Former rebel na dati ring miyembro ng Anakbayan, pumalag sa online bullying ng mga aktibista
- Jay Dimaguiba
- 6 days ago
- 2 min read
Isang dating kasapi ng New People’s Army (NPA) na kinilalang si Pobi Sy ang nagsalita laban sa online harassment na natanggap niya mula sa isang aktibista ng Anakbayan. Sa isang Facebook post, inilahad ni Sy ang kanyang naging karanasan sa loob ng kilusan at ang desisyong magbagong-buhay kasama ang kanyang pamilya.






Ayon kay Sy, hindi siya kusang-loob na sumali sa kilusan. “Inanyayahan lang ako noon sa mga ‘educational discussions’ at orientasyon ng Anakbayan. Doon tinalakay ang armadong pakikibaka bilang tanging paraan ng pagbabago sa lipunan,” aniya.
Matapos ng apat na taon bilang aktibista ng Anakbayan sa lungsod, nagpasya si Sy na sumapi sa NPA noong Disyembre 2022. Sya kusang nagbalik-loob sa pamahalaan noong September 2024.
Bilang dating kasapi ng isang sonang gerilya, ibinahagi ni Sy na nakita niya ang malaking pagkakaiba ng mga militante sa lungsod at ng mga kumikilos sa kanayunan. “Marami sa mga aktibista sa lungsod ang umiiwas sa panganib. Madalas pa nilang itanggi ang ugnayan ng mga legal na organisasyon sa armadong kilusan,” aniya. “Ang ganitong pagtanggi ay nagpapahina sa kabuuang kilusan,” dagdag pa niya.
Tinuligsa rin ni Sy ang aktibistang si Macoy Cabangon, na umano’y nambastos at nagpakalat ng maling impormasyon laban sa kanya. “Walang gumagamit sa akin. Ako at ang aking pamilya ay nagsisikap mamuhay nang marangal,” giit niya. Hinamon din niya si Cabangon na “maglahad ng makatuwirang argumento imbes na manira sa social media.”
Sa gitna ng online na diskusyon, binigyang-diin ni Sy ang stigma na patuloy na kinahaharap ng mga dating kasapi ng NPA. “Marami sa amin ang nakararanas ng post-traumatic stress disorder (PTSD) at dumaraan sa proseso ng rehabilitasyon at healing. Ang pagbabahagi ng aming karanasan ay bahagi ng paggaling na ito,” paliwanag niya.
Dagdag pa ni Sy, hindi dapat pagbuntunan ng sisi ang mga nagbalik-loob. “Marami sa mga sumuko ay dahil sa mga pagkukulang ng mismong kilusan—mga kahinaan ng pamunuan at maling direksiyon ng ilang lider. Mapanlinlang at iresponsable ang patuloy na paghikayat sa mga komunidad na kumilos, lalo na kung ang mga lider naman ay hindi rin handang humarap sa mga paghihirap ng rebolusyon,” aniya.
Sa huli, nanawagan si Sy na itigil ang paninira sa mga dating kasapi ng kilusan at bigyang-daan ang kanilang muling pagbangon. “Ang tunay na laban ay wala na sa bundok. Nasa pagpapatuloy ito ng buhay na may dangal, pagkakaisa, at paghilom mula sa karahasang aming naranasan,” pagtatapos niya.





Comments