 2014 para sa tinatawag na Tour of Duty (TOD), kung saan siya na-expose sa armadong kilusan. Matapos nito, bumalik siya sa lungsod upang magsagawa ng recruitment sa hanay ng kabataan, kababaihan, at magsasaka, bago tuluyang bumalik sa Cagayan noong 2015 at sumapi sa armadong pakikibaka ng NPA.”
Dagdag pa ng organisasyon, noong 2017 ay sumailalim si Echanis sa Individual Combat Technique (ICT) training at naging bahagi ng mga operasyong militar ng NPA matapos ang pagbagsak ng usapang pangkapayapaan at ceasefire sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines at administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kabilang ang mga engkwentro laban sa mga pwersa ng pamahalaan at ang pagpaplano at paglulunsad ng iba’t ibang taktikal na opensiba. “Bilang ganap na kasapi ng CPP, gumanap siya ng mahahalagang tungkulin sa larangang pampulitika ng NPA at tumulong sa pagpapalawak ng impluwensya ng kilusan sa mga komunidad sa Cagayan,” ayon sa KAPPIA.

Binanggit din ng grupo na kinilala umano si Echanis ng ilang magsasaka at katutubo bilang aktibong NPA na nagsagawa ng ideolohikal na pag-aaral at nag-udyok ng suporta sa CPP-NPA. Tinuligsa rin ng KAPPIA ang mga organisasyong naglalarawan kay Echanis bilang “aktibista” lamang, sa kabila ng mga testimonya ng mga dating rebelde at iba pang ebidensiyang inilabas sa publiko.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Noel Legaspi, taga-pangulo ng Buklod Kapayapaan, na bagama’t nararapat igalang ang desisyon ng korte bilang bahagi ng due process at judicial independence, hindi ito dapat ituring bilang ganap na paglilinis sa moral at historikal na pananagutan ng isang indibidwal.
“Ang isang acquittal ay nangangahulugan lamang na nabigo ang prosekusyon na maabot ang pamantayan ng ebidensiyang hinihingi ng batas, ngunit hindi nito awtomatikong binubura ang paghatol ng taumbayan, lalo na ng mga komunidad na matagal nang naapektuhan ng armadong tunggalian,” ani Legaspi.
Binanggit niya ang mga karanasang dinanas ng mga sibilyan sa mga conflict-affected areas, kabilang ang sapilitang recruitment, pangingikil na tinatawag na “revolutionary tax,” panloob na purges (pagpatay sa mga sariling miyembro), at karahasang gumanti sa mga sibilyan, mga karanasan na ayon sa kanya, ay bahagi ng kolektibong alaala na hindi kayang burahin ng isang desisyong legal.
Dagdag pa ni Legaspi, “hindi pinapawalang-bisa ng acquittal ang politikal na identidad at organisasyunal na kaugnayan ni Echanis bilang kilalang kadre ng CPP na sumapi sa NPA sa Cagayan Valley.” Aniya, “ang pagsali sa isang armadong kilusan ay isang sinadyang desisyong politikal na may kaakibat na moral na pananagutan, lalo na kung ang estratehiya nito ay patuloy na armadong pakikibaka na may mabigat na epekto sa mga ordinaryong mamamayan.”
Samantala, nagbigay rin ng detalyadong salaysay si Richard “Ka Justin” Chiong, isang dating rebelde, na nagsabing ang paglaya ni Echanis ay hindi nagbubura sa kanyang personal na karanasan at direktang pakikisalamuha sa kanya sa loob ng kilusan.
Ayon kay Chiong, personal niyang nakilala si Echanis bilang Ka Amanda o Ka Kaye at nakasama niya ito sa isang kolektibo bago pa man ito sumampa sa in New People’s Army sa rehiyon ng Cagayan Valley. Ibinahagi niya na si Echanis ay nagsilbing semi-legal na kadre ng CPP na gumampan bilang education staff sa ilalim ng National Organization Department at gumamit ng mga ligal na prente, tulad ng Sining Kadamay, upang malayang makakilos sa mga komunidad.
“Sa pamamagitan ng naturang mga prente, aktibo si Echanis sa educational profiling ng mga kasapi ng partido, paggabay sa sistematikong edukasyong pampartido, pag-iimbita sa mga kursong ideolohikal gaya ng Batayang Kurso ng Partido at Intermediyang Kurso ng Partido, at pamamahagi ng mga materyales ng partido tulad ng pahayagang Ang Bayan,” ani Chiong.
Bilang patunay, sinabi niya na naging ka-kolektibo niya si Echanis noong 2012 sa Sitio San Roque at personal siyang naturuan nito sa mga kursong pampartido na ginanap sa iba’t ibang lugar sa Rizal at Quezon City. Binigyang-diin niya na “si Echanis ay hindi lamang isang aktibista kundi isang lider at ganap na kadre ng CPP,” at nagbabala na “ang kanyang paglaya ay maaaring magbukas muli ng pagkakataon upang ipagpatuloy ang kanyang mga gawain sa loob ng kilusan, sa kalunsuran man o sa kanayunan.”
Sa kabuuan, iginiit ng KAPPIA at ng mga dating rebelde na bagama’t malaya na si Amanda Echanis batay sa desisyon ng korte, nananatiling bukas ang usapin ng moral, politikal, at historikal na pananagutan. Para sa kanila, ang hustisya ay hindi lamang nasusukat sa hatol ng hukuman, kundi sa pagkilala sa pinsalang idinulot ng armadong tunggalian at sa pananagutan ng mga indibidwal at kilusang sangkot dito.





Comments