Bandilang itim ng One-Piece ang winawagayway sa Indonesia
- Jay Dimaguiba
- Sep 8
- 3 min read

Nang sumiklab ang malalaking protesta sa Indonesia nitong Agosto 2025, isa sa mga pinakakakaibang tanawin ay hindi lang ang dagsa ng tao o ang pag-igirian sa pulis. Mas tumatak ang isang itim na watawat ng mga pirata: ang Jolly Roger mula sa anime na One Piece—na iwinawagayway ng mga kabataan. Para sa iba, parang biro o simpleng pagdadala ng fandom sa lansangan. Pero sa Indonesia, malalim ang ibig sabihin ng mga simbolo, at hindi basta laruan lang ang bandilang ito.
Simula nang mabuwag ang Partido Komunista ng Indonesia (PKI) noong 1965, nanatiling sensitibo at mahigpit ang paggamit ng mga bandilang pampulitika at ideolohikal. May mga batas at regulasyon na naglilimita sa paggamit ng ilang simbolo, kaya’t ang mga kilos-protesta ay madalas naghahanap ng ibang paraan upang magpahayag ng kanilang mensahe.
Sa halip na gumamit ng mga watawat na may direktang kaugnayan sa partido o kilusang pampulitika, pinili ng ilan ang bandilang hango sa One Piece. Sa anime, ang watawat na ito ay kumakatawan sa kalayaan, pagtutulungan, at paghamon sa kapangyarihan—mga temang nakitang kaakibat ng damdamin ng mga kabataan at manggagawa sa lansangan.
Ang paggamit ng isang tanyag na simbolo mula sa pop culture ay nagbigay-daan upang magkaisa ang iba’t ibang sektor—mula estudyante hanggang mga driver at ordinaryong mamamayan—nang hindi kailangan ang mabigat na konotasyon ng ipinagbabawal o sensitibong simbolo.
Sa epekto ng kilusang-masa, napilitan ang pamahalaan na mag-rollback: ibinaba o inalis ang kontrobersyal na housing allowance ng mambabatas (tinatayang ₱170,000/buwan o humigit-kumulang 50 milyong rupiah) at pansamantalang sinuspinde ang overseas trips ng mga mambabatas; sinundan pa ito ng malawakang cabinet reshuffle at pagsibak sa finance at security ministers matapos ang marahas na engkuwentro na ikinamatay ng hindi bababa sa 6–8 katao.
Ang paglitaw ng watawat ng One Piece sa mga protesta ay nagpapakita kung paano ginagamit ng mga mamamayan ang malikhaing paraan upang magpahayag ng saloobin. Sa konteksto ng Indonesia, kung saan sensitibo ang paggamit ng ilang simbolo, naging alternatibong sagisag ang bandilang pirata, hindi lamang tanda ng pop culture kundi mabisang wika ng kolektibong pagtutol laban sa pribilehiyo, katiwalian, at kawalan ng pananagutan. Kapag malalim ang hinaing at nakikita ang ligalig sa ekonomiya at pamahalaan, nahahanap ng mamamayan ang pinakamabisang simbolo na magbubuklod sa kanila.
Sa Pilipinas, iniimbestigahan ang umano’y malawakang katiwalian sa flood control projects, mula “kickbacks” at sabwatan sa bidding, hanggang sa substandard o "ghost" projects. Mga fraud audit ng COA at mga pagdinig sa Blue Ribbon Committee ang nagtutulak ng kaso. May panawagang kasuhan ang mga sangkot at bawiin ang nakulimbat. Nag-aalab ang damdamin ng publiko at lumalakas ang panawagan sa agarang pananagutan.
Mas malinaw pang aral mula sa Indonesia: kapag mabagal o malabo ang tugon sa katiwalian, mabilis ang pagbubuklod ng mga tao sa ilalim ng iisang mensahe: tama na ang pribilehiyo at pang-aabuso. Kung nais nating maiwasan ang ganoong antas ng pagkakagulo dito—lalo’t hindi pa natin lubusang napupuksa ang armadong komunista na nakaabang upang sakyan ang ligalig—kailangang mabilis, malinaw, at may ngipin ang ating pagpapanagot ng pamahalaan.
Matagal nang ginamit ng CPP-NPA-NDFP at mga kaugnay nitong "ligal" na grupo ang aktibismo bilang daluyan upang isulong ang kanilang armadong pakikibaka laban sa pamahalaan. Subalit, hindi nangangahulugan na kapag nagtagumpay ang gobyerno na sugpuin ang insurhensiya ay awtomatikong matatapos na rin ang lahat ng anyo ng protesta o pagkilos ng mamamayan.
Katulad ng ipinakita sa Indonesia, kung saan matagal nang nawalan ng ngipin ang kanilang Partido Komunista, anumang lipunan na patuloy na binabalot ng korapsyon, kawalan ng katarungan, at hindi pantay na oportunidad ay mananatiling bukas sa panawagan ng mamamayan. Lagi at laging makakahanap ng bagong simbolo o paraan ang masa upang ipahayag ang kanilang saloobin. Sapagkat ang reyalidad ng pagkakaroon ng rebelde o kaguluhan ay hindi lamang nakaugat sa ideolohiya, kundi sa malalim na hinaing laban sa katiwalian at pang-aabuso ng kapangyarihan.





Comments