top of page

Bidyo ng Nawawalang Kabataan sa Social Media, Umani ng Matinding Reaksyon

  • Writer: Jhenelyn Cruz
    Jhenelyn Cruz
  • 2 days ago
  • 2 min read

Umani ng malawak at matinding reaksyon mula sa mga netizen ang paglabas ng isang bidyo ng nawawalang kabataan na si Stephanie Jhoy Madis Borinaga, isang 20-anyos mula sa Muntinlupa, kung saan hayagan niyang ipinagtanggol ang kanyang pagpunta sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro, kasabay ng mariing pagtuligsa sa estado at militar.




Bagama’t iginiit ni Borinaga sa bidyo na hindi siya kasapi ng New People’s Army (NPA), kapansin-pansin sa mga netizen na tila taliwas ang kanyang pahayag sa naunang mga salaysay ng ilang national democratic organizations, na nagsabing siya ay nagtungo lamang sa Abra de Ilog para sa isang “immersion” at “research.”

Sa video, sinabi ni Borinaga:



“Hindi ako pumunta ro’n para mag-NPA, nando’n kami sa paanan ng bundok, ramdam na ramdam namin yung yanig at takot dulot ng pambobomba ng militar.”



Gayunman, para sa ilang netizen, lalo na yaong nagsabing sila ay mga residente mismo ng Barangay Cabacao, ang naturang pahayag ay nagbunsod ng mas maraming tanong kaysa sagot.



Ayon sa kanila, ang lugar na tinutukoy ni Borinaga ay malapit na malapit sa mismong lugar ng engkwentro, at iginiit nilang walang mga kabahayan sa naturang bahagi ng paanan ng bundok, bagay na ayon sa kanila ay nagpapahiwatig na ang pinagtuluyan ng kabataan ay hindi isang sibilyang komunidad kundi isang dating kampo ng NPA.



Kasabay ng mga ganitong obserbasyon, umigting ang diskusyon sa social media kung saan marami ring netizen ang hayagang dumepensa sa armadong kilusan at tinuligsa ang pamahalaan. Tinawag ng ilan ang mga pahayag ng estado bilang “propaganda” at produkto umano ng takot sa mulat at militanteng kabataan.



Sa hiwalay na komento naman, sinabi ni Mhing Gomez na wala umanong mali sa naging desisyon ni Borinaga na makipamuhay sa mga katutubo at magsasaka sa Mindoro. “Hindi terorismo ang pag-alam sa tunay na kalagayan ng batayang sektor ng lipunan,” aniya, sabay giit na ang militar at gobyerno ang may pananagutan sa karahasan.



Ayon sa mga nagmamasid, ang ganitong mga pahayag at palitan ng argumento sa online space ay nagpapakita kung paanong nagiging daluyan ang social media sa pag-normalisa at pag-romantisa ng armadong pakikibaka, partikular sa hanay ng kabataan, habang pinalalabo ang linya sa pagitan ng aktibismo at armadong tunggalian.



Matatandaang batay sa impormasyong inilabas ng mga awtoridad, natagpuan ang identification card ni Borinaga engkwentro noong Enero 1.

Sa kabila ng umiinit na online debate, patuloy na humihingi ng tulong ang pamilya ni Borinaga at mariing iginiit na wala silang ibinigay na pahintulot sa kanyang pagsama sa anumang armadong grupo.



Sa mga naunang pahayag, nagbabala ang Buklod Kapayapaan Federation Inc. at ang Hands Off Our Children Movement na ang kaso ni Borinaga at ng nasawing estudyanteng si Jerlyn Rose Doydora ay sumasalamin sa panganib ng tinatawag nilang terror grooming—ang sistematikong pagre-recruit at pagdadala ng kabataan sa underground networks nang walang pahintulot ng pamilya. Ayon sa kanilang joint statement, ang dapat managot ay ang mga naggroom, nag-recruit, at nagde-deploy ng kabataan sa armadong pakikibaka.



Binibigyang-diin ng mga grupong ito na ang kabataan ay hindi lamang numero sa ideolohikal na tunggalian, kundi mga anak at kapatid na may pangarap, at na ang karahasan at armadong recruitment ay hindi solusyon sa anumang panlipunang suliranin. Anila, ang tunay na reporma ay makakamit lamang sa mapayapa, ligal, at demokratikong landas.

Comments


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page