top of page

Dating Rebelde: Ceasefire ng CPP-NPA Ginagamit sa Propaganda at Rekrutment

  • Writer: Jay Dimaguiba
    Jay Dimaguiba
  • 16 hours ago
  • 3 min read

Isang dating kasapi ng Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP-NPA) ang nagsabing ang apat-na-araw na unilateral ceasefire na idineklara ng grupo ngayong Lunes ay hindi tunay na hakbang para sa kapayapaan,kundi isang kalkuladong propaganda maneuver at taktikal na galaw.



Batay sa karanasan ni “Ka Randy” sa loob ng kilusan, ang mga ceasefire na idinedeklara tuwing panahon ng kapaskuhan at anibersaryo ng CPP ay ginagamit upang magmukhang makatao ang organisasyon. Ito ay habang nagpapatuloy pa rin ang kanilang pang-i-impluwensiya, mga operasyong militar, at paniktik sa mga komunidad.


Photo courtesy of Rappler
Photo courtesy of Rappler

“Sa loob ng kilusan, hindi ito itinuturing na tunay na tigil-putukan. Tactical pause lamang ito,” ani Randy, isang dating rebelde.



Ayon kay Randy, ang ceasefire ay hindi bahagi ng anumang peace framework at walang malinaw na utos na itigil ang karahasan, lalo na laban sa mga sibilyan. “Hindi ibig-sabihin nito ay titigil na sa gawaing pang-seguridad, tulad ng pamamarusa sa tinatawag nilang asset ng gobyerno o sa pagpatay ng sibilyan. Ang mahalaga sa kanila ay ang pang labas na mensahe sa publiko, habang pinagmumukhang pabor sila sa kapayapaan” dagdag niya.



Aniya, karaniwang inuutusan ang mga yunit ng NPA na lumipat sa “active defense mode,” na nagbibigay-daan upang iwasan ang engkwentro ngunit manatiling aktibo sa kanayunan.

Ikinuwento ni Randy na ipinapakita ng CPP-NPA ang ceasefire bilang pakikiisa sa mamamayan tuwing Pasko at Bagong Taon, ngunit taliwas ito sa aktwal na nararanasan ng mga tao sa baryo.



“Ito ay Image-building. Sa kanayunan, hindi kapayapaan ang dala ng NPA kundi takot. Pero sa mga pahayag nila, pinapalabas lang nilang sila’y disiplinado at may malasakit. Dagdag pa rito, hindi naniniwala ang kilusan sa mga relihiyosong paniniwala tulad ng Pasko. Bagkus, ginagamit lamang nila ang tradisyon ng masa upang kumuha ng mga rekurso at iba pang pangangailangan.” ani Randy.



Dagdag niya, “ginagamit ang ganitong pahayag upang linisin ang imahe ng grupo at ipakita ang gobyerno bilang agresibo.”



Rekrutment at Konsolidasyon



Batay sa kanyang karanasan, sinabi ni Randy na sinasamantala ng CPP-NPA ang ceasefire at panahon ng holiday upang palakasin ang organisasyon.



“Ang ceasefire o ang kapanahunan ng Pasko ay sinasamantala lang ng CPP-NPA upang magpa-akyat ng mga kadre sa kalunsuran at magpa-full time din ng mga kabataan sa kanayunan,” aniya.

Aniya, mas maluwag ang galaw ng mga kadre kapag mas kaunti ang presensya ng militar, kaya mas madali ang rekrutment.



Pagkontrol sa naratibo



Ayon kay Randy, hindi rin aksidente ang timing ng ceasefire dahil kasabay ito ng anibersaryo ng CPP. “Pinapalakas nito ang morale ng mga kasapi at inililihis ang usapan sa media. Imbes na tunay na magwasto sa pagpatay at abuso ng mga magsasaka at katutubo, nilulunod lamang ng Kilusan ang mga kasapi nito sa mga pangpa-agit na propaganda” ani Randy.



Binigyang-diin ni Randy na hindi sapat ang pansamantalang tigil-putukan upang masabing seryoso sa kapayapaan ang CPP-NPA. “Kung seryoso sila, dapat itigil nila ang pag-target sa sibilyan, managot sa mga nagawa, at talikuran ang pananakot bilang paraan ng kontrol,” aniya.

Hangga’t nagpapatuloy ang pamamaslang, pananakot, at pamimilit sa kanayunan, aniya, mananatiling hungkag ang anumang pahayag ng pakikiisa.



Tungkulin ng Estado



Ayon pa kay Randy, tama lamang na hindi kilalanin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of National Defense (DND) ang unilateral ceasefire ng CPP-NPA. “Hindi puwedeng ipailalim ang seguridad ng mamamayan sa pahayag ng armadong grupong walang pananagutan sa batas,” ani Randy.



Sa huli, iginiit niya na ang kapayapaan ay hindi nade-deklara sa salita. “Ang kapayapaan ay pinatutunayan sa gawa. Hangga’t ginagamit ang ceasefire sa propaganda at panlilinlang, bahagi ito ng problema, hindi ng solusyon,” pagtatapos ni Randy.






























Recent Posts

See All

Comments


Kontra-Kwento is a collective composed of former cadres of the CPP-NPA-NDFP who have traded our rifles for pens, keyboards, and cameras. We are determined to expose false narratives and foster critical but constructive social awareness and activism. Through truthful storytelling and sharp, evidence-based analysis, we stand with communities harmed by disinformation and violent extremism.

Grounded in hard-won experience from the front lines of conflict, we bring an insider’s perspective to the struggle against extremist propaganda. We hope to empower communities with knowledge, equip the youth to recognize manipulation and grooming, and advocate relentlessly for social justice.​

Join us as we turn our lived experience into honest reportage. Together, let's unmask lies, defend the truth, and serve the Filipino people.

bottom of page