COMMENTARY | Renee Co: Tagapangtanggol ng digmang bayan ng CPP-NPA, kaaway ng kaunlaran?


Noong Oktubre 16, tinawag ni Kabataan Party-list Rep. Renee Co na “General’s Pork and Blood Budget” ang Barangay Development Program (BDP) ng gobyerno. Nagsalita siya matapos iulat ng COA na 29 BDP projects sa Iloilo ang hindi pa kumpleto o hindi pa napapakinabangan sa katapusan ng 2025. Kabilang dito ang 16 na hindi pa naipatutupad, ayon sa audit report. Tinukoy rin ng COA ang mga problema sa mga kalsada, water system, at livelihood center.

Tumugon ang Iloilo Provincial Government na hindi napatunayan ng COA na “ghost projects” ang mga ito o ninakaw ang pondo. Sinabi ni Provincial Administrator Raul Banias na ang ₱73.892 milyon ay tantiyang pondong kailangan para matapos ang mga proyekto, hindi perang nawala. Iginiit din ng probinsiya na may mga umiiral na project site at naantala ang trabaho dahil sa layo at hirap puntahan ng mga lugar, masamang panahon, problema sa terrain, at pagkaantala ng suplay.
Hindi dapat ipagkamali ang audit observation bilang hatol na may naganap na pagnanakaw. Pero tungkulin din ng mga opisyal na ipaliwanag kung bakit may mga proyektong hindi naipatupad at kung paano tutugunan ang mga kakulangan. Dito dapat magsimula ang usapan: sa ebidensiya, pananagutan, at aktuwal na pakinabang ng mga residente.

Ngunit kapag pinupuna ni Co ang BDP, madalas itong inilalarawan bilang korupsiyon at pang-aabuso ng estado. Kapag ang programa ay nakatuon sa mga dating komunidad na naimpluwensiyahan o kontrolado ng CPP-NPA-NDF, hindi maiiwasang itanong kung ang pagtutol ay tungkol lamang sa kalidad at pamamahala ng mga proyekto o pati sa pagliit ng impluwensiya ng armadong kilusan.
Hindi misteryo kung bakit tina-target ang NTF-ELCAC. Ito ang institusyong nakapagdulot ng pinsala sa CPP-NPA sa loob ng ilang dekada. Sa pamamagitan ng whole-of-nation approach, libu-libong barangay ang nalinis, libu-libong dating mass base ang nawala, at libu-libong kabataan ang nailayo sa radicalization.
Ayon sa NTF-ELCAC na nagko-koordina sa mga proyekto sa ilalim ng BDP, ₱44.9 bilyon ang inilaan sa mga development investment sa 5,638 barangay mula 2021 hanggang 2026. Iniulat din ng task force, batay sa datos ng DILG, ang mga kalsada, silid-aralan, ilaw, water system, electrification project, at health station na naihatid sa ilalim ng BDP. Mga bilang ito ng pamahalaan at dapat ituring na ganoon; hindi rin nito pinatutunayang BDP lamang ang dahilan kung bakit umunlad ang seguridad sa mga barangay. Gayunman, ipinapakita ng mga ito ang laki ng programang tinatarget ng mga panawagang buwagin ito.

May isa pang usaping kinakaharap ang Kabataan Partylist. Ilang dating miyembro ng kilusan ang nagparatang na may ugnayan ang Kabataan Partylist at iba pang grupo sa CPP-NPA-NDF. Ang mga paratang na ito ay iniharap sa mga pagdinig at sa petisyon sa COMELEC tungkol sa diskwalipikasyon ng Kabataan Partylist. Noong Enero 2026, sinabi ng NTF-ELCAC na nagharap ito ng mga saksi sa COMELEC at magpapatuloy pa ang paglalatag ng ebidensiya.
Ganoon din sa mga pagpatay sa Negros. Habang abala ang Kabataan Partylist sa pagkondena sa militar sa pagpatay umano sa “Toboso 19,” tahimik naman sila sa katotohanang ang Negros ang naging epicenter ng NPA “spy-tagging” killings. Sa datos ng Buklod Kapayapaan matapos ang kanilang fact-finding mission, 63 kaso ng pagpatay ng NPA na naitala mula Enero 2025 hanggang Hulyo 2026 ay naganap sa Negros. Ang selective outrage ay malinaw: kapag militar ang pinaghihinalaan, buong lakas ang protesta, kapag NPA ang pumatay ng sibilyan, katahimikan o justification.
Hindi kailangang gawing alinman sa “malinis” o “korap” ang BDP batay sa iisang pahayag. May mga proyektong dapat tapusin, mga serbisyong dapat gumana, at mga audit finding na dapat sagutin. Kasabay nito, dapat ding suriin kung ang pagtawag na “pork and blood budget” ay nakabatay sa napatunayang maling paggamit ng pondo o sa mas malawak na pagtutol sa programang nagdadala ng serbisyo sa mga dating conflict-affected barangay.
Kung may mga pagkukulang, ayusin at papanagutin ang may sala kapag may ebidensiya. Kung may paratang ng korupsiyon, ilahad ang dokumento at tukuyin ang transaksyon. At kung may sibilyang pinatay ng NPA, dapat ding igiit ang imbestigasyon at pananagutan. Hindi dapat pumili ng pamantayan ayon sa kung sino ang pinupuna. Ang sambayanan ay nararapat sa mga proyektong natatapos, sa serbisyong napapakinabangan, at sa mga paratang na kayang patunayan.
Ang totoo, ang atake sa mga programa ng gobyerno na hindi pa nga umabot ng isang dekada, ay hindi tungkol sa unfinished projects sa Iloilo. Ito ay tungkol sa depensa ng isang ideolohiyang unti-unting natalo sa ground. Habang ang gobyerno ay nagtatayo ng kalsada, paaralan, at water system sa dating controlled areas, ang tugon ng pambasa-demokratikong organisasyon tulad ng Kabataan Partylist at mga lider nitong gaya ni Renee Co ay panawagan na buwagin ang mismong programang nagbibigay ng alternatibo sa armadong pakikibaka. Kung ang layunin ay tunay na kaunlaran at kapayapaan, bakit ang solusyon ay palaging ang pagpapahina sa mga institusyong epektibong sumisira sa kakayahan ng CPP-NPA na mang-recruit at maglunsad ng gyera?





Mga Komento