Dating Rebelde sa Mindoro Ipinaliwanag ang “Tour of Duty” ng NPA, Pinabulaanan ang Pahayag na mga “Student Researcher” Lamang ang Nasawi at na-rescue
- Jhenelyn Cruz

- Jan 11
- 2 min read
OCCIDENTAL MINDORO — Ipinaliwanag ng isang dating rebelde na kilala bilang Kuya Nik, dating political instructor ng panlabang unit ng NPA Occidental Mindoro (Plager), ang konsepto ng Tour of Duty (TOD) ng New People’s Army (NPA), kasunod ng mga pahayag ng ilang makakaliwang organisasyon na ang nasawing kabataan sa engkwentro sa Occidental Mindoro na si Jerlyn Doydora at ang rescued na si Chantal Aninoche ay mga “student researcher” lamang.

Ayon kay Kuya Nik, hindi simpleng pananaliksik o community immersion ang TOD. Ito ay isang pormal na yugto ng aktibong integrasyon ng kabataan sa rebolusyonaryong kilusan at armadong pakikibaka.
“Ang TOD ay buong immersion sa buhay-rebolusyonaryo,” paliwanag niya. “Dito sinasanay ang kabataan sa disiplina, ideolohiya, at aktwal na operasyon ng yunit.”
Ipinunto niya na sa panahon ng TOD, ang mga kabataan ay naninirahan kasama ang mga yunit ng NPA at unti-unting isinasabak sa mga gawain tulad ng logistics, intelligence gathering, at iba pang suportang kritikal sa operasyon ng armadong grupo. Kasabay nito ang masinsinang paghubog sa ideolohiyang Marxismo-Leninismo-Maoismo at paghahanda para sa mas mataas na responsibilidad sa kilusan.
Nilinaw rin ni Kuya Nik na ang kawalan ng baril sa isang indibidwal sa oras ng engkwentro ay hindi awtomatikong nangangahulugan na hindi siya kasapi ng NPA. Ayon sa kanya, nang matagpuan ang bangkay ni Jerlyn at nang madiskubre si Chantal na nagtatago, kapwa sila walang dalang armas—subalit hindi nito binabago ang kanilang posibleng katayuan sa loob ng yunit.
“Maraming sitwasyon kung bakit walang hawak na armas ang isang kasapi,” paliwanag niya. “May mga pagkakataong kulang ang armas kumpara sa bilang ng personnel, o kaya’y may itinalagang gawain na hindi nangangailangan ng baril. Kahit ang mga mataas ang ranggo sa yunit ay maaaring walang dalang armas, depende sa sitwasyon.”
Binigyang-diin din niya na ang paglalarawan sa mga kabataan bilang “researcher” ay nakaliligaw at hindi sumasalamin sa tunay na papel ng TOD sa loob ng NPA.
“Hindi sila basta naroon para mag-aral,” ani Kuya Nik. “Sila ay hinuhubog, sinusubok, at inihahanda para sa aktwal na buhay sa kilusan.”





Comments