“Wanted” Posters ng CPP-NPA, malawakang kinundena
- Xandro Marko Leandro Montero
- 20 hours ago
- 3 min read

Mariing kinondena ng mga dating rebelde (FRs) at ng pambansang pederasyon na Buklod Kapayapaan ang paglabas ng Communist Party of the Philippines (CPP) - New People’s Army (NPA) ng mga “wanted” poster laban kina Gerald Mangao at Erick Simogan.
Sa magkahiwalay na post na lumabas sa Facebook page na “Villager’s Point of View 2.0,” pinangalanan ang dalawa bilang umano’y “kontra-rebolusyonaryo” at nakikipagtulungan sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Hinikayat din ang publiko na magbigay ng impormasyon sa mga yunit at pormasyon ng NPA ukol sa kanilang kinaroroonan.
“Huwag Magpalinlang”
Sa social media, agad na umani ng matinding batikos ang naturang “wanted” posters mula sa hanay ng mga FR at peace advocates.
“HUWAG MAGPALINLANG,” babala ni Simogan. “Ang paglalabas ng mga ‘WANTED’ na materyal laban sa mga nagbalik-loob ay hindi nakakatulong sa kapayapaan at maaaring magdulot ng takot at panganib sa kanilang buhay,” ayon sa kanya.
Binigyang-diin niya na ang pagbabalik-loob sa pamahalaan ay hindi krimen kundi hakbang tungo sa bagong simula at mas maayos na kinabukasan para sa pamilya at komunidad.
Dagdag ni Simogan na siya ay naninindigan para sa “katotohanan, katarungan, kapayapaan at pagkakaisa ng komunidad.”

Buklod Kapayapaan: “Psychological Warfare”
Ayon sa Buklod Kapayapaan, ang pag-target kina Simogan at Mangao ay maituturing na manipestasyon ng “psychological warfare” at isang manipis na pagtatangkang isama sila sa tinatawag na “order of battle” ng NPA.
“Ang publiko at tahasang paglalagay ng tatak na traydor at kaaway ay malinaw na intimidasyon. Ito ay pagtatangkang patahimikin ang mga truth-tellers na nagsasalita tungkol sa kanilang naging karanasan sa loob ng kilusan,” ayon sa pederasyon.
Ipinaliwanag ng grupo na matagal nang kinukundena ng CPP-NPA-NDFP ang mga dating kasapi, hindi lamang ang mga kritikal sa kanila, kundi maging ang mga tahimik na bumalik sa sibilyang buhay. Anila, ang matagumpay na reintegration ng mga dating rebelde ay sumasalungat sa naratibo ng “walang atrasan” sa armadong pakikibaka.
“Kapag ang tugon sa pagdududa at pag-alis ay pagbabanta sa buhay at kalayaan, hindi ito tanda ng lakas kundi ng pag-urong ng kanilang baseng masa,” dagdag pa ng Buklod Kapayapaan.
Babala ng NTF-ELCAC
Nagbabala rin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict laban sa lumalalang “spy tagging,” kung saan ang mga sibilyan ay binabansagang impormante bago maging target ng pag-atake.
Ayon sa mga tala ng NTF-ELCAC, hindi bababa sa 25 sibilyan ang naiulat na nasawi sa nakaraang taon matapos bansagang impormante ng militar. Kabilang sa mga biktima ang mga magsasaka, manggagawa, barangay official, forest guard, at iba pang community leaders.
Ipinaliwanag ng mga opisyal na ang ganitong mga “wanted” poster na walang due process at malinaw na ebidensya ay lumilikha ng klima ng takot at maaaring magbunsod ng karahasan sa ngalan ng tinatawag na “revolutionary justice.”
Panawagan para sa Proteksyon
Nanawagan ang Buklod Kapayapaan sa civil society, media, at human rights advocates na bantayan ang kaligtasan ng mga dating rebelde na piniling tahakin ang landas ng kapayapaan.
“Ang mga nagbalik-loob at ngayon ay nakikilahok sa lehitimong diskurso ay mga sibilyan na may karapatang maprotektahan. Ang pananakot ay walang lugar sa isang lipunang nagtataguyod ng demokratikong prinsipyo at tunay na pagkakasundo,” anila.
Sa gitna ng umiinit na usapin, iginiit ng mga FR na ang kapayapaan ay hindi matatag kung patuloy na tinatakot ang mga pumipili ng reintegration at pagsasalita ng katotohanan.
“Ang tunay na laban,” ayon kay Simogan, “ay laban sa karahasan—hindi laban sa kapwa Pilipino.”





Comments